Inday TrendingInday Trending
Gustong-gusto ng Magkakaibigang Babae ang Bago Nilang Officemate na Guwapo na, Macho pa; Pahiya Sila nang Matuklasang May Iba Itong Kinahuhumalingang Babae

Gustong-gusto ng Magkakaibigang Babae ang Bago Nilang Officemate na Guwapo na, Macho pa; Pahiya Sila nang Matuklasang May Iba Itong Kinahuhumalingang Babae

“Gab, sama ka sa amin mamayang mag-videoke?” yaya ni Cristy sa ka-opisina.

“Tama, saglit lang tayo dun. Magha-happy, happy lang tayo,” sabi naman ni Aya.

“Game ako! Anong oras ba?” sagot ng lalaki.

Gustung-gustong kasama ng mga katrabahong babae ang kasamahan nilang si Gab na bagong empleyado sa pinapasukan nilang kumpanya dahil madali itong yayain sa mga gimikan.

Bukod sa masarap kasama ang lalaki ay pinagpapantasyahan rin siya ng mga kababaihan sa opisina. ‘Di kasi maipagkakaila na napakaguwapo ni Gab. Maputi ang lalaki na may tsinitong mga mata at may matipunong pangangatawan kaya marami sa mga katrabaho niya ang nahuhumaling sa kaniya kahit ang iba ay may mga nobyo na.

“Gab, may gagawin ka ba mamayang gabi?” tanong ni Aya.

“Bakit?’ balik na tanong ng lalaki.

“Yayayain ka sana namin sa bagong bukas na bar sa Quezon Ave. Ano puwede ka ba?”

Napakunot ang noo ni Gab.

“Hindi ako puwede mamaya, e! Kailangan kong umuwi nang maaga.”

“Sayang naman. Hindi kumpleto ang tropang gimik kapag wala ka.”

“Next time na lang. May naghihintay rin kasi sa akin sa bahay.”

Ikinuwento ni Aya sa mga kasamahan ang naging sagot ng lalaki sa kaniyang paanyaya.

“Ano, hindi mo napapayag si Gab?” ani Cristy.

“Pagkakataon na sana iyon para makasama natin siya, tsk!” dismayadong wika ni Diane.

“Teka, teka, girls huwag niyong sabihing may pagtingin din kayo kay Gab?” tanong ni Aya.

“Ano namang masama? Dalaga kami kaya puwedeng-puwede naming pagpantasyahan si Gab, e, ikaw? May dyowa ka na ‘di ba, Aya? Bakit nakikisali ka pa sa amin?” tugon ni Cristy.

“Walang pakialamanan! Basta kung sino ang unang maka-iskor sa kaniya ay siya ang masuwerteng babae. May the best girl win na lang!” wika ni Aya.

Desidido talaga ang magkakaibigan na akitin ang guwapong-guwapo nilang officemate.

Araw ng Biyernes ay muling inaya ng mga kasamang babae ang lalaki.

“Gab, available ka na ba ngayon? Tamang-tama Friday night at suwedo pa kaya sumama ka na sa amin!” yaya ni Aya.

“Sige, pero hindi ako magtatagal ha. May naghihintay kasi sa akin sa bahay kaya hindi ako maaaring gabihin.”

“O-okay lang. Ano tuloy na tayo mamaya ha?” wika ni Diane.

Napilit ng mga babae ang kanilang ka-opisina na sumama sa kanila. Pumunta sila sa malapit na bar at nag-inuman. Bilib na bilib ang mga ito kay Gab dahil hindi ito mabilis malasing. Nakailang bote na sila ng alak ay nakatindig pa rin ang lalaki. Maya-maya ay nagpaalam na ito nang makita na alas-nuwebe na ng gabi.

“Paano, mauuna na ako ha! Kita kits na lang sa Lunes!” anito.

“Ihahatid na kita sa sakayan,” alok ni Aya.

“Hindi na! Kaya ko na ang sarili ko,” sabi ng lalaki.

Nang makaalis si Gab ay nadismaya na naman ang mga kasama.

“Ang hihina niyo naman, e! Pagkakataon niyo na para diskartehan si Gab wala pa rin kayong nagawa?” ani Cristy.

“Bakit ikaw, meron?” inis na tanong ni Aya.

“Ako pa! Siyempre nakuha ko ang Instagram account niya,” pagyayabang ng babae.

“’Di nga! Ang daya mo talaga!” gigil na sabi ni Diane.

Nang silipin ng mga kakaibigan ang Instagram account ni Gab ay nagulat ang mga ito.

Nakita nila ang mga litratong nakapost doon na may kasama itong babae at magkaakbay pa ang dalawa.

“Teka sino iyan?” takang tanong ni Cristy.

“Hindi ko rin kilala. Baka naman… Sh*t! Ibig sabihin may girlfriend na siya? Pero bakit wala namang kahit anong nakalagay sa status niya na married or in a relationship? At isa pa tingnan ninyo, o mukhang UNANO pa yata ang babaeng ‘yan! Imposibleng girlfriend niya iyan!” wika ni Aya.

“Guys, nagpa-panic kayo agad, e! Malay niyo naman kung kaibigan o kapatid lang niya iyan! Look, papatol ba ang isang kagaya niya na ubod ng guwapo sa babaeng iyan? Mas maganda at ‘di hamak na mas maalindog tayo ‘di ba? At tama naman si Aya, imposibleng pumatol si Gab sa isang UNANO,” pagyayabang ni Diane.

“Tama si Diane. Ang tulad ni Gab ay nababagay lang sa katulad ko!” sabad ni Aya.

“G*ga! Anong ikaw, ako!” hiyaw ni Cristy.

“Huwag na tayong magtalo! Aalamin natin ang totoo. Dapat nating malalaman kung sino ang babaeng iyan para sa ikakapanatag natin!” suhestyon ni Diane.

Miyerkules ng gabi, pauwi na ang mga empleyado nang makita ng magkakaibigan na nagmamadaling magligpit si Gab para umuwi. Agad nila itong inusisa.

“O, Gab nagamamadali ka yata? May pupuntahan ka ba?” tanong ni Cristy.

“May espesyal akong kasama ngayon, e!” anito.

Nagkatitigan ang apat na babae. Sinusuwerte nga naman sila. Pagkakataon nila para malaman ang totoo. May pakiramdam sila na magkikita ang lalaki at ang babaeng nakita nila sa Instagram.

Lihim nilang sinundan si Gab nang makababa ito sa lobby ng gusali kung saan sila nagtatrabaho.

‘Di nagtagal ay nakita nila na may dumating na babae at sinalubong ito ni Gab. Laking gulat nila nang makita kung sino iyon. Kitang-kita ng kanilang dalawang mata ang babaeng nakita nila na kasama ni Gab sa litrato. Ikinabigla pa nila na isa talaga itong unano! Pumasok ito sa main door ng gusali, binitbit pa ng lalaki ang dala nitong bag. ‘Di naman sinasadya na napansin ni Gab na naroon sila at nagmamatyag.

“O, girls, kayo pala! Nga pala si Ericka, ang pinakamamahal at napakabait kong ASAWA! Darling, sila ang mga mababait at magaganda kong kasamahan sa trabaho. Sila rin iyong nakakasama ko sa gimik at pag-inom. Para kong kapatid ang mga iyan!” bunyag ng lalaki.

Natulala ang apat sa sinabi ni Gab. Hindi sila makapaniwala na ang babaeng hindi naman kagandahan at unano pa ang napangasawa ng kinahuhumalingan nilang lalaki.

“Kumusta kayo? Kayo pala iyong palaging ikinukuwento nitong asawa ko! Naku, ganyan talaga itong si Gab masyadong malapit sa mga babae. Hindi naman ako nagseselos kasi kilala ko ang mister ko. Lumaki kasi siya na puro babae ang kasama niya. Nag-iisa lang kasi siyang lalaki sa pamilya nila kaya masyado siyang malapit sa mga babae at ang turing niya ay mga kapatid niya. Malaki naman ang tiwala ko rito kay Gab dahil alam kong ako lang ang numero uno sa puso niya!” sabi ng babae.

Mas lalong napipi ang magkakaibigan sa sinabi ng asawa ng lalaki. Maya-maya ay nagpaalam na rin ang mag-asawa at nagsabing may date pa raw ang mga ito dahil third wedding anniversary nila.

Hanggang sa makaalis ang mag-asawa ay walang kibuan ang magkakaibigan. Sa isip nila ay talunan silang lahat dahil ang totoong nanalo sa puso ng lalaking gusto nila ay si Ericka, ang mabait nitong asawa.

Advertisement