Gantimpala Para sa Iyong Serbisyo
Maliit lang ang sahod na nakadeklara sa papel na natatanggap ni Jackie ngunit nag-uumapaw naman sa biyayang ang natatanggap niya sa opisina. Siya lang naman kasi ang kanang kamay ng presidente at may-ari ng opisinang pinagtratrabahuhan na gumagawa ng iba’t-ibang klase ng bag na itinitinda sa lokal na pamilihan.
“Jackie, kamusta yung mga bayad? Pumasok na ba sa account natin?” tanong ni Madam Sofia, ang may-ari ng kumpanya.
“Ayos na po ang lahat boss, nagawa ko na rin po pala ang mga presentation na kailangan niyo para sa meeting mamaya,” masiglang sagot ng dalaga.
“Napakaswerte ko talaga sa sekretarya ko dahil napakagaling mo. Dahil diyan, ikaw na ang umattend ng meeting mamaya. May aasikasuhin lang akong importanteng bagay,” saad ni Madam Sofia.
Magsasampung taon na si Jackie sa kumpanya, ito na ang naging unang trabaho niya pagkatapos ng kolehiyo. Isa sa mga pinakamasarap na bahagi nga ng kaniyang posisyon ay sa kaniya napupunta ang lahat ng regalo na para sa kaniyang boss, paano’y matandang dalaga na ang babae at wala ni kahit isang kamag-anak na kasundo kaya naman siya talaga ang namamalakad ng buong kumpanya.
“Babe, pwede mo ako sunduin ng maaga mamaya. Aalis kasi si madam kaya makakapag-out ako kaagad,” pinadalang mensahe ng dalaga sa kaniyang nobyo.
“Sige babe, diyan muna tayo sa opis mo magpalipas ng oras tutal traffic din naman kapag sumabay tayo sa oras ng uwian,” sagot naman ni Ceasar, ang nobyo ng dalaga.
Bukod din sa mga regalong nakukuha ng babae mula sa mga kliyente ay napakaswerte din niya sa kaniyang boss. Noong ika-limang taong anibersaryo niya sa kumpanya ay ibinigay ni Madam Sofia ang isa mga sasakyan niya sa dalaga, regalo daw ito. Nagsunod-sunod pa nga ang natatanggap niya bilang pabuya naman daw sa magaling niyang pagtratrabaho, nakatanggap na ang dalaga ng bagong telepono, laptop, bag at marami pang iba maliban sa pera.
“Babe, sa tingin mo anong ireregalo sa’yo ni Madam?” tanong ng lalaki habang nakaupo sa mesa ng dalaga.
“Sa totoo lang hindi ko alam pero baka wala, mahina kasi ang kita ngayon ng kumpanya at balita ko rin ay naghahanap na siya ng papamanahan nito. Palagi niyang sinasabi sa meeting na pagod na daw siya at baka ito na ang huling taon niya sa kumpanya,” sagot naman ni Jackie.
“E kung ganun, dapat may makuha ka man lang kasi panigurado kapag iba na ang may-ari nito ay mawawalan ka rin ng trabaho. Napakaliit pa naman ng sinasahod mo, hindi na uubra yung mga bagay lang, kailangan natin pera,” saad ni Ceasar sa nobya.
“Natatakot ako baka mahuli kasi ako ni madam, mahirap na baka makulong pa ako,” baling naman ng babae.
“Sus, e ikaw na mismo nagsabi sa akin na hind niya nga alam account number niya, kahit kung magkano ang pumapasok na pera sa kaniya kasi kung ano lang ang sasabihin mo ay yun ang paniniwalaan niya. Ang akin lang naman ay makinabang ka kahit kaunti lang dahil ikaw din naman ang nahihirapan sa lahat,” wikang muli ng lalaki.
“Kahit isang milyon lang, paunti-untiin mo lang na hindi niya mahahalata tapos kapag okay na ay saka ka umalis, sakto na rin iyon para makapagpakasal tayo,” dagdag pa nito saka nilambing ang nobya.
Naakit si Jackie sa sinabi ng kaniyang nobyo, bukod sa naisip niyang matagal na siyang nagtitiis sa napakaliit na sahod ay gusto na rin niyang ikasal. Kung ang isang milyon ang magiging kasagutan doon ay handa na siyang gawin ito.
Kabisado na ng dalaga ang bawat transaksyon na umiikot sa kumpanya, alam din niya kung papaano ang pagpupuslit ng pera na hindi mahahalata ni Madam Sofia, kampante siyang malaki ang tiwala ng amo sa kaniya kaya naman hindi nito malalaman ang mga perang mawawala pag nagkataon.
“Jackie, ikaw na muna ang bahala sa opisina ha? Magbabakasyon ako ng isang linggo sa ibang bansa kasi may mga papeles lang akong kailangan asikasuhin. Aasahan kong magiging maayos ang lahat dahil ikaw ang pinakamagaling at pinagkakatiwalaan kong empleyado,” wika ni Madam Sofia.
Nasamid si Jackie sa sarili niyang laway at naubo ito sa sinabi ng kaniyang amo at halos hindi siya makahinga.
“May problema ba, may sakit ka ba? Kailangan mo ba ng pahinga?” nag-aalalang tanong muli ni Madam Sofia.
Umiling naman si Jackie at saka uminom ng tubig, “Wala po madam, makakaasa po kayong aayusin ko ang lahat,” saad naman niya.
Nang makaalis nga ang babae ay naging mas madali ang pagpuslit niya ng pera at hindi niya akalain na sa loob lamang ng isang linggo ay nakaipon agad siya ng kalahating milyon, hanggang sa bumalik si Madam Sofia sa bansa.
“Jackie, may kailangan tayong pag-usapan,” wika ni Madam Sofia.
Nanginginig na pumasok ng opisina si Jackie ngunit hindi niya ito pinapahalata.
“Basahin mo,” saad pang muli ng babae saka inabot ang isang papel kay Jackie. Nanlaki ang mata ng babae sa kaniyang nabasa at paulit-ulit niya itong binasa ng malakas.
“Madam, totoo ba ito? Sa akin mo pinamamana ang kumpanya na ito, ako pala ang napili mong magiging kapalit na lagi mong sinasabi sa meeting, pero bakit ako madam?” tanong ni Jackie sa kaniyang amo habang hindi pa rin siya makapaniwala sa nababasa.
“Alam mo Jackie sa hinaba-haba ng taon na magkasama tayo ay hindi kita narinig na nagreklamo sa sinasahod mo at masaya ka na sa lahat ng mga natatanggap mo mula sa akin kaya, bukod pa doon ay naging napakagaling mo sa trabaho at wala na akong ibang tao na napagkatiwalaan bukod sa’yo. Alam mo na rin naman siguro na kaya hindi ko kasundo ang mga kamag-anak ko dahil pera ko lang ang habol nila,” paliwanag ng amo.
Nagsimula nang maiyak si Jackie at mabilis niyang niyakap ang amo, “Madam, hindi ko po alam ang sasabihin ko,” wika ni dalaga.
“Ayan sana ang makukuha mo kung hindi mo sinira ang tiwala ko sa’yo. Ang akala ko pa naman ay iba ka sa kanila. Ang akala ko ay mapagkakatiwalaan kita. Pero nagkamali ako,” sambit ng kanyang amo. Alam na pala nito ang ginawang pagnanakaw ni Jackie sa kanya.
“Hindi mo kailangan magsalita pa dahil naiintindihan ko naman kaya mas mabuti na lang na umalis ka na ngayon, huwag mo nang isauli kung magkano man ang nakuha mo sa akin. Hindi kita ikukulong bilang napakatagal ng pinagsamahan natin kaya lang hindi na rin kita kayang makasama pa ngayon na alam kong hindi ka naging tapat noong nawala ako,” sagot ni Madam Sofia at biglang napalayo ang babae.
“Madam, paano niyo po nalaman,” nanginginig na tanong ng dalaga.
“Hindi ako tanga Jackie, kahit na hindi ako nagtatanong sa’yo o kahit na pinagkakatiwalaan kita ng sobra ay alam ko pa rin ang bawat galaw ng kumpanya ko. Kaya nga kita nagustuhan dahil pinatunayan mo sa aking iba ka sa kanila, pero sinira mo lang iyon kaya ngayon ay wala na. Wala ka na sa akin,” sagot ni Madam Sofia at saka ito umalis.
Ngayon ay wala ng trabaho ang babae at ang perang nakuha naman niya ay naipanggastos kaagad dahil nagkasakit ang kaniyang ina. Napatunayan niyang nasa tabi-tabi lamang ang karma at ang biyaya na sana ay naging bato pa.