Inday TrendingInday Trending
Ang Matandang Kapitbahay Ko

Ang Matandang Kapitbahay Ko

Hindi maintidihan ni Moises ang ugali ng kapitbahay na si Mang Teodoro. Araw-araw kasi ay parang may problema ang matanda sa kanya. Bukod sa marami itong ipinapagawa, marami rin itong mga opinyon na talagang minsan ay nakakasakit ng damdamin. Sa kabutihan ni Moises ay hindi na lamang niya ito pinanasin at inuunawa na lang.

Patuloy sa pagsusumikap si Moises, mag isa niya lamang kasing binubuhay ang kanyang mga anak. Kung minsan, sinuswerteng marami siyang nahuhuling isda kapag ume-extra sa pukot. Pag malas naman, kadalasang ulam nila ay talbos ng kamote na tanim niya sa likod bahay.

Samantalang si Mang Teodoro naman ay mag-isang namumuhay sa kaniyang maliit na tahanan. Hindi na nakapag-asawa pa at wala na ring natitirang kamag-anak. Dahil sa nag-iisa na ay palagi siyang humihingi ng pabor kay Moises. Ang problema lang, kada pabor, imbis na pasalamat ay pagsusungit pa ang natatamo ng binata sa kanya.

Isang umaga, itinali ni Mang Teodoro ang aso nito sa tapat ng bahay ni Moises. Dumumi ang alaga ng matanda, kaya ang ginawa niya ay kinuha ito pero iniwan ang nangangalingasaw na dumi. Pagkat nasanay na si Moises sa mga ganitong gawain ni Mang Teodoro ay nagkukusa na lamang siyang linisin iyon.

Kapag hapon naman ay walang tigil sa pangungutya si Mang Teodoro kay Moises. Nakita kasi ng matanda kung paano ibinigay ng lalaki ang naaning papaya sa isang mag-inang walang makain.

Pasigaw na sinabi ng matanda, “Kita mo nga naman! Kay tagal-tagal mong inalagaan iyang bunga ng papaya na iyan, hindi rin pala ikaw ang kakain.”

Ngumiti naman ang lalaki, “Makaka-ani rin ho ako ulit niyan,” magalang pang sagot niya.

Kinagabihan, nanonood si Moises ng balita habang natutulog na ang kanyang mga anak.

“Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ng nag-iisang tumama sa lotto ang kanyang premyong labing walong milyong piso..” wika ng tagapagbalita sa telebisyon.

“Kita mo nga naman,mag-aanim na buwan na hindi pa rin nakukubra ang premyo ng tumama sa lotto. ” pabulong na sambit ni Moises habang nangangarap sa gagawin kung sakaling siya ay mananalo rin ng ganoong kalaking salapi. Habang abala sa panonood ay maingay namang nagpupukpok si Mang Teodoro at rinig na rinig ito hanggang sa bahay niya.

Sa ingay at pangamba na magising ang kanyang mga anak ay pinuntahan ni Moises ang matanda.

“Mawalang galang na ho, Mang Teodoro ngunit gusto ko lamang pong malaman ninyo na ang ingay ng inyong pagmamartilyo ay dinig na dinig sa aming tahanan, natutulog na ho kasi ang mga bata. Baka po maaaring bukas na po iyan,” pakiusap ni Moises.

“Ano ba ang pakialam mo! Tahanan ko naman ito. Kung magpupupukpok ako rito maghapon at magdamag ay wala ka nang pakialam doon,” galit na tugon ng matanda.

“Kung hindi ninyo po mamasamain ay ano ho ba ang inyong pinagkakaabalahan? Baka po matulungan ko kayo para matapos na po ito kagaad,” paanyaya niya pa.

“Wala kang pakialam sinabi! Umuwi ka na at huwag nang makatungtong tungtong sa aking pamamahay!” pagpapalayas sa kanya ng matanda.

Naiingayan man ay pinabayaan na lamang niya si Mang Teodoro sa ginagawa.

“Mang Teodoro, ito lamang pong turnilyo ang natatanggal. Ikakabit lamang po ninyo ito at maaari nyo na pong magamit ulit ang poso”, sambit ni Moises. Paulit -ulit man niyang ipaliwag sa matanda ay hindi nito iniintindi ang sinasabi ni Moises pagkat kinabukasan ay tatawagin muli niya ang ginoo upang ipakumpuni ito. Buti na lamang ay mahaba ang pasensya ni Moises.

Bagamat madalas pa rin naman siya nitong utusan. Nariyan na itapon ang mga naipon nitong basura, bugawin ang mga malalaking ibon na sumisira sa taniman at ipagawa sa kanya nang paulit-ulit ang akala nitong sirang poso.

Minsan sa walang kadahilanan ay ilalagay ng matanda sa kanilang bakuran ang mga alaga nitong manok. At madalas nitong masira ang tanim ni Moises. Hindi man kumikibo minsan ay tinatamaan na rin ng pagkainis ang ginoo ngunit sa tuwing iniisp niya na nag-iisa na sa buhay ang matanda ay patuloy na lamang niya itong inuunawa.

Isang araw, masayang-masaya si Moises pagkat marami-rami ang huling mga isda. Habang nililinis at binubukod niya ang ititindang isda at ihahain sa mga anak, nakita na naman niya ang mag-ina na nanghihingi ng makakain. Sa awa na naman ng ginoo ay biniyan niya ang mag-ina ng huli niyang isda.

“Iba ka rin, ano!” biglang sigaw ni Mang Teodoro mula sa terasa ng bahay nito.

“Kakainin ninyo na lamang ay ipinamimigay mo pa! Dapat pera na yan, pero mas pinipili mo na ipamigay. Anong klaseng utak kaya ang mayroon ka,” muling pangungutya ng matanda. “Akala mo siguro magiging santo ka dahil diyan sa kabaitan mo. Hindi mo alam, ginugutom mo ang mga anak mo!” dagdag pa nito.

“Mang Teodoro, nangangailangan po ang mag-ina. Ma-swerte po kami ng aking mga anak at nakakakain kami kahit paano sa loob ng isang araw. Marami naman po ang sobra. Sila ay wala man lang matitirahan. Mahirap sa kapwa mahirap, iyan lamang po ang maitutulong ko,” tugon ni Moises.

“Bahala ka sa kahibangan mo na iyan. Makikita mo, araw-araw nang lalapit sa iyo ang babaeng iyan upang pakainin mo sila,” natatawang sambit ng matanda.

“Kung marami lamang din naman pong sosobra sa amin ay hindi po ako mangingimi ibahagi ito sa iba,” mariing tugon ng ginoo.

Bigla ang dating ng isang kapitbahay upang bilhin ang natitirang isda kay Moises. “Hay naku, Moises! Buti ay natatagalan mo ang ugali niyang matandang yan. Naku! Kay sama ng ugali, ano?” pabulong na wika ng lalaki.

“Hindi naman. Siguro ay dala na rin ng kanyang katandaan. Ngunit hindi ko talaga lubusang maisip bakit kaya lagi na lamang ako ang kanyang ginaganyan. Hindi naman ako santo nga, minsan ay sumasama na rin ang aking loob, ngunit patuloy ko na lamang siyang inaalala pagkat alam kong tatanda rin ako,” pagpapaliwanag niya.

Habang patungo sa loob ng bahay si Mang Teodoro mula sa terasa nito, ay bigla na lamang itong bumagsak. Dali-dali siyang pinuntahan ni Moises. Binuhat siya ng ginoo papasok sa kanyang tahanan at doon sa kanyang papag ay inihiga niya ang matanda.

“Nanghihina na ako, Moises,” pabulong na wika ni Mang Teodoro.

“Alam ko rin na hindi na ako magtatagal. Natutuwa lamang akong isipin na matapos ang ating pagtatalo kanina ay inisip mo parin ang aking kalagayan at tinulungan ako,” pagpapatuloy ng mantanda.

“Huwag na po kayong magsalita, Mang Teodoro at ipahinga ninyo na po iyan. Hayaan ninyo ay dadalhin ko kayo sa isang mangagagamot. Saglit lamang po at iaayos ko lamang ang mga bata,” wika ni Moises.

“Huwag na Moises. Huwag ka nang mag-abala. Matagal ko na rin hinihintay ang mga sandaling ito. Pasensya ka na kung palaging sinasagad ko ang iyong pasensya pero may nais lamang kasi akong patunayan–” aniya.

“Ano ho iyon, Mang Teodoro?” tugon ni Moises.

“Nais kong patunayan ang kabusilakan ng iyong puso,” sagot ng matanda.

“Ginagawa ko ang lahat ng iyon sa iyo pagkat gusto kong malaman kung hanggang saan ang maipapakita mong kabutihan at maligaya ako pagkat hindi ako nagkamali sa iyo,” wika ni Mang Teodoro habang itinuturo niya sa ginoo ang isang lalagyanan.

“Sa iyo na iyan, Moises. Iiwanan ko na sayo ang laman niyan. Ipangako mo lamang sa akin na gagamitin mong lahat ng iyan sa pagpapabuti ng kalagayan ninyong mag-aama at sa kabutihan. Tandaan mo Moises ang mga habilin ko. Salamat sa pagiging mabait mo sa akin,” hirap may ay pinilit ni Mang Teodoro ang magsalita. At doon na nga namayapa ang matanda.

Nang buksan ni Moises ang lalagyanan, tumambad sa kanya ang dalawang papel. Binasa niya ang nakasulat sa isang papel.

“Moises, ito ang nanalong lotto ticket na napabalitaang wala pang kumukubra. Gamitin mo ito sa tama.”

Nang tingnan niya ang isa pang papel na kalakip nito, tumambad nga sa kaniya ang isang ticket ng lotto.

Gulat na gulat si Moises sa nangyari. Iniwan sa kanya ng matanda ang lahat ng pag-aari nito pati na rin ang tinamaan nitong premyo!

Sa buong pagkakataong iyon ay simusubukan lamang pala siya ni Mang Teodoro.

Ang unang ginawa ni Moises nang makuha niya ang premyo ay binigyan ng isang maayos na burol at libing ang matanda bilang pasasalamat at huling respeto. Tinupad niya ang pangako niyang gagamitin lamang ito sa ikauunlad ng kanilang buhay.

Nagtayo siya ng isang grocery at pinalago iyon. At dahil mas nakakaangat na ngayon sa buhay ay lalong tumindi ang pagnanais niya na makatulong sa mga nangangailangan.

Advertisement