Hinagpis ng Isang OFW
“Ang init!” Komento ni Tessy matapos makababa ng taxi. Nasa tapat na siya ng bahay niya, bitbit ang kaniyang mga bagahe. Sa palagay niya’y naninibago pa siya sa klima rito sa Pinas, dahil matagal-tagal din siyang namalagi sa Hong-kong nang walang uwian.
Nagtrabaho si Tessy, bilang OFW sa Hong-kong sa napakatagal na panahon, upang matulungan ang mga pamangkin niyang maagang naulila sa mga magulang. Ipinangako niya kasi sa kaniyang Ate Esperanza, bago ito mawala, na aalagaan niya ang mga anak nito, ’tulad na lang ng pag-aalaga niya kay Tessy noong bata pa sila. Sa katunayan ay hindi na nakapag-asawa pa si Tessy o nagkaroon man lang ng sariling pamilya dahil tutok na tutok siya sa kaniyang mga pamangkin. Ngayon ay nagdesisyon na siyang magretiro at tumira na lamang kasama nila.
“Tao po, Alissa?” tawag ni Tessy sa labas ng gate ng kaniyang bahay kung saan nakatira ang panganay niyang pamangkin na si Alissa at ang pamilya nito. Agad namang lumabas ang pamangkin at pinagbuksan siya ng gate.
“Aunty Tessy?” tila nagulat na tawag nito sa pangalan niya. “A-ano hong ginagawa n’yo rito? Ba’t ’di kayo nagpasabing uuwi kayo?”
“Naku, ayos lang naman kung hindi n’yo ako nasundo, e,” sagot naman ni Tessy.
Pinapasok siya ni Alissa sa bahay, ngunit sa pagtataka niya’y ni hindi man lang siya nito tinulungang bitbitin ang kaniyang mga dala. Ganoon pa man ay ipinagsawalang-bahala na lang niya iyon.
Maya-maya lang, habang nagkukuwentuhan ay nabanggit niya kay Alissa ang plano niyang pagreretiro. Ngunit hindi naging maganda ang reaksyon ng pamangkin ukol doon.
“Ano, Aunty? Ba’t naman magreretiro na kayo, e, ang bata n’yo pa, a!” sabi nito, na kalaunan ay binawi rin. “Ang ibig kong sabihin, sayang ang kita. Naku, Aunty, napakahirap ng buhay dito sa Pinas, kung alam n’yo lang.”
“Alam ko naman iyon, e. Ang akin lang, e, magaganda naman na ang buhay n’yong magkapatid. Kaya n’yo nang buhayin ang sarili ninyo. Gusto ko namang makasama rin kayo sana. Saka, magnenegosyo na lang ako rito para naman may mapagkakaabalahan din ako kahit papaano,” paliwanag ni Tessy rito.
“Ganoon ho ba?” Hindi maipagkakaila ang dissappointment sa mukha ng pamangkin. Alam niyang hindi nito nagugustuhan ang sinasabi niya, ngunit ang ’di niya alam ay kung bakit? “Saan n’yo naman ho balak tumira, Aunty?” kunot-noo pang tanong ni Alissa kay Tessy.
“Dito sana, kasama n’yo,” sagot naman ng matanda.
Napatayo na si Alissa sa inis.
“Ho? E, ang sikip-sikip na ho nitong bahay, Aunty! Saan kayo matutulog dito? Saka, magugulo ho ang mga bata. Naku, maiinis lang kayo!” sabi pa nito sa mataas na tono ng boses.
“A-ah, ganoon ba?”
Wala nang nagawa pa si Tessy kung hindi ang huwag nang ipilit pa ang gusto niyang mangyari. Masama man ang loob sa inasal ng pamangkin ay ayaw naman niyang magkaroon pa sila ng tampuhan. Minabuti niyang magpalipas na lang ng ilang araw sa bahay na iyon at magtungo na lang sa kapatid ni Alissa na si Alexis. Ang bunsong pamangkin niya, na ’tulad ni Alissa’y ipinagpundar niya rin ng sariling bahay.
Ngunit ganoon na lang ang panlulumo niya nang mas matindi pa ang ginawa sa kaniya ni Alexis. Ipinagtabuyan siya nito at sinabing ayaw na raw nila sa kaniya!
Iyak nang iyak si Tessy dahil sa kaniyang sinapit. Ang buong akala niya ay mahal siya ng mga pamangkin, ’tulad ng sinasabi nila kapag tumatawag sila sa kaniya noong nasa abroad pa siya, ngunit hindi pala. Walang utang na loob sina Alissa at Alexis!
Hindi inaasahang nalaman ng dating amo ni Tessy ang nangyari. Chinoy ang pamilya ng kaniyang amo, ngunit napakalapit ng puso nila sa kaniya. Gusto nitong bawiin sa mga pamangkin niyang abusado ang dalawang bahay na kaniyang ipinundar, ngunit tumanggi si Tessy. Sabi niya’y ayaw niyang pahirapan sila.
Tutal ay may kaunti naman siyang ipon para sa sarili, iyon na lang ang ipansisimula niya ng buhay dito sa pinas. Ngunit hindi pumayag nang ganoon lang ang dati niyang amo. Gumawa ito ng paraan para madalaw siya sa Pilipinas buwan-buwan at binigyan din siya ng maayos na kabuhayan.
Samantalang sina Alissa at Alexis ay unti-unti namang naghirap sa buhay. Umabot pa sa puntong ibinenta na nila ang bahay ni Tessy at ngayon ay wala na silang mapuntahan.
Laking pagsisisi nila na pinagmalupitan nila ang kanilang Aunty Tessy na labis na nagmahal sa kanila noon, ngunit ngayon ay wala nang pakialam sa kanila.