Inday TrendingInday Trending
Lisensyado Akong Guro

Lisensyado Akong Guro

Dahil maliit lamang ang kinikita ng mga guro dito sa Pinas ay nakapagpasya si Irene na mag-apply sa ibang bansa. Lisensyadong guro naman siya kaya ang nais din niya ay maging guro sa bansang nais niyang puntahan.

“Yes, ma’am, may hiring po kami ngayon ng English teacher sa Hong Kong,” wika ng babaeng staff sa agency na kaniyang ina-applyan.

“Ganoon ba? Mga magkano kaya ang sahod?” ani ni Irene.

“Ang starting po na ino-offer nila ay forty-six thousand per month. Kumpleto naman ang requirements niyo, ma’am, kaya kahit anong oras ay maaari na kayong lumipad sa Hong Kong at magsimulang magturo.”

Hindi na pinatagal pa ni Irene. Tinanggap niya ang alok na trabaho sa Hong Kong at agad siyang nabigyan ng petsa kung kailan ang alis niya. Tatlong araw lang siyang tumambay sa Manila dahil lumipad agad siya patungong Hong Kong.

Ngunit nung nasa Hong Kong na siya ay laking gulat niya dahil hindi naman pala pagiging English teacher ang papasukan niya kung ‘di isang yaya ng batang limang buwan at ng kapatid nitong dalawang taong gulang. Ang mas nakakagulat ay isa din siyang all-around na tagalinis ng bahay. Ang forty-six thousand na pinangakong magiging sahod niya ay naging twenty-six thousand lang.

Gusto niyang umiyak sa sobrang lungkot nang malamang niloko siya ng kaniyang recruitment agency.

Gustuhin man niyang umuwi ng Pinas ay hindi niya ito magawa. Maraming naibenta at naisanla ang kaniyang mga magulang upang matustusan ang kaniyang pag-alis. Meron pa silang utang kaya magtitiis na lamang siya.

Dalawang taon niyang kailangang tiisin ang lahat ngunit hindi yata siya tatagal ng kahit isang taon man lang dahil labis na hirap ang pinaparanas sa kaniya ng kaniyang amo. Hindi siya nito pinapakain ng maayos at minsan ay pinagbubuhatan pa siya ng kamay at kinukulong sa isang maruming bodega na maraming daga.

Hindi niya inakalang ito ang mangyayari sa kaniya, sobra-sobrang pahirap. At wala siyang ibang magawa kung ‘di ang iiyak na lamang ang lahat ng poot.

Isang kasambahay ang nagmagandang loob na tulungan si Irene dahil awang-awa na ito sa sitwasyon niya. Ito ay si Lesiel. Isa itong katulong sa katabing bahay na pinagtatrabahuan niya. Naging kaibigan niya ang babae. Nagpalitan sila ng numero ng selpon dahilan upang magkaroon sila ng komunikasiyon. Si Lesiel din ang tumulong kay Irene para makauwi siya pabalik ng Pinas.

Nang makauwi ay agad niyang sinampahan ng kaso ang recruitment agency na nanloko sa kaniya at sa iba pa niyang mga kasamahan. Handa siyang ipaglaban ang dignidad na inalis sa kaniya ng ahensiya.

“Nagtiwala ako sa inyo! Hindi lang ako kung ‘di kaming lahat! Pero niloko niyo lang kami! Pinerahan! Alam niyo bang ginawa namin ang lahat para maibigay ang mga hinihingi ninyong requirements? Isinanla namin ang aming mga ari-arian! Nabaon sa utang! Umasa kaming kayo ang sagot sa aming kahirapan. Binabayaran namin ng walang reklamo ang mga pinababayaran niyo kaya dapat ay ibinigay niyo sa’min ang trabahong ipinangako ninyo! Lisensyadong guro ako pero anong ginawa niyo sa’kin? Ginawa niyo akong katulong! Bukod sa pinaasa niyo lang kami at niloko, hinatid niyo pa kami sa kapahamakan! Sana ay maisara na ang agency ninyo para wala na kayong ibang maloko pa,” umiiyak na wika ni Irene sa loob ng hukuman.

Sa kabila ng sakit na nararamdaman ay nagpapasalamat pa rin si Irene dahil kung walang tumulong sa kaniya upang makauwi sa Pinas ay baka hindi na niya nagawang bweltahan ang manlolokong agency. Iisa lang ang hinahangad niya, sana managot ang may kasalanan. Hindi madaling kumayod lalo na kapag malayo ka sa mga mahal mo sa buhay.

Lubos ang sayang naramdaman niya nang mahatulan ang may-ari ng agency ng pagkakakulong at tuluyang ipinasara ang ahensiya nito. Nakauwi na rin ang iba pang mga nabiktima ng recruitment agency.

“Maraming salamat, Irene. Kung hindi dahil sa’yo baka hanggang ngayon ay nagtitiis pa rin kami sa Hong Kong. Ilang buwan na akong hindi sinasahuran ng amo ko. Hindi pa nila ako pinapakain,” mangiyak-iyak na wika ni Jasmin.

“Ako din, Irene, ang laki ng pasasalamat namin sa’yo,” segunda naman ni Karen.

“Ayos lang iyon. Ang mahalaga ay hindi na ulit sila makakaloko ng mga taong walang ibang pinangarap kung ‘di ang maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Masyado silang naging mapagsamantala kaya heto ngayon sinisingil na sila ng karma. Ginawa ko lang ang nararapat sa kanila,” ani ni Irene at tsaka sila nagyakapan.

Bumalik si Irene sa pagtuturo dito sa Pinas. Marami siyang utang na dapat bayaran kaya kakayod siya sa abot ng kaniyang makakaya. Hindi man siya pinalad ngayon ay hindi sumusuko si Irene na balang araw ay makakatagpo siya ng agency na hindi siya lolokohin.

Para sa mga taong nangangarap magtrabaho abroad, alamin muna kung legal ang agency na hahawak sa’yo. Mas maiging maging sigurado. Hindi biro ang susuungin mo sa ibang bansa maibigay lang sa pamilya mo ang pangarap na gusto mo para sa kanila. Para naman sa mga illegal na recruitment agencies, huwag samantalahin ang kahinaan ng mga taong may matataas na pangarap. Hindi man pantay ang hatol sa mundong ito wala pa ring makakatakas sa hatol ng ating Diyos Ama.

Advertisement