
Niyabangan ng Matalinong Binata ang Isang Lalaking may Pusong Babae sa Opisina; Hindi pala Siya Uubra Rito
Nakapagtapos sa kursong Engineering at board passer pa si Arnold kaya naman sa tingin niya ay may karapatan na siyang magyabang.
Matalino ang binata ngunit saksakan naman ng sama ng ugali at mapagmataas ito. Simula nang makapagtrabaho ay mas lumaki pa ang ulo niya lalo na nang matanggap sa inaplyang trabaho sa Pasig. Hindi raw basta-bastang kumpanya kung saan siya natanggap, isa raw iyon sa pinakamalaking kumpanya sa bansa. Kaya labis ang pagmamalaki niya sa kaniyang pamilya.
“Alam niyo ba na kung gaano kayo kasuwerte na may anak at kapatid kayong matalino? Ako ang mag-aahon sa inyo sa atin sa kahirapan ngayon na may trabaho na ako sa inaplayan kong kumpanya sa Pasig,” pagyayabang niya sa mga magulang at kapatid habang kumakain sila ng hapunan.
“Talaga, ate? Makakabili na tayo ng malaking bahay at magarang sasakyan? Maibibili mo na rin kami ng mga bagong cell phone?” tanong ng kapatid niyang si Alvin.
“Matutupad ang lahat ng iyan dahil magaling ako at malaki ang suweldo ko sa aking trabaho,” sagot naman ni Arnold.
“Anak, hindi masamang mangarap pero hinay-hinay lang. Bago ka pa lang sa trabaho mo, dapat ay paghusayan mo muna roon bago ka magsalita ng ganyan,” sabi naman ng kaniyang inang si Aling Georgia.
“Eh ano naman po kung magsabi ako ng ganoon? E, totoo naman na ako ang mag-aahon sa pamilyang natin sa hirap. Basta abangan niyo na lang, titingalain tayo ng mga kapitbahay natin diyan sa labas. Laking inggit lang ng mga iyan dahil wala sa mga anak nila ang narating ang narating ko,” pagyayabang pa ng binata.
“Naku, huwag ka namang magsalita ng ganyan anak at baka may makarinig sa mga kapitbahay natin at sumama ang loob sa iyo. Huwag mong ipagyabang ang iyong narating at sa halip ay maging mapagkumbaba ka,” tugon naman ng kaniyang ama na si Mang Igme.
“Wala po akong pakialam kung marinig nila. Totoo na naman, eh. Wala naman sa mga anak nila ang nakapagtapos ng Summa Cuma Laude sa UP at 2nd placer pa sa board exam. Ako lang ang nakagawa noon dito sa lugar natin,” matapang pa rin niyang sagot.
Napapailing na lang ang mga magulang niya sa mga sinasabi niya. Hindi na nila kinontra pa ang anak dahil kilala nila ito. Kahit anong saway nila rito ay may nakahandang sagot ang binata. Hindi talaga ito magpapatalo.
Sa unang araw ni Arnold sa kaniyang trabaho ay mas lalong tumaas ang kanyang ere. Isinuot niya ang pinakamaganda niyang damit na pamasok at buong yabang na naglakad sa labas ng kanilang bahay na tila iniinggit ang mga kapitbahay niya dahil sa magandang kumpanya siya magtatrabaho. Habang pinagmamasdan siya ng mga kapitbahay nila ay hindi naiwasang humanga ng iba sa kaniya at ang iba naman ay lihim na naiinis sa angkin niyang kayabangan.
Pagpasok niya pa lang sa opisina ay ipinamalas na niya agad ang kaniyang kahambugan.
“Miss, ako ang bagong engineer, saan ba ang magiging puwesto ko?” utos niya sa isang babae na tila ito ang sekretarya sa opisina.
“Good morning, sir. Kayo po ba si Engineer Palanca? Pasensiya na po pero hindi pa po kasi naaayos ang kuwarto na gagamitin niyo kaya doon po muna kayo pupuwesto sa pinakadulong cubicle,” wika ng babae sabay turo sa pupuwestuhan niya.
“T-teka, ako ang bagong engineer dito tapos wala akong sariling puwesto? At bakit doon niyo ako papaupuin sa dulong cubicle na parang hindi man lang nalilinis?” singhal niya sa kausap.
Napakamot sa ulo ang sekretarya at hindi alam ang gagawin. Taas-noong nilakad ni Arnold ang buong opisina, iginala ang mga mata at may nakitang kuwarto na nakabukas ang pinto.
“Dito, dito ko gustong pumuwesto. Ito ang gusto kong kuwarto. Dito ko gustong magtrabaho,” wika niya.
“P-pero, h-hindi po maaari kasi…”
“At bakit hindi puwede? Baka gusto mong isumbong kita sa boss natin?Tandaan mo, sekretarya ka lang dito kaya dapat mo akong sundin! Ganiyan ba ang trato mo sa mga bagong engineer dito?”
Napapailing ang sekretarya. Hindi makapaniwala sa inaasta ng bagong empleyado.
Lakas loob na pinasok ni Arnold ang kuwarto at umupo sa silyang naroon. Nang may pumasok na may edad na lalaki ngunit nang magsalita ito ay isa pala itong binabae.
“Excuse me, ano’ng ginagawa mo rito? May kailangan ka ba, hijo?” tanong ng bin*bae.
“Hoy, anong ginagawa mo rito? Mula ngayon ay akin na ang kuwartong ito. Ayoko nang may ibang taong pumapasok dito! Sino ka bang b*kla ka na basta-basta na lang pumapasok dito?” tanong ni Arnold sa mayabang na tono.
Inangasan niya ang may edad na binabae porket simple lang ang pananamit nito. Nakamasid lang ito sa kaniya habang patuloy siyang nagbubunganga sa loob ng kuwarto. Maya-maya ay pumasok ang sekretarya.
“Naku, sir, pasensiya na po. Nagpumilit po kasi siya na rito siya magtatrabaho sa kuwarto niyo,” wika nito.
“Teka, hoy, miss sino ba itong b*klang ito na basta na lang pumasok sa kwarto? Puwede ba lumabas na kayo dahil akin na ito ngayon,” pagmamatigas ni Arnold.
“’Di ba dapat ikaw ang lumabas dito sa loob ng kuwarto ko?” biglang tanong ng binabae.
“Kwarto mo? Sinong may sabi sa iyo? At tinatanong mo ako kung sino ako? Ako lang naman ang bagong engineer dito. Eh, ikaw, ano ka ba rito?” aniya sa mapagmataas na tono.
“Ako lang naman si Engineer Frederick Gonzales, ang Chief Engineer at may-ari ng engineering firm na ito,” bunyag ng kaharap.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Arnold. Hindi siya nakapagsalita nang ipagtapat na ng binabae ang totoong katayuan nito sa opisinang iyon. Ang hindi niya alam ay simple lang talaga kung manamit ang may-ari ng kumpanya.
“Alam mo, Engineer Palanca, sayang ka at matalino ka pa naman. Kaya ka nga natanggap sa aking kumpanya para rito magtrabaho ngunit hindi ko akalaing napakahambog mo pala at saksakan ng yabang. Hinamak mo pa ang aking kasarian. Mas gugustuhin ko na ang isang taong hindi katalinuhan at kagalingan ngunit may mabuting puso kaysa sa magaling at matalino nga pero ubod naman ng sama ng pag-uugali at saksakan ng yabang at kahambugan. Hindi nababagay sa kumpanya ko ang isang kagaya mo kaya makakaalis ka na rito. You’re fired!” hayag ng may-ari ng kumpanya.
Walang mukhang maiharap ang binata sa may-ari ng kumpanya at sa mga empleyadong naroon. Lulugo-lugo siyang lumabas sa opisina na puno ng pagsisisi sa kaniyang ginawang kahambugan. Imbes na nagkaroon na siya ng magandang trabaho, nawala pang parang bula dahil sa kaniyang kayabangan na naglugmok tuloy sa kaniya sa kahihiyan.