Inday TrendingInday Trending
Baon ay Isang Awit at Gitara

Baon ay Isang Awit at Gitara

Umalis si Dennis sa maliit nilang baryo upang makipagsapalaran sa siyudad ng Manila. Dala niya ay isang gitara at may baon siyang isang magandang awit. Mas maraming oportunidad sa Manila at handa siyang gawin ang lahat kahit walang kasiguraduhan kung siya ay magtatagumpay.

Kapag may gaganapin na audition ay hindi niya iyon pinapalampas. Sinusubukan niyang ipakita sa mundo ang kaniyang talento. Minsan ay nakakapasa siya sa audition pero kapag isasabak na siya sa mismong kompetisyon ay hindi siya nakakausad sa susunod na bahagi ng patimpalak.

Hindi sumusuko si Dennis. Wala siyang balak sumuko kahit minsan ay pinanghihinaan na siya ng loob. Kapag nagsisimula na siyang tumugtog gamit ang kaniyang gitara ay nakakalimutan na niya ang salitang pagsuko.

Patuloy pa rin siyang gumagawa ng mga kanta. Nagtatrabaho din siya sa bar bilang isang musikero at mang-aawit. Hindi man madali ang pag-abot niya sa kaniyang mga pangarap ay naniniwala siyang balang araw ay kikinang din ang kaniyang bituin.

Isang araw, habang nagtatanghal si Dennis sa bar ay may isang tao na nakapansin sa pag-awit niya ng isa sa mga orihinal niyang komposisyon.

“Sa’yo ko lang narinig ang kantang iyan. Sarili mo bang komposisyon iyong kantang inawit mo kanina?” tanong ni Minerva, chairman ng isang record label. “Opo, isa iyon sa mga nagawa kong kanta,” sagot ni Dennis.

Agad na inilatag ng lalaki ang mga nagawang niyang kanta at nagustuhan naman ito ng babae kaya agad siya nitong pinapirma ng kontrata upang maging talento sa kaniyang kompaniya.

Wala mang kasiguraduhan na kakagatin at magugustuhan ng mga tao ang kaniyang mga awitin ay naging masaya pa rin si Dennis sa pagkakataong ibinigay sa kaniya ni Minerva dahil alam niyang ito na ang simula nang pag-abot niya sa kaniyang mga pangarap.

Lumipas ang ilang buwan bago ni-release ng record label ni Minerva ang kauna-unahang recording album ni Dennis. Nag-trending ang kaniyang mga kanta. Palagi niya itong naririnig na tinutugtog sa mga telebisyon, radyo at sa kung saan-saan.

“Congratulations, Dennis. Nagustuhan ng taong bayan ang album na ni-release natin noong nakaraang buwan. May mga nagimbenta sa’yo na maging guest sa mga shows nila. Ayos lang ba sa’yo?” tanong ni Minerva. “Oo naman po,” masayang tugon ni Dennis.

“Matagal ko pong pinangarap na marinig ng buong mundo ang mga kantang ginawa ko at nagpapasalamat po ako sa inyo dahil kayo ang naging instrumento para matupad ko ang pangarap ko. Hulog ka ng langit sa’kin, ma’am.”

Sumikat na nga si Dennis at natupad na ang kaniyang mga pangarap. Ngunit pakiramdam niya’y may kulang pa rin. Kulang pa rin ang kaniyang kaligayahan. May hinahanap pa rin siya at hindi niya alam kung ano iyon. Nagmumuni-muni ang lalaki nang biglang tumunog ang kaniyang selpon.

“Anak, kumusta ka na diyan?” masayang bungad sa kabilang linya ng mama ni Dennis.

Hindi maintindihan ng lalaki pero nang marinig niya ang boses ng kaniyang ina ay bigla na lang siyang naiyak. Gusto niyang humagulgol at makulong sa yakap ng kaniyang ina.

Hindi niya napansin na nangungulila na pala siya sa kaniyang pamilya. Naging masyadong abala siya sa pagtupad sa kaniyang pangarap na umabot sa puntong nakalimutan na niya ang pamilyang iniwan niya sa maliit nilang baryo.

Ngayon lang nalaman ni Dennis kung ano ang kulang sa kaniya, ito ay ang kaniyang pamilya. Miss na miss na niya ang mga ito.

“Ma, miss na miss ko na po kayong lahat lalong-lalo na kayo ni papa. Natupad ko na po ang pangarap ko para sa sarili ko pero pakiramdam ko ay may kulang pa rin. May malaking puwang pa rin sa aking pagkatao. Kulang ang kaligayahan ko. Kayo ang kulang sa’kin, ma.” Umiiyak niyang wika.

“Kukunin ko po kayo. Dito na po tayo maninirahan. Magsasama-sama na tayo ulit,” nagsusumamo niyang wika sa ina na ngayon ay humahagulgol na rin ng iyak sa kabilang linya.

“Oo, anak. Sasamahan ka namin diyan. Salamat sa Diyos at hindi ka nabigo sa pakikipagsapalaran mo, anak,” wika ng ina.

“Hindi lang ito para sa’kin, ma. Para ito sa’tin dahil kayo ang pamilya ko. Umalis ako para maiahon ko kayo sa kahirapan sa pamamagitan ng aking baong awit at gitara. Naging mahirap ang pakikibaka ko dito pero hawak ko ang tibay at gabay ng Diyos. Patawarin niyo po ako kung pansamantala ko kayong nakalimutan dahil naging abala ako sa pagtupad sa aking pangarap. Pero nandito na ulit ako, ma. Kukunin ko kayo. Tutuparin ko na ang pangarap kong iahon kayo sa kahirapan. Ito na po iyon, ma,” ani ni Dennis.

Nagpatayo si Dennis ng malaking bahay upang matirhan nila ng kaniyang pamilya habang patuloy pa rin siyang gumagawa ng mga kanta para sa mga taong nagmamahal sa kaniya. Habang gusto pa ng mga tao ang mga nililikha niyang kanta ay patuloy siyang gagawa ng mga awitin. Masaya siya dahil natupad niya ang kaniyang pangarap.

Hindi lahat ng sikat ay nakikilala agad sa isang pitik lang ng daliri. Pero kung pursigido ka na maabot ang iyong pangarap ay walang imposible basta’t magsumikap ka. Darating ang araw na mararating mo rin ito gaano man kalayo o gaano man katayog ang iyong mga pangarap.

Advertisement