Inday TrendingInday Trending
Nawala sa Katinuan ang Babae Dahil sa Pag-ibig; Tunay na Pagkakaibigan ang Gagamot sa Kaniyang Sugat

Nawala sa Katinuan ang Babae Dahil sa Pag-ibig; Tunay na Pagkakaibigan ang Gagamot sa Kaniyang Sugat

Nakangiting pinagmamasdan ni Ayen Herrera ang ipinatayo niyang charity para sa mga kapuspalad na mga bata. Simula pa lang noong bata siya ay pangarap niya na ito, kaya naman pagkatapos niyang makakuha ng diploma sa kolehiyo ay matiyaga siyang naghanap-buhay upang makaipon.

Ang kaniyang pagod at sakripisyo ay nasuklian lalo na at naging katuwang niya rito ang asawang si Atty. Paulo Herrera. Nakaakbay ito sa kaniya habang namamangha sa kung gaano kaganda ito. Kulay puti ang pintura nito at napakalawak ng labas na may iba’t ibang pwedeng paglaruan ng mga bata.

“Ang ganda talaga,” saad pa ni Paulo sa asawa.

“Salamat, kasi tinulungan mo akong abutin ang pangarap ko.” Hinalikan ni Ayen sa labi ang asawa bago ito nakangiting niyaya sa loob.

Kapansin-pansin na detalyado ang pagkakagawa sa loob ng naturang tahanan. Sa baba ay naroon ang ilang pahabang lamesa kung saan sabay-sabay na kakain ang mga bata. Sa kanang bahagi ay ang mga kwarto at sa kaliwa naman ang siyang learning area ng mga bata.

Nais niyang matuto ang mga ito at maging katulad niya na sa paglaki ay marunong nang tumapak sa sariling mga paa. Na hindi kailangang dumipende sa iba upang mabuhay. Nais niyang turuan sila ng mabuting asal at iparamdam na buo at kumpleto ang kanilang pagkatao kahit pa wala silang kinagisnang tunay na pamilya.

Hindi naging madali ang umpisa ng Pure Heart’s Charity. Maraming papeles at kung ano-ano pa ang kailangang kumpletuhin hanggang sa unti-unti ay nakuha na ni Ayen kung paano patakbuhin ang binuong charity. Binusog niya sa kalinga ang mga batang iniwan ng sariling magulang. Mga pakalat-kalat sa kalye at naabuso na mga bata.

Ngunit hindi lahat ay masaya sa kaniyang tagumpay. Naiinggit ang dati niyang kaibigan at kasamahan din sa kinalakhang bahay ampunan na si Marife. Parehas nila itong pinangarap noon at ngayong natupad na ni Ayen ay nagngingitngit ito sa galit.

Hindi rin maintindihan ni Ayen kung bakit ganoon na lamang ang naging reaksyon ni Marife sa kaniyang tagumpay. Pareho naman nilang gusto ito noon!

Gumawa ng kwento si Marife at saka ipinagkalat na ginagamit niya lang ang mga bata sa masamang mga gawain. Lahat ng paninira ay ipinaratang sa kaniya ng dating kaibigan. Umabot pa hanggang sa kasukdulan ang kasamaan ni Marife. Tila wala na ito sa sariling katinuan, lalo na nang magdesisyon itong sampahan pa siya ng kaso dahil kahit yata ang sarili niyaʼy napaniniwala na niya sa kaniyang kasinungalingan.

Nagharap sila sa korte. Si Paulo ang naging abogado ni Ayen. Lahat ng paratang ni Marife ay walang kabuluhan para sa mga nakikinig. Maraming ebidensya ang nagpapatunay ng kalinga at pagmamahal ni Ayen sa mga bata. Walang kahit anong pananakit ang dinanas ang mga ito sa kaniya dahil alam niya ang pakiramdam ng mapagmalupitan.

Maging ang legal na mga dokumento at kung saan nakuha ang pera ay binusisi. Sa huli, napahiya si Marife ng mapatunayang inosente si Ayen.

Ang gusto sana ni Paulo ay ito naman ngayon ang sampahan ng kaso, ngunit iba ang gusto ni Ayen…

“Gusto ko siyang ipatingin sa doktor, hon,” ani Ayen sa kaniyang asawa.

“Bakit pa?! Ginawan ka niya ng masama, hon!” ngunit agad na tanggi naman ni Paulo.

Sa huli ay si Ayen pa rin ang nasunod dahil hindi naman kayang tiisin ni Paulo ang hiling ng kaniyang mahal na asawa.

Napag-alaman nilang umiibig din si Marife kay Paulo na kapwa nila naging kaibigan noong sila ay nasa kolehiyo pa lang.

Nang maging sila ay doon na rin nagsimula ang inggit ni Marife kay Ayen. Matagal nitong kinimkim ang lahat ng inggit na nararamdaman sa kaibigan hanggang sa mawala na ito nang tuluyan sa kaniyang katinuan nang pati ang pangarap nilang pagtatayo ng tahanan para sa mga batang kapus-palad ay si Ayen din ang nakatupad.

Agad na dinala sa isang mental institute si Marife sa tulong na rin ni Ayen. Labis ang lungkot na nadarama ng huli dahil sa nangyayari sa kaibigang noon ay itinuring na rin niyang kapatid. Wala siyang nadaramang galit dito dahil alam niyang dulot lamang iyon ng naging epekto ng sobrang pagmamahal kay Marife.

Ilang buwang gamutan pa ang lumipas at sa wakas ay naging mas maayos ang isip ni Marife. Agad siyang humingi ng paumanhin kay Ayen para sa kaniyang mga nagawa noon na malugod namang tinanggap nito. Nagsimula ng bagong buhay ang magkaibigan at nagpasiyang maghiwalay muna ng landas upang tuluyan nang makausad si Marife at tumayo sa sarili niyang mga paa.

Advertisement