Inday TrendingInday Trending
Isang Dalaga Si Junior

Isang Dalaga Si Junior

Bata pa lang ay alam na ni Gloria na may future ang kaniyang anak na si Gerald Jr. hindi bilang isang gwapong lalaki kung ‘di isang magandang babae o sa madaling salita ay bakla. Nakakalungkot mang isipin ngunit dalaga talaga ang junior nila. Hindi nito hilig ang mga panlalaking laruan katulad ng baril-barilan. Mas gusto nito ang mga laruang pambabae katulad ng mga manika at ipit sa buhok.

Noong sinabi ni Gerald Jr. na nais nitong sumali sa isang beauty pageant na para sa mga babaeng dating mga lalaki ay hindi nila ito hinadlangan sa halip ay agad nila itong sinuportahan.

Tampulan si Gerald Jr. ng mga panlalait at tawanan sa kanilang lugar dahil sa kakaiba nitong galaw. Babaeng-babae kasing maglakad si Gerald Jr. at mas gusto nito magbistida kaysa sa magsuot ng pantalon. Lagi ding may lipstick ang labi nito na akala mo’y sinapak sa sobrang pula.

Nasasaktan man ang mga magulang ni Gerald Jr. sa mga pangungutyang ibinabato ng mga tao sa kanilang anak ay wala silang magawa kung ‘di ang huwag na lang pansinin ang mga ito. Pinauulanan na lang nila ang kanilang anak ng sobra-sobrang pagmamahal. Hindi nila ipinaparamdam dito na may kakaiba sa ikinikilos nito at laging nilang itong pinapayuhan na huwag isipin ang mga sinasabi ng iba. Pinapaalala din nila palagi na tanggap nila ang buong pagkatao nito.

“Anak, bukas na pala ang contest na sasalihan mo,” nakangiting wika ng asawa ni Gloria na si Gerald Sr.

“Opo, papa, kaya nga natataranta na kami ni mama.”

“Pagbutihan mo, anak, nandito lang kami sa likod mo,” wika ni Gerald Sr.

“Salamat po, papa, at maraming salamat din, mama,” ani ni Gerald Jr. sabay yakap sa kaniyang mga magulang.

Bilang isang ina ay mas kinakabahan si Gloria para sa kaniyang anak. Nakikita niya kasing puro magagandang bakla ang kasali sa beauty pageant. Sikat iyon at napapalabas sa telebisyon kaya hindi basta-basta ang mga sumasali dito. Sa palagay niya ay lakas ng loob, tunay na ganda at talino ang lamang ng kaniyang junior sa ibang mga kalahok.

“May pinagawa na sila sa mga mukha nila, anak?” Hindi natiis ni Gloria na magtanong sa anak. “Opo, mama,” natatawang wika naman ni Gerald Jr.

“Mas maganda ka kaysa sa kanila dahil orihinal ang iyong ganda, anak, kaya huwag kang panghihinaan nang loob, ha,” pagpapatatag ni Gloria sa loob ng anak.

“Para sa inyo, mama, pagbubutihan ko pa lalo,” ani ng anak bago siya nito niyakap ng mahigpit.

Hindi naging madali ang contest, labanan kung labanan. Minsan ay gusto nang umatras ni Gloria pero hangga’t nakikita niyang patuloy na lumalaban ang kaniyang anak ay pinapakita niya dito na kasama niya itong lalaban hanggang sa dulo. Hindi siya pwedeng panghinaan ng loob dahil kahit hindi man sabihin ng anak ay alam niyang sa kaniya ito humuhugot ng lakas. Iyon ang papel ng isang ina sa kanilang mga anak, ang maging lakas nila tuwing nakakaramdam sila ng panghihina.

Masayang-masaya si Gloria nang umabot sa top three si Gerald Jr. Mas lalo niyang ipinakita sa anak kung gaano niya ito ipinagmamalaki sa lahat lalo na kapag tumitingin ito sa kaniyang direksyon sa tuwing sasagot ito sa mga katanungan.

Nang itinanghal na ng host na si Gerald Jr. ang nanalo sa beauty pagent ay kulang na lang ay himatayin si Gloria sa sobrang saya. Walang kapantay ang saya ng isang ina lalo na kapag nakikita niyang masaya ang kaniyang anak.

“Ma!” masayang wika ni Gerald Jr. sa itaas ng entablado habang mangiyak-iyak na iwinawagayway ang nakuhang tropeo.

“Para ito sa inyo ni papa. Mahal na mahal ko kayo. Habang iniinsulto ako ng ibang tao dahil naiiba ako sa mga lalaking kalaro ko ay nandiyan kayo upang iparamdam sa’kin na normal ako at mahal na mahal niyo ako. Nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos dahil kayo ang naging mga magulang ko. Nandito ako ngayon dahil sa inyo. Para sa mga kagaya kong bakla, hindi kasalanan ang pagiging kakaiba natin. Hindi isang sakit ang pagiging bakla kaya huwag niyong ikahiya ang sarili niyo. Ang sarap sa pakiramdam kapag nagpapakatotoo ka sa sarili mo. Husgahan ka man ng karamihan basta pinaparamdam ng pamilya mong mahal ka nila iyon na ang pinakaunang tropeo na nakamit mo. Sa bahay nagsisimula ang tagumpay ng bawat tao. Pagmamahal ng pamilya ko ang aking unang naging tagumpay at tropeo,” umiiyak na wika ni Gerald Jr.

Agad namang nagpalakpakan ang mga tao. Umakyat si Gloria sa itaas ng entablado upang yakapin ang anak. Ang tagumpay ng kaniyang anak ay tagumpay niya rin.

Hindi isang sakit ang maging kakaiba sa mundo na pinupugaran ng mga mapanghusgang tao. At sa pamilya humuhugot ng lakas ang bawat isa laban sa pagmamalupit ng iba. Kung pagmamahalan at pagtanggap ang nananaig sa bawat pamilya ay siguradong makakayanan ninuman na harapin ng taas noo ang mga matatalim na mata at pananalita na ibabato sa kaniya ng iba. Tama si Gerald Jr. na sa loob ng pamamahay nagsisimula ang tagumpay ng isang tao at ang mga magulang mo ang unang tropeong iyong nakamit.

Advertisement