Teacher Bayani ang Taguri ng mga Taga San Isidro sa Isang Guro; Iyon ay Dahil sa Hindi nito Pagsuko

Maagang naghanda si Marites Conception para sa pamimigay ng modules sa kaniyang mga estudyante. Nasa liblib na pook ang ilan sa mga ito at malayo-layo kung lalakbayin. Kailangan pang tawirin ang makipot na tulay na siyang kinatatakutan ng tulad niyang guro.

Buwis-buhay kasi ang pagtawid sa tulay. Isang mahabang katawan ng niyog ito na pinagtulungang ilagay ng mga residente upang makatawid sa rumaragasang tubig. Maraming guro ang sumuko sa bayan ng San Isidro dahil mahirap talaga itong marating. Bukod tanging si Marites ang nakatagal nang mahigit limang taon sa pagtuturo sa liblib na lugar na iyon.

Suot ang uniporme habang kumpleto sa kaniyang safety gears si Marites. Naka-face mask at face shield nang lumabas siya sa kaniyang bahay. Dala-dala ang mga modules na pinagsama-samang photo copy ng mga leksyon at takdang aralin ng kaniyang mahal na mga estudyante, na siya niyang ipamimigay sa mga bata mula unang antas hanggang ika-anim.

Nagpaalam na siya sa asawa at anak. Ilang kilometro rin ang nilakad niya bago marating ang buwis-buhay na tulay. Malakas na naman ang ragasa ng tubig na kung titingnan mula sa baba ay matatakot kang tawirin ang tulay.

Nagdasal muna siya katulad ng nakagawian bago itinawid ang tulay. May bantay sa dulo upang masiguro ang kaligtasan ng mga tumatawid.

Sa hindi inaasahan ay nagkamali nang tapak si Marites at bigla siyang nawalan ng balanse kaya naman nahulog siya sa tulay. Napapikit ang kaniyang mata upang hindi makita ang babagsakang tubig. Mabuti nalang at nakakapit siya agad at mabilis na tumulong ang bantay na lalaki.

Tagaktak ang pawis ni Marites nang mai-angat siya ng lalaking bantay sa tulay. Lubos ang pasasalamat niya rito kaya naman umiiyak siyang niyakap ito. Naging marungis din ang suot niya, nabawasan ang modules na kaniyang bitbit dahil sa nangyari ngunit nanatiling positibo si Marites.

Halos maiyak siya nang makita kung ilang magulang ang nag-aabang sa kaniya para sa edukasyon ng kanilang mga anak. Mga magulang na pinaglayo ng isang kilometrong distansya upang maiwasan ang paglalat ng sakit dahil sa lumalaganap ngayong pandemya. May mga suot na face mask ang mga ito ngunit kita sa mata nila ang galak at saya.

Advertisement

Sinabi ni Marites ang dapat malaman ng mga bata. May dala siyang gamit dahil isang linggo siyang mananatili sa lugar upang masubaybayan ang mga batang mag-aaral.

Lingid sa kaalaman ni Marites ay may ilang tao ang dumayo sa lugar ng San Isidro at nakuhanan ang nangyari. Mabilis na kumalat ang mga video at larawan ng kaniyang kabayanihan sa internet, sa mga balita at pahayagan, maging sa diyaryo at ibaʼt ibang show sa telebisyon ay binibigyan siya ng parangal. Samu’t saring papuri ang kaniyang natamo, ngunit wala pa siyang kaalam-alam dahil wala namang signal sa lugar na iyon.

Tatlong araw makalipas ang pangyayari. Dinagsa ng tulong ang lugar ng San Isidro higit ay ang huwarang guro na hindi tumigil sa pagbibigay ng edukasyon sa mga bata. May mga pribadong institusyon din ang tumulong upang mapaayos ang buwis-buhay na tulay.

Naging mas masipag ang mga batang mag-aral dahil sa kalinga ng kanilang butihin at bayaning gurong si Marites. Bawat bahay ay kaniyang pinupuntahan dahil na rin sa bawal lumabas ang mga ito ngayong may krisis na kinakaharap ang mundo.

Lubos ang pasasalamat ng mga magulang ng mga bata. Bukod doon, malaki ang pasalamat ni Marites sa mabubuting puso na tumulong upang mas maging magaan ang kaniyang pagtuturo sa San Isidro.

“…At ngayon po ay tinatawagan natin ang ating tinaguriang TEACHER BAYANI na walang sawang tumulong sa mga kapuspalad na batang mag-aaral ng San Isidro. Hindi naging balakid sa kaniya ang pagtawid sa buwis-buhay na tulay para lamang maihatid sa kanila ang edukasyong pinakakinakailangan ng mga bata rito ngayon. Narito siya ngayon upang tanggapin ang ating munting pasasalamat at pagpaparangal sa kaniyang kabutihang naging daan, tungo sa mas magaan at magandang pagsisimula para sa mga bata… atin pong palakpakan si Mrs. Marites Conception!”

Nakangiting tinanggap ni Teacher Marites ang bungkos ng mga bulaklak na ginawa pa ng mga batang taga San Isidro kanina para lamang sa kaniya. Napatitig siya sa kaniyang asawaʼt mga anak na nakahalo sa mga audience habang maluha-luhang inaalayan siya ng palakpak. Bakas ang sobrang pagka-proud ng mga ito sa kaniya at labis iyong nakapagpasaya sa puso ni Marites… ang TEACHER BAYANI ng San Isidro.