“Lunes ng gabi iyon nang tawagin ako ni Izzy kasi magpapasama siya sa’kin. May kukunin lang daw siya sa condo ni Arvin. Kaibigan ko siya kaya sinamahan ko. Pagdating namin doon ay may apat na lalaking nag-iinuman. Tinanong ako ni Arvin kung okay lang ba ako tapos inabot niya sa’kin ang isang basong may lamang alak. Hindi ako nakatanggi kasi sabi ni Izzy bawal daw tanggihan ang swerte. Mayamaya ay nanghina na lang ako. Hindi ako lasing pero nanghihina ako. Naramdaman ko na lang na pinagpapasapasahan nila ang katawan ko habang malakas na tumatawa! Ni-r*pe nila akong apat,” turo ni Clarita sa mga lalaking nakaposas sa araw ng paglilitis ng kaniyang kaso.
“Matapos ang kababuyang ginawa nila sa akin ay nawalan ako ng malay sa sobrang panghihina ng aking katawan. Nung magising ako ay wala na sila. Sinamantala ko ang pagkakataon na tumakas. Dumiretso ako sa pinakamalapit na istasyon ng pulis para humingi ng tulong,” pagpapatuloy ni Clarita sa kaniyang kwento.
“Izzy, bakit hindi mo aminin sa kanilang lahat? Ikaw ang may pakana ng nangyari sa’kin! Ikaw ang dahilan. Kaya parang awa mo na! Maging testigo ka sa kababuyang ginawa niyong lahat sa’kin!” humahagulgol na wika ni Clarita sa loob ng hukuman.
Si Arvin ay anak ng mayor sa lungsod nila habang ang tatlong lalaki na hindi niya kilala ay mula sa mayayamang pamilya sa kanilang lugar. Si Clarita ay isang dukhang may marangal na trabaho ang mga magulang, isang kahig, isang tuka lamang ang buhay nila.
Walang ibang testigo sa panggagah*sang ginawa kay Clarita maliban sa kaibigan nitong si Izzy pero hindi ito nagsasalita. Mahirap kalaban ang mga malalaking bato pero hindi nawawalan ng pag-asa ang babae. Makakamit niya rin ang hustisya.
Kinagabihan ay may hindi inaasahang bisita si Clarita. Dinalaw siya ng ama ni Arvin na si Mayor Robin.
“Itigil mo na ang kasong isinampa mo sa anak ko at sa mga kaibigan niya,” mahinahong wika ni Mayor Robin.
“Bakit ko gagawin iyon?” nanlilisik ang mga matang wika ni Clarita. “Babayaran kita kapalit ng pag-atras mo sa kaso, Clarita. Alam mo bang mahina ang kaso mo dahil wala ka naman talagang testigo? At paano mo naman mapapatunayan sa husgado na na-r*pe ka nga nilang apat? Wala kang ebidensya,” tugon ng ama ni Arvin.
“Maraming paraan, mayor, at alam kong balang araw ay mangingibabaw ang hustisya para sa’kin.”
“Clarita, let’s face reality. Kung wala kang pera walang mangyayari diyan sa hustisyang sinasabi mo. Alam mo bang koneksiyon at pera na ang nagpapatakbo ngayon sa mundo? Kung wala ka nun ay magpabayad ka na lang. Kung totoo ngang na-r*pe ka ni Arvin, nangyari na ang lahat. Tapos na. Wala ka nang habol pa,” ani ni mayor.
“Ang kapal ng mukha niyo! Ang sasama ng mga budhi niyo!” sigaw ni Clarita.
“Kung hindi mo iaatras ang kaso ay baka ang pamilya mo ang pag-initan ko, Clarita!” ani ni Mayor Robin habang mariin na hinawakan ang pisngi ng babae. “Kaya pag-isipan mo sanang mabuti, Clarita,” dagdag pa nito.
Naiwan si Clarita na hilam sa luha ang mga mata. Gusto niyang lumaban hanggang dulo. Gusto niyang makamit ang hustisyang nararapat na igawad sa kaniya at gusto niyang maparusahan ang mga salarin na nagtatago sa likod ng kanilang kayamanan ngunit natatakot siya sa maaaring mangyari sa kaniyang mga magulang lalo na kung tototohanin ni Mayor Robin ang kaniyang banta.
Kinabukasan ay nadatnan na lang ni Aling Carol ang kaniyang anak na si Clarita na nakabitin sa kisame. Nagb*gti si Clarita! Nagpakam*tay si Clarita kahit hindi pa tapos ang kasong isinampa niya laban sa mga taong lumapastangan sa kaniya.
Ilang araw matapos ang nakakalungkot na pangyayari, habang nililinisan ni Aling Carol ang kwarto ng kaniyang anak ay may nakita siyang nakatuping sulat sa ibabaw ng mesa. Agad naman niya itong binuksan upang basahin.
Nay, kung mababasa niyo man ito ibig sabihin nun ay natuloy ko ang balak kong pagpakam*tay. Patawarin niyo sana ako kung ako ang dahilan ng paghihirap ng loob niyo.
Masyado akong nagtiwala sa isang kaibigan dahilan upang mapahamak ako.
Alam ko din na masama ang gagawin ko pero wala na akong ibang maisip na solusyon.
Nay, gusto kong ilaban ang kaso ko pero nag-aalala ako para sa inyo lalo na’t pinagbantaan ako ni Mayor Robin. Sa mundong ito walang hustisya ang katulad nating mga dukha. Sa mundong ito nababayaran ang hustisya at wala tayong pera para gawin iyon.
Mahal na mahal ko kayo ni tatay at ayokong mapahamak kayo ng dahil sa’kin. Diyos na lang ang bahalang maningil sa kanila at sana mapatawad niyo ako.
Ang selpon ko, nay, may video diyan kung paano nila ako binaboy. Si Izzy ang kumuha ng video na iyan habang ginagah*sa ako ng nobyo niya at ng mga kaibigan nito.
Naiintindihan ko siya kung bakit ayaw niyang tumistigo sa hukuman. Gusto niya lang protektahan ang kaniyang pamilya. Ibinigay niya iyan sa’kin upang mas mapalakas ang kaso ko.
Nais ko sanang ako ang maglalabas niyan kaso mukhang malabo na iyong mangyari.
Tandaan niyo sana na mahal na mahal ko kayo. Patawad.
Ang inyong nagmamahal na anak, Clarita.
Yakap-yakap ni Aling Carol ang liham ni Clarita habang hindi magkamayaw sa pag-iyak. Tulad ng nakasulat sa huling mensahe nito ay kinuha niya ang selpon ng anak at ibinigay sa abogado nila upang gawing ebidensya.
Lumipas ang tatlong buwan bago ibinaba ng korte ang hatol sa kaso ni Clarita na itinuloy ng mga magulang ng babae. Nahatulan ng guilty sa kasong r*pe ang apat na lalaki. Sa wakas ay naibigay kay Clarita ang hustiyang nais nitong makamit sa kabila ng pananakot ni Mayor Robin sa kaniya. Nakakalungkot lang isipin na nakamit ng babae ang hustisya kung kailan pumanaw na ito.
Pagkatapos ng paglilitis ay dumiretso ang mga magulang ni Clarita sa sementeryo upang dalawin ang puntod ng kanilang anak.
“Clarita, tuluyan na ngang pagbabayaran ng mga taong gumah*sa sa’yo ang kasalanan nila. Masaya ako dahil nakamit na rin natin ang hustisya pero nalulungkot pa rin ako dahil wala ka na, anak. Pero sana kung nasaan ka man ngayon ay masaya ka,” mangiyak-iyak na wika ni Aling Carol.
Nang mahatulan si Arvin ng r*pe ay sunod-sunod naman na kamalasan ang nangyari sa pamilya nito lalong-lalo na kay Mayor Robin. Wala ng taong nais magtiwala sa kaniya kaya nung sumabak ulit ito sa eleksyon ay hindi na ito nananalo. Maliban pa doon ay bumagsak ang kanilang mga negosyo kaya tuluyan silang naghirap.
Kahit gaano kalaki ang problemang darating sa buhay natin ay hindi pagpapakam*tay ang solusyon. Magsimba at humingi ng lakas sa ating Panginoong may likha. Magtiwala tayo sa Kaniya at huwag panghinaan ng loob. Hindi man pantay ang hustisya sa mundo ng mga tao mayroon namang Diyos na hindi natutulog. Hindi Niya hahayaang manaig ang kasaman sa mundo, always pray.