Hindi maiiwasan sa isang trabaho na may kasamahan kang sipsip. Handang manira ng kapwa maiangat lang ang sariling posisyon.
Ito nga ang ginagawa ni Trisha sa mga kasamahan niya kaya wala siyang tumatagal na katrabaho. Lagi niyang sinisiraan ang mga ito sa boss nila. Kaya ang hiling ng lahat ay sana makahanap na ito ng katapat upang matigil na ang pagiging sipsip nito. Ang galing pa naman nitong gumawa ng istorya at pinapaniwalaan agad ito ng boss nila.
May bagong pasok na empleyado na naman sa kompaniya at ito naman ang pinupuntirya ni Trisha. Sinisiraan niya ito sa boss nila kahit wala naman itong ginagawang masama. Hanggang sa hindi na ito nakapagtimpi at kinausap na siya ng katrabaho. Ito ang unang pagkakataon na mayroong naglakas ng loob na komprontahin si Trisha.
“Teka lang, Trisha. Bakit mo ba ako sinisiraan kay madam? Sinabi mo sa kaniya na natutulog ako sa opisina at pangit akong makisama kahit hindi naman totoo,” sita ni Faye, ang bagong biktima na Trisha.
“Ano bang pinagsasabi mo? Wala naman akong sinasabing ganiyan, ah. Kanino mo naman narinig iyan?” tanggi ni Trisha.
“Sanay na sanay ka na ngang magsinungaling, ano? Ilang katrabaho mo na ba ang nailaglag mo? Yumaman ka ba? Tumaas ba ang posisyon mo dito? Iyan lang ba ang kaya mong gawin? Ang manira ng iba para maiangat ang sarili? Ang galing-galing mo naman pala. Isa ka pa lang CCTV dito. Nakakatakot ka palang maging kaibigan. Hindi ko alam kung nakikipagkaibigan ka bang talaga o kumukuha ka lang ng impormasyon para masiraan mo iyong tao,” naiinis na wika ni Faye.
Baguhan lang si Faye sa kompaniyang pinapasukan pero hinding-hindi niya hahayaan ang iba na basta na lang siyang apak-apakan.
“Bawiin mo iyang sinasabi mo!” galit na wika ni Trisha.
“Magkano ba ang nakukuha mong komisyon kapag may nasisira kang tao? Masaya ba sa pakiramdam na ikaw ang nagiging dahilan kaya nawawalan ng trabaho ang mga kasama mo? Hindi mo man lang ba naisip na may pamilyang umaasa sa sweldo ng taong sinisiraan mo?” galit na wika ni Faye.
“Tumigil ka na! Kanina mo pa ako pinapahiya!” singhal ni Trisha sa katrabaho.
“Ganoon? Marunong ka pa lang mahiya? Alam kong wala akong karapatan na gawin ito sa’yo. Pero sana alalahanin mo rin na wala ka ring karapatang manira ng iba para umangat ang posisyon mo. Magsikap ka. Patunayan mo na karapat-dapat ka sa posisyon mo. Gawin mo ng maayos ang trabaho mo. Hindi mo kailangang magpalakas sa boss natin. Sa palagay mo ba ay pamamanahan ka ng boss natin? Magkakapera ka ba sa ginagawa mo? May tao pa bang maniniwala at magtitiwala sa’yo kapag ganiyan ka? Nilalayuan ka nilang lahat dahil alam nilang masama ka. Sana magbago ka na.” sermon ni Faye bago niya tinalikuran si Trisha.
Gusto lang ni Faye na matauhan si Trisha. Pare-pareho lang silang empleyado. Pare-pareho lang silang may nais na patunayan kaya dapat ay lumaban ito ng patas. Rinig niya ang hagulhol ni Trisha dahil pinahiya niya ito sa harap ng maraming tao. Hindi nagsisisi si Faye sa kaniyang ginawa dahil sa tingin niya ay ito lang ang natatanging paraan para matauhan si Trisha na mali ang kaniyang ginagawa.
Lumipas ang maraming buwan at naging tahimik ang paligid sa kanilang pinagtatrabahuan. Wala nang kumakalat na tsismis. Wala nang nagrereklamo kasi pinag-iinitan sila ng kanilang boss. Masaya na ang lahat at tahimik na si Trisha sa sarili nitong puwesto.
“Faye, maraming salamat, ah, kasi ikaw ang dahilan kaya natahimik na din tayong lahat. Hindi na yata nagiging sipsip si Trisha kasi wala ng pinag-iinitan si boss. Magaan na ang trabaho at tahimik na sa wakas. Salamat talaga sa’yo, Faye,” masayang wika ni Clara.
“Kaya nga, e. Tahimik na din si Trisha. Naaawa nga ako sa kaniya. Baka pwede naman nating batiin iyong tao, Malay mo nagbago na siya, ‘di ba?” segunda naman ni Sarah.
“May plano na ba kayo kung papaano?” ani ni Faye. Gusto na din niyang magkabati na sila ni Trisha.
Agad nilang plinano ang lahat. Kinabukasan ay sinorpresa nila si Trisha pagdating nila sa trabaho.
“Surprise!” masayang wika ng mga katrabaho ni Trisha.
“Hi, Trisha, sana ay magkabati-bati na tayong lahat,” sabay-sabay nilang wika. Nakita naman nila na halos umiyak si Trisha dahil sa kanilang ginawa.
“Gusto ko pala sanang mag-sorry sa’yo dahil sa ginawa ko,” wika ni Faye.
“Hindi, Faye. Ako ang dapat na mag-sorry sa’yo at sa inyong lahat. Kasalanan ko naman kaya nararapat lang iyon sa’kin. Tama nga ang sinasabi nila. Makakahanap rin ako ng katapat at ikaw nga yata, Faye, ang naging katapat ko. Sorry sa mga nagawa ko, guys. Pangako hinding-hindi ko na gagawin ulit iyon,” wika ni Trisha.
“Bati-bati na tayong lahat! Group hug, guys,” masayang hiyaw nilang lahat.
Huwag maninira ng iba para lang iangat ang iyong sarili. Matutong makisama sa mga kasamahan sa trabaho. Mas magiging masaya at magaan ang iyong pakiramdam kung alam mong narating mo ang iyong tagumpay na wala kang inaapakan na kahit na sino.