Inday TrendingInday Trending
Kailan Ako Magiging Una?

Kailan Ako Magiging Una?

Nakaaakit ang taglay na kagandahan ni Lira. Hindi mo aakalain na siya ay nasa tatlumpung taon gulang na. Ang mahaba niyang buhok ay nakadaragdag sa kanyang magandang tindig at postura. Marami ang talaga namang nahuhumaling sa kanyang alindog pagkat bukod sa kanyang pisikal na kaanyuan ay maganda rin ang kanyang kalooban.

Kung titingnan ay perpekto na ang dalaga. Ngunit may isang lihim siyang itinatago. Tatlong taon na siyang kerida ni Joel, isang mayamang negosyante.

“Mahal, akala ko ba ay maghihiwalay na kayo asawa mo?” sambit ni Lira.

“Tatlong taon na tayong ganito, tatlong taon mo nang sinasabing iiwanan mo na sya pero magpahanggang ngayon ay nagsasama pa rin kayo at ako naman ay lagi na lamang umaasa. Pakiwari ko tuloy ay wala ka talagang balak na gawin ang mga ipinangako mo,” dagdag pa niya.

Sa tuwing mapag-uusapan ang ganito ay umiiwas si Joel at pilit na lamang inililihis ang atensyon ng dalaga sa kanyang mga paglalambing. Pagkat ang lalaki ang kahinaan ni Lira, wala na itong magawa.

Sa totoo lamang ay hindi naman alam ni Lira noon na kasal na si Joel. Nasa bingit na ng paghihiwalay ang relasyon noon negosyante sa kanyang asawa pagkat ang misis raw niya ay sadyang bungangera at waldas sa pera. Lulong din sa sugal.

Alam nila na hindi pa rin ito dahilan para pagtaksilan ni Joel ang kanyang misis. Ngunit dahil sobra nang nahulog dalaga at dahil na rin sa mga pangako niya, pumayag si Lira na maging pangalawa sa pag-asang isang araw ay maitatama rin nila ang lahat.

“Alam mo ba kung gaano kahirap ang sitwasyon ko? Mahal na mahal kita at nais kitang ipagmalaki ngunit dahil sa kalagayan natin ay hindi ko magawa! Napakahirap na sa tuwing nais kitang makasama ay laging patago. At kung kailangan kita ay hindi ka palaging nariyan sa tabi ko. Kahit kailan ay hindi tayo naging malaya,” nangingiyak ngiyak na pahayag ni Lira.

“Hindi ba sinabi ko naman sa iyo na maghintay ka? Hindi naman ganoon kadali na iwanan siya sapagkat may mga anak kami. Hindi naman ako lamang ang may gusto ng relasyon na ito. Ginusto mo rin ito. Ginagawa ko naman ang lahat para magkasama tayo. Ano pa ba ang kulang? Hindi pa ba sapat na kapag kapiling natin ang isat-isa ay lubusan ang ating ligaya?” tugon ni Joel.

“Kahit mali ito? Kahit may natatapakan tayong tao? Sabihin mo na lang kasi, Joel kung umaasa ako sa wala. Maiintindihan ko naman. Kaysa palagi mo na lamang akong sinsabihang maghintay. Ngunit hindi naman natutupad iyang pangako mo!” wika ni Lira.

Kahit paikut-ikutin kasi ang lahat, lugi ang dalawang babae. Lumalabas kasi na kung may pangangailangan lamang si Joel na hindi maibibigay ng asawa ay saka lamang siya pupunta kay Lira. Sa tagal na rin ng panahon at pauli-ulit na pangako ni Joel ay nagsawa na rin siyang umasa.

“Ayoko na Joel. Itigil na natin ito. Mahabang panahon na ang ibinigay ko sa iyo. At kung hindi mo pa rin itutuwid ang lahat ng ito mabuti pa na maghiwalay na lamang tayo!” hamon ng dalaga.

“Bakit? Siguro ay may iba ka nang ipinagmamalaki!” bintang ni Joel.

“Hindi ko alam kung bingi ka o makitid lamang talaga ang isipan mo. Sinabi ko na, mahal kita. Hindi ko hahayaan na manatili akong isang kabit at mabansagang maninira ng pamilya,” wika ni Lira.

“Kung iyan ang gusto mo, bahala ka! Sinong ipinagmamalaki mo? Akala mo ba ay may tatanggap pa sa iyong lalaki? Akala mo ba ay may magmamahal pa sa iyo sa kabila ng nagawa mo? Nahihibang ka na ata.”

Masakit man sa kalooban ni Lira ang mga narinig ay mas masakit kung patuloy pa niyang ipaggigitgitan ang sarili kay Joel. Isang lalaki na hindi man lamang siya kayang panindigan.

Sinabi ni Lira ang lahat ng ito sa kanyang ina. Pinayuhan siya nito na huwag matakot na magsimula muli.

“Mabuti na lamang at hindi ka nabuntis ng lalaking iyon, kung hindi, lalong hindi ka na nakawala. Mali man ang iyong nagawa, anak, ang mahalaga ay handa ka nang itama ang lahat. Magsimula kang muli at ayusin mo ang iyong buhay,” sambit ng ina niya. Naiyak na lamang si Lira sa mga tinuran ng ginang.

Wala nang inaksaya pang panahon si Lira at ginugol niya ang kanyang oras sa pagtatrabaho. Kinilala ang kanyang angking galing sa trabaho at unti-unting tumaas ang kanyang posisyon. Hindi naglaon ay tuluyan na niyang pinaunlakan ang ibang kalalakihan upang manligaw sa kanya.

Isang masugid na manliligaw ang muling bumihag sa kanyang puso, si Victor. Isang mayamang binata na nagmamay-ari ng tanyag na kumpanya. Ngunit takot siya na lubusang ibigay ang sarili pagkat alam niya na kapag nalaman ni Victor ang kanyang nakaraan ay baka talikuran na lamang siya nito.

“Kailangan mo itong sabihin sa kanya,” wika ng ina. “Kung hindi ka niya matatanggap ay hindi siya ang lalaking para sa iyo. Kung mahal ka niya ay kailangan din niyang mahalin ang iyong tagumpay- pati ang iyong mga pagkakamali. Tandaan mo anak, hindi ka maaaring husgahan ng sino man dahil lamang sa nagkamali ka noon. Lalo pa at pinili mong itama ang lahat ngayon.”

Dahil na rin sa payo ng ina, kinakabahan man ay sinabi na rin niya ang Victor ang katotohanan. Pagkat gusto niyang magsimula muli at nais niyang sa pagsisimulang ito ay maging tama ang lahat. Hindi naman siya binigo ng binata. Walang pakialam ito sa kanyang nakaraan.

“Mahal kita. Ikaw kasama ng iyong mga pagkakamali. Wala namang perpektong nilalang na nabuhay dito sa mundo. Lahat tayo ay may kapintasan. Ngunit, hindi ito hadlang para mahalin kita ng buong-buo. Pangako ko sayo na hindi ko gagamitin ang mali mong nakaraan laban sa iyo. Mahal kita kung sino ka, tandaan mo iyan,” wika ng binata. Sa pagkakataon nito napaluha ang dalaga. Hindi niya alam na mayroon pa palang lalaking katulad ni Victor na kaya siyang mahalin ng totoo.

Ilang araw ang nakalipas naglalakad si Lira galing opisina upang makipagkita kay Victor nang makita niya ang isang pamilyar na mukha.

“Ginawa ko na ang gusto mo. Iniwan ko na siya. Magiging malaya na tayo!” sambit ni Joel.

“Kay tagal kong hinintay na sa wakas ay marinig iyan na manggaling sa iyo. Na sa wakas ay maitatama na natin ang relasyon na mayroon tayo at sa wakas hindi na lamang ako ang pangalawa,” nakangiting sambit ng dalaga.

“Ngunit huli na ang lahat, Joel. Huli na ang lahat para sa atin. Matagal kong inasam na bigyan mo ng halaga ang pag-ibig ko sayo na ibinigay ko ng buong-buo. Tatlong taon akong naghintay. Ngunit sa pagkakataong ito, huli na ang lahat,” taas noong wika ni Lira.

Natigilan si Joel sa mga sinabi ng dalaga. “Pero, hindi ba ito ang gusto mo? Ano ang pumipigil sa iyo ngayon?”

Tama namang papalapit na si Victor sa kanya.

“Hi Hon!” Masayang bati nito kay Lira. “Sino siya?”

“Siya? Siya nga pala ang lalaking pinag-alayan ko ng buong puso ko noon ngunit siya ring dumurog nito sa haba ng panahon. Ang lalaking nagsabi rin na wala ng lalaki pang matatanggap at magmamahal pa sakin ng totoo dahil sa nakaraan ko. Pagkat minsan ako ay naging isang kabit,” tugon ni Lira.

Natigilan si Joel sa kanyang sasabihin. Nakangiting lumapit si Lira kay Victor. Dahan-dahang ikinapit ang kamay sa bisig ng binata at tuluyan na silang umalis. Naiwan na lamang si Joel na nanliliit sa mga binitawang salita ng dalaga. Dito niya napagtanto na huli na ang lahat sa kanila at pinagsisisihan niya na hindi niya binigyang halaga ang mga pangakong binitiwan niya sa dalaga.

Laging tandaan na kailanman ay hindi pa huli ang lahat para itama ang mga kamalian. Hindi rin hadlang ang masalimuot na nakaraan para magkaroon ng masayang kinabukasan.

Advertisement