Inday TrendingInday Trending
Pinagdudahan ng Binata ang Mga Tao sa Iskwater, Isang Katotohanan ang Ipinamulat ng Mga Ito sa Kanya

Pinagdudahan ng Binata ang Mga Tao sa Iskwater, Isang Katotohanan ang Ipinamulat ng Mga Ito sa Kanya

Nasa 3rd year college na si Ben sa pinapasukang kolehiyo sa Maynila, isa sa mga kailangan nilang gawin upang makapasa sa isang aralin ay ang mag’community service’ o maglingkod sa kung saan man ang mapili nilang pinakamahirap na barangay. Labag man sa kalooban ng binata, dahil ipinanganak siyang mayaman at hindi sanay sa lansangan ay wala naman siyang magawa dahil kailangan iyon upang makakuha ng magandang grado.

Maaga silang dumating sa covered court ng barangay at aktibo ang mga kaklase niyang nakipaglaro sa mga batang lansangan habang namimigay naman ng lugaw ang iba. Si Ben ay tahimik lang na nakamasid sa isang gilid, hindi naman siya interesado sa mga ganito. Tsaka iba ang amoy dito, amoy araw ang paligid at halos masuka siya.

“Mr. Ricafort, bakit hindi ka makisalamuha? Tandaan mo mamaya ay magsusulat kayo ng inyong saloobin at natutunan sa pamamalagi natin dito.” sabi ng kanyang mataray na teacher.

Walang nagawa si Ben kung hindi tumayo at umaktong interesado. Bigla niya na lang naramdaman ang maliliit na kamay na humawak sa kanyang pantalon, nagulat siya nang makita ang isang maruming bata, siguro ay nasa 2 taong gulang ito.

“Uya, kuya.” tawag nito sa kanya. Hindi niya naman inintindi ang bata pero sadyang makulit ito.

“Huy ano ka ba, dun ka. Dun, may lugaw. Sige na dun kana.” pagtataboy niya rito pero nakangiti lang ang bata at nakatitig sa kanya.

“Mr. Ricafort, parang gusto ka niya. Sige, yan nalang ang assignment mo ngayon, bantayan mo na lang siya.” nakangiting sabi ng guro. Halos mapairap naman ang lalaki, talaga ba?! Dumayo siya sa isang mahirap na lugar, para maging yaya sa gusgusing bata?

Wala siyang nagawa dahil inutos ng teacher, nagulat na lang siya nang biglang tumakbo ang paslit. Napasulyap siya sa kanan at nakita niyang may paparating na sasakyan, mabagal lang naman ang takbo noon pero muntik nang masagasaan ang bata kung hindi lang ito mabilis tumakbo.

Napabuntong hininga si Ben, mukhang maghahabol siya maghapon! Takbo pa rin nang takbo ang bata at nakasunod lang siya sa likod nito, hindi niya namamalayan kung saan na siya nakarating. Hindi niya na matandaan kung nasaan siya, napakaraming pasikut-sikot sa iskwater na kinaroroonan.

Hindi siya makapagtanong sa mga tao dahil, kakaiba ang titig ng mga ito sa kanya. Halata naman kasing mayaman siya, baka holdapin siya rito! Nagsimula nang magpanic ang binata.

“Salamat sa paghahatid mo kay Kiko totoy.” sabi ng isang may edad na babae, karga na nito ang paslit. Nagulat na lang siya nang akayin siya nito papasok sa loob ng maliit na barung barong at hainan siya ng softdrinks at biscuit na narinig niyang inutang lang nito kanina.

Naroon sa harap niya ang mister nito, at tatlo pang maliliit na bata. Sa unang tingin ay masasabi agad na hirap ang mga ito sa buhay.

“Sige na kain ka lang.” sabi ng mga ito. Kung tutuusin ay wala naman siyang ginawa, sinundan niya lang ang batang maliit pero ipinangutang pa siya ng mga ito. Hindi namamalayan ni Ben ang oras dahil nag enjoy na siyang kausapin ang mga ito.

Inihatid pa siya ng padre de pamilya sa mismong covered court kung saan inabutan niya ang mga kaklase at teacher na nag aalala na sa kanya.

“Ang nakakuha ng pinakamataas na grade sa subject na ito, ay si Ben Ricafort! Ben, basahin mo naman sa kanila ang isinulat mong reaksyon sa community service natin.” proud na sabi ng guro.

Tumayo ang binata at nakangiting binasa ang isinulat niya matapos silang dumayo sa mahirap na barangay noong isang Linggo.

“Nakita ko kung gaano kahirap ang buhay doon, at isang kahig isang tuka ang mga tao. May mga oras pa ngang hindi sila kumakain, mga umagang hindi sigurado kung paano lalagpasan ang panibagong hamon ng buhay pero isa lang ang pinakamahalaga, may isang bagay sila na wala tayong mayayaman. Iyon ay sa kabila ng hirap na dinaranas, di nila nalilimutang ngumiti. Ngiting totoo, tawang nakakasakit ng tiyan, tawang hindi nabibili ng pera. At iyon, ang nagpapagaan sa kanilang buhay.”

Nagpalakpakan ang mga kaklase ni Ben, hindi makapaniwalang sa kanya nanggagaling ang mga salitang iyon.

Advertisement