Minaliit at Hinusgahan ng mga Kapitbahay ang Bulag na Dalagita; Laking Gulat Nila nang Maabot Nito ang Pinakamimithing Pangarap

“Si Abby bulag, si Abby bulag!”

Iyan ang palaging tukso ng mga batang kapitbahay kay Abby mula noong bata pa siya. Isinilang siyang bulag ang mga mata kaya mula noon ay puro panunukso na ang naririnig niya tungkol sa kaniya.

Hindi maiwasan na masaktan ni Abby kapag tinutukso ng mga kapitbahay at mga kaklase ngunit kahit ganoon ay positibo pa rin ang tingin niya sa buhay.

“Alam mo inay, kapag nakatapos ako ng pag-aaral ay gusto kong maging guro,” aniya sa ina.

“Naku, kayang-kaya mo iyan, anak. Ikaw pa ba, e matalino kang bata at candidate for salutatorian ka pa sa eskwelahan niyo!” sabi ni Aling Lilia.

“Kaso po, may problema…”

“Anong problema iyon, anak?”

“Baka kapag naging guro po ako ay pagtawanan lang ako ng mga magiging estudyante ko,” malungkot na tugon ng dalagita.

Advertisement

“Anak, hindi sukatan ang kapansanan ng isang tao sa pagiging mahusay nito sa isang bagay. Iyan ang palagi mong tatandaan ha?” anito.

Nang makapagtapos sa high school ay agad na nakapasok sa kolehiyo si Abby dahil sa mataas na markang nakuha niya sa entrance exam. Nakakuha siya ng scholarship kaya wala na siyang babayaran na matrikula.

“Inay, itay, nakakuha po ako ng scholarship. Makakapag-aral na ako ng libre!” masayang balita niya sa mga magulang.

“Ang galing-galing talaga nitong anak ko, manang-mana sa nanay,” wika ni Aling Lilia.

“Binabati ka namin, anak! Masaya at proud na proud kami ng nanay mo sa iyo!” bati naman ni Mang Yani.

Nabalitaan ng mga kapitbahay ang nangyari kay Abby ngunit ilan sa mga ito ang nagsabi ng mga negatibong komento.

“Nakakuha nga ng scholarship, pero ang tanong kapag nakagraduate kaya ang Abby na iyan ay makakakuha ng trabaho? Ano’ng mararating ng isang bulag? Dapat sa kaniya ay manahimik na lamang sa kanilang bahay,” tatawa-tawang sabi ni Mang Oscar na kanilang kapitbahay.

“Oo nga, iyong mga natatanggap pa naman ngayon sa trabaho ay iyong mga walang depekto sa katawan at walang kapansanan,” wika pa ni Aling Mildred.

Advertisement

“Tapos pagiging guro pa ang gusto? Ano iyon, gurong bulag? Pwede ba ‘yon?” gatol pa ni Aling Edna.

Lingid sa kanilang kaalaman ay nakarating ang kanilang mga panlalait kay Aling Lilia.

“Sobra na ang mga kapitbahay nating iyan, ha, Yani. Kung lait-laitin ang anak nating si Abby ay ganoon na lang. Ang kakapal ng mga mukha!”

“Hayaan mo na lang sila. Magsasawa rin ang mga iyan. Huwag na nating patulan.”

Narinig naman ni Abby ang pinag-uusapan ng mga magulang. Lihim siya napaluha sa mga narinig.

“Tutuparin ko ang mga pangarap ko. Hindi ako magpapaapekto. Papatunayan kong kaya ko at magtatagumpay ako,” bulong niya sa isip.

Pinaghusayan ni Abby ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Hindi naging hadlang ang kapansanan niya para makapag-aral. May mga nangungutya pa rin sa kaniya ngunit mayroon din siyang mga naging kaibigan kaya hindi siya nawalan ng loob. Dahil sa kaniyang pagpupursige ay nakapagtapos siya sa kursong edukasyon na may mataas na karangalan.

“Congratulations, anak! Naka-graduate ka na, isang hakbang na lang at isa ka nang ganap na guro,” wika ni Mang Yani

Advertisement

“Oo nga po, itay. Kailangan ko pong maipasa ang board exam, kaya ipagdasal niyo po ako!”

“Iyan talaga ang gagawin namin, anak. Ipagdarasal namin ang tagumpay mo. Anuman ang mangyari ay narito kami ng itay mo na palaging nakasuporta sa iyo,” tugon naman ng ina.

“Salamat po, inay, itay. Para po sa inyo ang lahat ng ito!” aniya.

Kumuha siya ng board exam at makalipas ang ilang buwang paghihintay ay lumabas na ang resulta.

“Anak, anak, pasado ka, pasado ka!” masayang sigaw ni Aling Lilia.

“Inay ano po iyon?” gulat na tanong ni Abby.

“Pasado ka, isa ka nang ganap na guro!”

“Totoo ba iyan, Lilia? Nakapasa ang anak natin?” ani Mang Yani.

Advertisement

“Oo nga, Yani! Totoong-totoo ang sinasabi ko. Heto nga o, nakalista ang pangalan ni Abby sa mga nakapasa.” Ipinakita ng babae sa asawa ang listahan ng mga nakapasa sa exam sa internet.

“Aba, oo nga! Congrats, anak!”

“Salamat po, Diyos ko! Dininig niyo po ang panalangin namin!” sabi ni Abby.

Hindi lang basta nakapasa si Abby sa exam. Isa siya sa mga nakapasok sa limang may pinakamataas na marka sa lahat nang kumuha ng naturang pagsusulit.

Makalipas ang ilang buwan sa malayong barrio kung saan naninirahan ang pamilya nina Abby ay nagkaroon ng malaking problema dahil umalis ang guro na nagtuturo sa maliit nilang ekswelahan dahil mag-aabroad na raw ito. Liblib kasi ang kanilang lugar kaya nahihirapan ang mga guro na puntahan iyon. Ang iba ay sumusuko dahil sa mababang pasahod sa mga ito.

“Wala na si Ms. Castro. Paano na ang ating barrio, wala nang guro na magtuturo sa mga bata!” nag-aalalang wika ni Aling Edna.

“Siguradong matatagalang dumating ang gurong ipapadala ng gobyerno para magturo rito sa atin,” dagdag pa ni Mang Oscar.

Nang biglang dumating si Aling Mildred, humahangos ito at pagod na pagod.

Advertisement

“Magandang balita, narito na raw ang guro na pumayag na madestino rito sa atin!” masayang sabi ng babae.

“Mabuti naman kung ganoon. Salamat sa Diyos at hindi niya pinababayaan ang ating barrio. Kawawa naman kasi ang ating mga anak at iba pang kabataan dito kung walang gurong magtuturo sa kanila,” ani Mang Oscar.

Nang puntahan nila ang maliit na eskwelahan ay laking gulat nila kung sino ang nadestinong guro.

“A-Abby? Ikaw ang bagong guro sa barrio natin?” manghang tanong ni Aling Edna.

“Opo, ako nga. Mula po nang makatapos ako ng pag-aaral hanggang sa pinalad na makapasa sa board exam ay hindi po nawala ang kagustuhan kong makatulong sa ating barrio. Kaya simula ngayon ay ako na ang bagong guro na magtuturo sa mga kabataan dito sa atin. Hangad ko pong ibahagi ang aking mga natutunan para sa ikatututo ng mga bata. Hindi po hadlang ang aking kapansanan upang mabigyan ng edukasyon ang inyong mga anak,” aniya sa mga ito.

Laking pagsisisi ng mga kapitbahay niya sa panghuhusga sa kaniya noon. Hindi makapaniwala ang mga ito na sa kabila ng ginawa nilang pangmamaliit at panghahamak sa dalaga ay kabutihan pa ang isinukli nito sa kanila.

Pinatotohanan lamang nito na hindi hadlang ang pagkakaroon ng kapansan para maabot ang pangarap. Sa halip ay ito pa ang ang nagbibigay ng kalakasan para maging matagumpay sa buhay.