Binuhay Sa Basura
“Tay! Hindi ho ba sabi ko sa inyo ay huwag na huwag ninyo akong pupuntahan rito!” wika ni Maya sa kanyang amang si Mang Cardo.
Si Maya ay labing anim na taong gulang na at nag-aaral sa isang kilalang unibersidad. Mahirap man sila ay naitatawid naman ng kanyang ama ang kanilang pangangailangan kahit na isa itong basurero. Kahit na magkanda kuba at magkasugat -sugat ang matanda sa pagtatrabaho ay hindi ito tumitigil upang mapagbigyan ang lahat ng hiling ng dalaga.
Walang nakakaalam sa paaralan ni Maya na siya ay anak ng isang basurero. Matagal niya itong naitago pagkat labis niya itong ikinahihiya. Alam niya na magiging tampulan siya ng tukso kung malalaman ng iba ang tungkol sa trabaho ng tatay niya. Kaya lahat ng pag-iwas at pagtatago ay ginagawa ng dalaga.
“Dinala ko lamang itong naiwan mong libro. Alam kong kailangan mo ito,” wika ni Mang Cardo.
“Kahit na! Sana hinayaan ninyo na lamang na ako ang makaalala na naiwan ko yan kaysa dinala ninyo pa rito. O hindi kaya naman ay sana man lamang ay nagsuot kayo ng mas maayos. Hindi ganyang suot ninyo iyang damit ninyo sa pamamasura!” inis na sambit ng dalaga.
“Pasensiya na anak. Gusto ko lamang naman na maihatid ito sa iyo agad kaya naisipan ko na dahil madadaaan naman ng truck namin ang iyong paaralan ay isaglit ko na. Hayaan mo hindi na mauulit,” nakatungong wika nito sa anak.
Nang tumalikod si Mang Cardo ay narinig niya ang usapan ng anak at ng kaklase nito.
“Sino yong matandang marungis na iyon?” tanong ng kaklase ni Maya.
“Wala! Isang matandang nagmagandang loob lamang kasi nalaglag itong libro ko kanina. Binigyan ko nga ng bente pang meryenda niya bilang pasasalamat,” tugon ng dalaga.
Masakit man sa kalooban ni Mang Cardo ang narinig ay hindi na lamang niya ito ininda. Marahil ay marumi nga naman ang kanyang kasuotan at baka mapahiya ang anak.
Maganda si Maya at sadyang maporma ito. Kung lalabas kasama ang mga kaibigan ay madalas pa itong manlibre. Hindi rin nagkukulang ang panggastos nito sa paaralan at palaging may bagong kagamitan kaya wala talagang mag-iisip na mahirap lamang ito. Lagi lamang ang pag-iwas nito kung aayain ng mga kaklase sa kanilang tahanan. Kung anu-ano na lamang ang sinasabi nitong dahilan.
“Tay! May nauuso ngayong camera. Pagkakuha mo ay lumalabas agad ang litrato. Lahat ng kaibigan ko ay mayroong ganon. Gusto ko rin sana magkaroon!” hiling ng dalaga.
“Ang pera kasing naipon dito, anak ay para sa iyong matrikula. Pag ito ang ating ginalaw hindi ko na alam kung makakaipon pa ako ng ganitong halaga bago ang iyong pagsusulit. Hayaan mo kung makaluwag luwag ay bibilhin natin iyon,” pagpapaliwanag ni Mang Cardo.
“Hay naku! Lagi na lamang hindi makakabili. Lagi na lamang kapos! Nakakasawa na ang buhay na ito. Bakit kasi pagbabasura pa ang napili ninyong trabaho!” padabog na sambit ng dalaga.
“Pasensya ka na anak at ito lang ang aking hanapbuhay pagkat ito lamang ang alam kong gawin,” malungkot na wika ni Mang Cardo.
“Itlog na naman ang ulam?” ika ng dalaga. “Kung hindi itlog ay sardinas na may sayote o kaya nama’y tuyo ang ulam natin! Kailan ba ako makakatikim man lamang ng manok o baboy sa pamamahay na ito. Ayoko nang kumain! Wala na akong gana!”
Kumain na lamang mag-isa si Mang Cardo. Ilang linggo ang nakalipas nag-uwi siya ng masarap na ulam.
“Ayan! Dapat laging ganito ang ulam, tay! Ang sarap talaga ng letsyong manok!” masayang wika ng dalaga. Masaya naman si Mang Cardo nang makita niya ang anak na sarap na sarap sa kinakain.
“Tay! Baka naman nakakaluwag-luwag na tayo at maari ko nang mabili yung camera na sinasabi ko sa inyo,” wika ni Maya.
“Sige, anak pag-iipunan ko.” tugon ng ama.
“Ano ba yan! Wala na yan pagkaganyan! Pag-iipunan pa. Ako na lang tay yung walang ganon sa eskwelahan namin!” pagpupumilit ni Maya.
“Gaano ba kahalaga sa iyo yang camera na iyan, anak? Hindi ka pa ba masaya na nakakakain ka at nakakapag-aral ka sa magandang paaralan?” mahinahon na sabit ni Mang Cardo habang nagsasalin ng tubig sa baso.
“Sobrang importante, tay! Lahat nga halos ng mga kaklase ko nakabili na ng ganoon. Ako na lang ang wala!” pagpupumilit nito. “Sige na! Huwag nyo nang bilhin kung ayaw niyo! Ang dami ninyo pang sinasabi,” nagdabog na naman ang dalaga. “Buwisit na buhay talaga ito bakit hindi kasi ako ipinanganak sa mayamang pamilya!”
Hindi pa nailalapag ni Mang Cardo ang baso ng tubig na kinuha nito para sa anak ay bigla na lamang itong nawalan ng malay at bumagsak sa tabi niya. Napag-alaman na si Mang Cardo pala ay lumalaki ang puso. At dahil pata lagi ang katawan nito ay inatake ito.
Mabilis ang sumunod na mga pangyayari. Nagulat na lamang si Maya nang hawakan ang kamay ng ama ay wala na itong pulso. Dito na tuluyang binawian ng buhay si Mang Cardo.
Maraming kaibigan at kamag-anak ang nagpunta nang mailagak na ang labi ni Mang Cardo. Habang nakaupo si Maya at pinagamasdan ang kabaong ng ama ay nilapitan ito ng isa sa kanyang mga dating kasamahan.
“Alam mo, neng, napakaswerte mo diyan sa tatay mo. Mantakin mo ginagawa niya ang lahat para lamang maibigay ang lahat ng pangangailangan mo. Ganoon ka niya kamahal. Kahit na hindi niya na mainom ang gamot niya sa puso ay ayos lamang sa kanya.” wika ng lalaki.
“Alam mo ilang linggo na ang nakalipas ng maghanap pa siya ng iba pang trabaho bukod sa pagbabasura namin at pangangalakal. Umekstra siya sa isang construction site. Noong una nga ay ayaw siyang tanggapin pagkat mahina na raw at may edad na ngunit nagpumilit siya. Kahit mabigat ang trabaho ay pinilit nya pagkat pinag-iipunan niya raw ito.” dagdag pa nito habang iniaabot ang isang kahon sa dalaga.
“Nakita namin kung paano ka niya mahalin, Maya. Ang swerte mo talaga kay Cardo. Minahal ka nito na parang tunay na anak,” sambit pa ng lalaki.
Natigilan si Maya sa sinabi ng kasamahan ng ama. “Anong ibig po ninyong sabihin sa parang tunay na anak?”
“Hindi pa ba niya nasabi sa iyo ang tungkol dito?” pagtataka ng lalaki. Umiling lamang si Maya.
“Isang normal na madaling araw lamang iyon para sa amin dahil tulad ng nakagawian ay ginawa namin ang aming trabaho. Ngunit hindi para kay Cardo. Habang unti-unti naming nililigpit ang isang tambak ng basura ay nakita niya ang isang balutan na kahina-hinala.
Binuksan niya ito at tumambad sa kanya ang isang sanggol na halos wala nang buhay. Nang maramdaman niya na kahit paano ay humihinga pa ang sanggol ay dali-dali niya itong itinakbo sa ospital. Malaki ang ginastos niya upang maipagamot ka ngunit hindi siya sumuko. Ginamit niya ang lahat ng kanyang ipon, nangutang siya at nang gumaling ka ay inari niya ka na parang kanyang tunay na anak,” palalahad ng lalaki.
Unti-unti na lamang umagos ang luha ni Maya nang marinig ang katotohanan. Naalala niya ang lahat ng pamamahiya at masasakit na ginawa niya sa lalaking itinuring siyang anak. Nang buksan niya ang kahon na iniabot sa kanya ng kasamahan ni Mang Cardo ay nakita niya ang isang bagong camera na kanyang hinihiling. Sa isang papel ay nakasulat ang mga ito:
Anak, pagpasensyahan mo na kung natagalan ang tatay sa pagbili ng kamerang ito. Sana ay masiyahan ka. Tandaan mo na karapat-dapat ka sa lahat ang magagandang bagay dito sa mundo.
Nagmamahal,
Tatay
Hindi na napigilan ni Maya ang sarili at patakbong lumapit ito sa kabaong ng ama at walang humpay sa pag-iyak.
“Patawad, Tay! Patawarin ninyo po ako!”. Napaluhod man sa pagsisi ang dalaga sa paghingi ng tawad ay hindi na ito kailanman maririnig ng taong nagmahal sa kanya higit pa isang tunay na magulang.