Inday TrendingInday Trending
Gulong ng Palad

Gulong ng Palad

Mula sa malayong probinsya ay lumuwas sa Maynila ang dalagang si Maricar. 28 anyos na siya ngunit wala pa ring sariling pamilya. Hindi naman nga daw siya pihikan pero sadyang wala lang daw talagang nagkakamali na mahumaling sa kaniya.

“Mabait naman ang amo natin, paminsan-minsan nga lang ay lagi itong sumisigaw pero sana masanay ka at magtagal sa kaniya. Ayaw man niyang aminin ngunit malungkot ang buhay niyang si Sir Robert,” wika ni Aling Mila.

“Hayaan niyo Aling Mila, pag-iigihan ko ho dito nang sa gayon ay hindi din naman kayo masira sa pagrekomenda sa akin. Malaking tulong ang makukuha kong sahod dito at nagpapagamot ngayon si mama sa probinsya,” saad naman ng dalaga.

Kinuhang kasambahay ang dalagang si Maricar, ang trabaho lamang nito ay ang maglinis ng bahay at asikasuhin ang mga gamot na iniinom ng kanilang amo na si Robert, 50 anyos.

Maraming silang naninilbihan sa bahay ng lalaki, paano’y wala itong asawa at ang mga kapatid naman niya’y nasa ibang bansa lahat. Sa kanya din kasi pinamana ang bahay, lupa at ilang negosyo na pag-aari ng pamilya.

Kaya naman pinupuno na lang ni Robert ang bahay ng mga katulong upang hindi daw siya malungkot, kaya nga lang nitong nagkaka-edad na siya ay madalas uminit ang ulo.

“Anong sinisilip-silip mo diyan? Ipasok mo na iyang gamot ko!” sigaw ni Robert kay Maricar na nakatayo sa labas ng pinto. Napatigil kasi ang dalaga nang makita ang lalaki, papaano’y napakabata pa rin pala ng itsura nito at maganda pa ang pangangatawan. Buong akala niya’y uugod-ugod na ang amo.

“Pasensya na ho kayo Sir Robert, ito na po ang mga gamot niyo,” wika naman ni Maricar sabay yuko sa amo.

“Pasensya ka na kung nasigawan kita, kabago-bago mo palang ay baka matrauma ka na sa akin. Ipagpaumanhin mo,” saad naman ni Robert at kumalma na ang lalaki.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi planado at walang nakapagsabi ngunit nagkapalagayan ng loob ang dalawa hanggang sa nagsama na nga ito sa bahay bilang magkasintahan. Ngayon nga ay kakasilang lamang ng sanggol ni Maricar na siyang pinangalanan niyang Robert Jr.

“Ibibigay ko ang lahat sa inyo Maricar, lahat ng yaman ko at bawat kusing ay sa inyo mapupunta, pangako ko iyan,” pahayag ni Robert habang lumuluhang hawak ang kaniyang anak.

“Hindi ko kailangan ng pera Robert, ikaw ang kailangan namin. Yung makasama ka namin ng mas matagal pa ay ayos na sa akin. Mahal na mahal ko kayo!” sabi naman ni Maricar at tuluyan na ito nawalan ng malay mula sa panganganak.

Naging maayos ang lahat, hindi makapaniwala ang dalawa na dadanasin nila na magkaroon ng ganito kasayang pamilya. Bawat halakhak, bawat segundo ay masaya nilang pinagsasaluhan.

Napakarami na rin kasing nanloko kay Robert, ang iba ay pinerehan lang siya, ang iba naman ay ginamit lamang ang pangalan niya at ang ilan ay nawala na lang na parang bula. Kaya nga hindi na siya nagkapamilya, ngunit nabago ang lahat ng dumating si Maricar, niyaya ito ng kasal ngunit bago pa man makasagot ang babae ay inatake sa puso si Robert na s’yang ikinasawi nito at naging simula ng malagim na pamumuhay ng mag-ina.

“So totoo pa lang nakabuntis ang kapatid natin ng isang katulong! Hoy babaeng hampas lupa na binalak perahan ang kapatid ko, ngayong wala na siya ay tapos na ang maliligayang araw niyo. Pwede na kayong umalis,” wika ni Tiffany, ang kapatid ni Robert na mula sa ibang bansa.

“May karapatan ang anak ko sa bahay na ito, kahit itong bahay lang ang itira niyo sa amin dahil napaka-importante nito sa akin. Dito kami nag-umpisa ng pagmamahalan ni Robert at nais ko ring dito matapos ang buhay ko,” lumuluhang sagot ni Maricar sa babae.

“E kung gilitan ko iyang leeg mo nang matapos na ang buhay mo? Tigilan mo nga ako sa ganyang drama, sa palabas lang uso iyan! Lumayas ka na dahil hindi naman kayo kasal ng kapatid ko. Kaya kahit isang kusing ay wala kayong mapapala sa amin,” baling pa ni Tiffany.

Walang nagawa si Maricar kundi ang umalis at bumalik sa probinsya kasama ng dalawang buwan niyang anak. Hinagpis ang bumabalot sa puso nito, hindi naman kasi importante ang pera sa kaniya dahil minahal niya ng totoo si Robert.

Hanggang sa nabalitaan niyang ibebenta na daw ang lahat ng ari-arian ni Robert.

“Tiffany, hindi mo maaring ibenta ang mga ari-arian dahil hindi ikaw lang ang may karapatan sa yaman ni Robert, may karapatan ang anak ni Maricar, ” wika ng isang babae.

“At sino ka namang isa pang hampas lupa na humaharang sa mga plano ko?” tanong ni Tiffany sa babae.

“Ako si Victoria, abogado ni Maricar at kung hindi mo ako papakinggan ngayon pa lang ay maghaharap tayo sa korte,” saad ng babae.

Walang nagawa si Tiffany dahil tunay na abogado nga ang kaniyang nakabangga at nakuha nga ni Robert Jr ang lahat ng parte na para sa kaniya. Bumalik na lang muli is Tiffany sa ibang bansa.

“Sino ka ba? Bakit mo kami tinulungan ng anak ko?” tanong ng ni Maricar kay Victoria.

“Sa totoo lang ay dati akong nobya ni Robert, kaya lang iniwan ko siya ng makapagtapos ako ng abogasya. Akala ko nga kakasuhan niya ako o isusumpa dahil ginamit ko lang siya para makapag-aral ngunit wala akong narinig na masama kay Robert noon. Kaya ngayong nabalitaan ko na nagkapamilya siya ay buong puso akong tumulong, napakabuti niya kasing tao at alam kong kulang pa ito para sa panloloko ko dati, pero maasahan mong habang nandito ako ay tutulungan ko kayo,”paliwanag ni Victoria.

Hindi man malaman ni Maricar kung anong sasabihin ay niyakap na lang niyang basta ang babae. Hindi man siguro ito nakahingi ng tawad sa yumao niyang mister ay alam naman niyang natutuwa ngayon si Robert. Naloko man noon ang asawa ngunit mukhang aanihin naman ng kaniyang anak ang lahat ng kaniyang kabutihan sa lupa.

Advertisement