Kalalabas lang nina Jackie at ng kaniyang mga kaklaseng sina May at Princess sa paborito nilang kainan, malapit sa kanilang eskuwelahan, nang biglang lumapit sa kanila ang isang napakarungis na binatang pulubi. Nakalahad ang kamay nitong sa pakiwari nila’y ni hindi man lang nahuhugasan. Nanghihingi ito ng limos.
“Wala po, wala po,” mariing iling ni May na may pagwasiwas pa ng kamay sa tapat ng mukha ng pulubi. Samantalang si Princess ay nandidiring nagtago sa likod nina Jackie at May sabay bulong na, “Yuck! Bilisan n’yong maglakad at baka dumikit sa atin ang amoy ng pulubing ’yan!”
Napailing naman si Jackie sa inasal ng mga kaklase. “Ang arte n’yo, ha?” sabi niya. “Mga rich kid kayo?” biro pa niya sa dalawa. Inismiran lang siya ni May at ngumiwi naman si Princess.
Bumaling si Jackie sa pulubi, matapos humugot ng pera sa bulsa. “Kuya, oh, sa ’yo na lang. ’Sensiya ka na, ha? Bente na lang ang pera ko, e.” Sabay abot niya ng bente pesos. Masaya naman iyong tinanggap ng pulubi, pagkatapos ay umalis na rin itong agad sa kanilang harapan.
“Paano ka uuwi? Wala ka nang pamasahe!” tanong ni Princess kay Jackie maya-maya.
“Oo nga! Ba’t mo kasi ibinigay ro’n ’yong pera mo? Mamaya niyan ibibili lang pala no’n ’yon ng rugby!” sabi naman ni May.
“Problema ba ’yon? Edi maglalakad ako! Saka, ang dudumi ng utak n’yo, ha? ’Wag nga kayong ganiyan do’n sa tao. ’Di naman kayo inaano, e,” pangangaral niya sa dalawang kaibigan. “Saka, malay n’yo, guwapings pala ’yong si Kuya kapag nalinis at nabihisan. Baka siya pa ang sumalba sa mga puso niyong palagi na lang naiiwan!” dagdag pa ni Jackie na sinabayan niya pa ng malakas na halakhak.
Muling napangiwi ang dalawa sa sinabi niya. Sabay pa silang nag-“yuck!”
Sa pagitan ng paghalakhak ay parang may biglang pumasok sa isip ni Jackie.
“Teka, oo nga, ano?” sabi niya. “Bakit nga kaya hindi ko bigyan ng simpleng make-over si Kuyang pulubi para naman hindi na siya pandirihan ng mga katulad n’yong pa-rich kid?!” napapangising saad pa ni Jackie na lalong nagpakunot ng mga noo nina May at Princess.
“Ewan ko sa ’yo, Jackie! Nababaliw ka na yata, e,” sagot naman ni May na nagpatuloy na sa paglalakad. Sumunod naman sila ni Princess sa kaklase.
“Bakit? Simpleng hair-cut, paligo at maayos na damit lang naman ang kailangan ni Kuyang Pulubi at keri na! Tamang-tama, wala pa akong model para sa mens wear na i-d-in-esign ko. Ipapasa ko na ’yong sample brochure ko kay Prof., next week, e,” patuloy na pagsasalita ni Jackie habang sumasabay sa lakad ng dalawang kaklase. Pare-pareho sila ng kinukuhang kurso. Fashion Designing.
“Tumahimik ka na nga! Baka mahawa pa kami sa kabaliwan mo,” tatawa-tawang iling lang ni Princess sa sinabi niya bago magpaalam ang dalawa. Mag-aabang na kasi sila ng jeep, samantalang siya naman ay maglalakad pauwi.
Nang makapagpaalam ay sinimulan nang maglakad ni Jackie. Patuloy na tumatakbo sa utak niya ang ideyang nabuo kanina sa kaniyang isip, hanggang sa makauwi siya ng bahay. Nagmano siya sa ama at inang naabutan niyang naghahain sa hapag. Naisipan niyang sabihin sa mga magulang ang naturang ideya para malaman kung ano ang reaksyon nila tungkol doon.
“Aba, ’Nak, ayos ’yan!” nakangiting sabi ng kaniyang papa. “Kung sa tingin mo, e, hindi ka naman mapapahamak sa gagawin mo’y edi gawin mo. Hayaan mong magtawanan ’yong mga kaklase mo.”
“Talaga po, ’Pa? Payag kayo?” Nagulat si Jackie sa naging reaksyon ng ama. Akala nga niya’y tatawanan lang din siya nito.
“Aba, e, oo naman! Nakakatuwa nga’t ganiyan ang nasa isip mo, anak! Bihira na lang ang mga kagaya mo, ’di ba, ’Ma?” baling pa ng papa niya sa kaniyang mama.
Agad namang tumango ang ina ni Jackie. ”Oo naman. Saka, kung ibang tao nga, nagagawang pagmalasakitan ng anak natin, e, ibig sabihin, hindi na natin kailangan pang mangamba na baka pababayaan tayo n’yan pagtanda natin. Siguradong-sigurado tayong hindi, dahil ganiyan siya kabuti.”
Hinimas pa ng kaniyang mama ang balikat ni Jackie. “Basta, ’Nak, tandaan mo, ha? Hindi masamang maging mabait, pero dapat may limitasyon. Hindi sa lahat ng oras ay maaari kang maging mabait, lalo na kung inaabuso ka na.”
Natapos silang kumain na napakagaan ng pakiramdam ni Jackie. Napakalaking tulong na bukas siya sa mga magulang at malaya siyang nakapagsasabi ng mga plano, problema at saya niya sa kanila. Bukod sa mga papuri ay napakalaking tulong din kasi ng mga payo nila para kay Jackie.
Ngayon ay talagang buo na ang desisyon ni Jackie. Gagawin niya ang plano para sa pulubi!
Kinabukasan, matapos kumain ni Jackie sa kaparehong kainan kung saan nila namataan ang pulubi kahapon ay agad siyang lumabas para hanapin ang naturang pulubi. ’Di naman siya nabigo, dahil maya-maya lang ay nakita na niya itong papalapit sa kaniyang puwesto.
Magsasalita pa lang sana ang pulubi nang unahan ito ni Jackie. “Kuya, sama ka sa akin sa bahay. May ireregalo ako sa ’yo,” sabi niya rito. Hindi naman ito tumanggi sa kaniyang gusto.
Maya-maya lamang ay kasama na niya itong pauwi. Malugod itong tinanggap ng kaniyang mga magulang. Sa katunayan ay nagboluntaryo pa ang Papa niya na tulungan ito sa paliligo, habang ihinahanda naman ni Jackie ang mga ipapasuot niyang damit sa kanilang bisita.
Ngunit ganoon na lamang ang kanilang pagkagulantang nang matapos maligo ang pulubi. Nang mawala kasi ang makakapal na grasa sa mukha nito, ang marumi nitong buhok at ang gula-gulanit na damit ay nakilala nila kung sino ang taong pinapasok nila sa kanilang bahay!
Iyon ay walang iba kung hindi si Jomel—isang sikat na artista!
Ayon kay Enrique ay nag-guest daw siya sa isang TV show na pinamagatang, “Finding the Good Samaritan” kaya siya nagpanggap bilang pulubi. Sabi niya’y hindi raw niya akalaing aabot sa bibihisan at paliliguan siya dahil sa kabutihan ni Jackie.
Itinuro ni Jomel ang mga hidden camera man na kanina pa palang nagmamatiyag sa kanila ni Jackie. Instant celebrity ang dalaga, dahil naka-live pala sila sa TV!
Marami ang naantig sa ginawang kabutihan ni Jackie, at kasama na roon si Jomel. Ginusto nitong mas makilala pa siya nang mabuti at ’di nagtagal ay nahulog ang loob nito sa kaniya.
Ngayon ay gustong ihandog ni Jomel sa dalagang si Jackie ang isang gantimpala… iyon ay ang buong niyang pagmamahal na nabuo dahil sa ginawang kabutihan ng dalaga.
Images courtesy of www.google.com (Photos for illustration purposes only)