Nagsisipulan na naman ang mga lalaki sa kanto ng Sampaloc paano’y dumaan na kasi ang dalagang si Emilia na kakauwi lamang galing sa kaniyang panggabing trabaho.
“Miss Beautiful, baka naman pwede ka naming ihatid?” wika ng isang lalaking halatang may impluwensya na ng alak kahit kakasikat pa lamang ng araw.
“Alam mo, Miss Beautiful, hot ka na sana. Kaso bakit ba palagi ka na lang nakapantalon o nakamahabang palda? Ang tagal mo nang nakatira dito sa atin pero hindi pa namin nakikita ang mga legs mo!” sabay-sabay na nagtawanan ang mga lalaki.
“Tigilan niyo na iyang si Emilia. Iilan na nga lang ang maganda dito sa lugar natin kakantiin niyo pa. Tama na iyan!” sita naman ni Rogelio, barangay kagawad sa kanilang lugar.
Hindi na sumagot ang mga tambay at sinabayan na rin ng binata na maglakad si Emilia pauwi sa kanilang bahay.
“Salamat nga pala, Rogelio. Naku, kung wala ka ay paniguradong tinatakbuhan ko na naman ang mga mokong na iyon,” pahayag ng dalaga.
“Wala iyon, Emilia. Alam ko naman na matagal mo na akong binasted pero gusto ko lang malaman mo na hindi ako titigil sa pagpoprotekta sa’yo. Sana hindi ka mainis,” sagot naman ng binata.
Napangiti ng kaunti ang dalaga sa kaniyang narinig. “Alam mo naman na kaya kita binasted ay dahil hindi pa ako handa, ‘yun lang iyon,” sagot niya dito.
“Ibig sabihin ba nito ay dapat pa akong maghintay?” kinikilig na tanong ni Rogelio.
“Ikaw talaga, bakit mo ba ako gusto? Manang nga ang tawag sa akin ng mga tao dito sa atin,” tanong ng dalaga.
“E, ano naman kung palaging tago iyang mga hita mo? Mas maganda nga kapag ganiyan dahil conservative at dalagang Pilipina,” sagot naman ng lalaki sa kaniya sabay ngiti nito.
“Hay naku, kayong mga lalaki talaga! Mahihilig sa magaganda. O, dito na ako. Salamat sa paghatid mo!” pahayag ni Emilia sa binata at tsaka ito pumasok sa kaniyang bahay.
Matagal nang nanliligaw ang binatang si Rogelio kay Emilia. Hindi pa man ito pumapasok sa pulitika ay inaakyatan na siya ng ligaw ng lalaki. Ngunit umpisa pa lang ay tinggihan na kaagad ito ng dalaga.
“Hay, Emilia, kailan ka ba magkakaroon ng kasama sa buhay? Baka bukas makalawa ay may asawa na iyong si Rogelio. Tapos ay magiging matrona ka na talaga!” wika ni Emilia sa sarili habang nagsusuklay ng kaniyang buhok sa tapat ng salamin.
“Hoy, Emilia, gising! Walang lalaking magkakagusto sa’yo. Lahat sila ay pandidirihan ka!” baling niyang muli sa sarili.
“Maganda naman ako, ‘di ba? Maganda ka, Emilia,” kumbinsi niya muli sa sarili at tsaka siya napabuntong-hininga. Tinigilan na ng dalaga ang kaniyang pakikipag-usap sa sarili at nagpasya na siyang matulog.
Habang malalim na natutulog ang dalaga ay nagising na lamang siya sa ingay ng mga bombero at mausok na kapaligirian.
“Emilia! Gising! Buksan mo itong pinto. May sunog!” sigaw ng isang lalaki.
Agad na nakilala ng dalaga ang boses ng lalaki at alam niyang si Rogelio iyon.
“Panginoon, pangatlong sunog na ito ngayong buwan dito sa amin. Iligtas mo po kami!” dasal pa ng dalaga.
Hindi na nakapagbihis pa si Emilia nang bumagsak ang kisame ng kaniyang bahay. Kumaripas siya ng takbo at nakalimutan niyang nakapantulog lamang siya.
Agad siyang sinalubong ni Rogelio sa labas at dinala sa gitna ng kalsada pero tila natigil ang mundo ng dalaga nang mapansing nakapako ang mga tingin sa kaniya ng tao. Bukod kasi sa manipis na sando at maiksing short na suot ay natuklasan ng lahat ang pinakatatagong lihim ng dalaga.
Napaupo si Emilia sa kalsada at tsaka umiyak. Mabilis naman na nakakita si Rogelio ng tuwalya mula sa isang lalaking malapit sa kanilang kinaroroonan. Kinuha niya agad ang tuwalya at tsaka ibinalot sa babae.
“Ayos lang iyan, Emilia. Huwag ka nang umiyak,” bulong ng binata dito.
“Ngayong nakita mo na ang lihim ko alam kong gusto mo na rin akong kutyain, pandirihan o pagtawanan. Kaya sige na, huwag mo na akong lapitan o kaawaan pa,” umiiyak na sagot ni Emilia.
“Walang mangungutya sa’yo. Walang nagbago sa pagtingin ko sa’yo, Emilia. Ikaw pa rin ang pinakamagandang babae dito sa atin at ikaw pa rin ang nilalaman ng puso ko,” pahayag ni Rogelio.
Dahan-dahang iniangat ng dalaga ang kaniyang ulo at tinignan ang lalaki.
“Tumayo ka na, Emilia. Wala kang dapat na ikihiya,” bulong ng binata.
Doon nagkalakas ang mga tuhod ng babae at tumayo ito. Nginitian niya si Rogelio at hinalikan ito sa pisngi. “Maraming salamat,” saad niya.
Lakas loob na tumindig ang babae kahit na pinagtitinginan pa rin siya ng marami. Nabunyag kasi ang kaniyang pinakatatagong lihim, may mga balat siya sa kaniyang hita hanggang binti na parang batik-batik na itim. Sabi ng kaniyang mga magulang ay pinaglihi daw siya sa polka dots kaya naging ganoon ang kaniyang balat. Mabuti na nga lang ay nasa binti niya lang ang mga ito.
Kinalakihan niyang ang pang-aasar ng maraming tao. Ang iba ay dalmatian ang tawag sa kaniya at ang ilan naman ay taong balat. Ngunit sa pagkakataong iyon ay naramdaman niyang hindi importante ang kaniyang panlabas na kaanyuan lalo na nung nakita niya ang mainit na pagmamalasakit sa kaniya ni Rogelio, ang lalaking matagal na rin niyang iniibig.
“Kaya ba hindi mo ako sinasagot dahil akala mo ay hindi kita matatangap?” tanong ng lalaki habang nakaupo sila sa isang tabi. Naapula na kasi ang sunog. “Oo. Pakiramdam ko kasi ay walang magkakagusto sa aking lalaki dahil sa pangit kong balat,” sagot naman ng dalaga rito.
“Pwes, sa ayaw mo man at sa gusto. Aakyat ulit ako ng ligaw sa’yo at kahit na halikan ko pa isa-isa itong mga kagandahan mo ay gagawin ko. Pagbigyan mo sana akong patunayan ang pag-ibig ko sa’yo, Emilia,” wika muli ni Rogelio. At sa unang pagkakataon ay nayakapan ang dalawa.
Hindi nagtagal ay kinasal din sina Emilia at Rogelio.
Sa tulong ni Rogelio ay unti-unting natutunan ni Emilia na huwag ikahiya ang mga balat niya sa kaniyang binti. Napagtanto ng babae na kung gusto niyang matanggap siya ng ibang tao ay kailangan na muna niyang tanggapin ang kaniyang sarili ng buong-buo dahil kung siya mismo ay pangit ang tingin niya sa mga marka niya sa kaniyang balat ay hindi na nakapagtataka na maging pangit din ang tingin ng mga tao dito.