Mahalaga kay Lucas ang kanilang panaderia. Ito ang kaniyang palaruan simula nung sanggol pa lamang siya. Namuhay siya sa amoy ng mga bagong lutong tinapay mula sa kanilang pugon. Lumaki siya na ang paggawa ng iba’t-ibang uri ng mga tinapay ang paborito niyang laro. Kung mawawala sa kaniya ang panaderia maglalaho din ang mga magagandang alaalang iniwan sa kaniya ng kaniyang mga magulang.
“Parang awa niyo na po, Mrs. Gomez. Hindi po pwedeng mawala sa akin ang panaderia. Alam ko po na madalas akong nahuhuli sa pagbayad ng renta pero sa oras na nakakuha ako ng pera ay binabayaran ko kayo agad. Wala na po bang ibang paraan?” pagsusumamo ni Lucas.
Simula nung pumanaw ang kaniyang mga magulang dahil sa isang aksidente nung kinse años pa lamang siya ay si Lucas na ang nagpatuloy sa pag papatakbo ng kanilang panaderia. Tatlong taon na ang nakalipas at aminado ang binatilyo na maraming itong hinaharap na problema.
Patuloy na tumataas ang presyo ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay kasabay ng paghina ng kita. Isa-isang nagsi-alisan ang mga empleyado hanggang sa dalawa na lang ang natira. Pero walang balak na sumuko si Lucas. Gamit ang kaniyang mga natutunan mula sa kaniyang mga magulang ay ipinagpatuloy niya ang pagpapatakbo ng panaderia. Huminto siya sa pag-aaral para ituon ang lahat ng kaniyang lakas at atensyon dito.
“Alam mo, Lucas, hindi ka na iba sa akin. Ni minsan ay hindi ko tinaas ang singil ko sa renta. Kahit nahuhuli ka sa pagbayad ay hindi kita pinapatalsik sa inuupahan mong pwesto. Pero, hijo, kailangan ko ng pera para sa pagpapagamot ng asawa ko kaya napilitan akong ibenta ang gusali kung saan ka umuupa,” malungkot na saad ng ginang.
“Ito ang address ng opisina ni Mr. Hidalgo. Siya ang nakabili ng gusali. Subukan mong makiusap sa kaniya.” Isang maliit na papel ang inabot ni Mrs. Gomez kay Lucas.
Kinabukasan ay agad nagtungo si Lucas sa opisina ni Mr. Hidalgo para makausap ito. Nagdala siya ng iba’t-ibang uri ng tinapay na siya mismo ang ang nagluto. Balak niyang ipatikim ang mga ito kay Mr. Hidalgo para makumbinsi niya itong huwag silang patalsikin.
“Bawal pong pumasok kung wala kayong appointment. Kung gusto niyo ay tatawagan ko ang sekretarya niya para i-set kayo ng appointment sa kaniya,” sambit ng resepsyonista. “Pero ngayon ko siya kailangang makausap. Importante lang talaga,” pakiusap ng lalaki. “Hindi po talaga pwede.”
Desperado na si Lucas kaya nung naging abala ang resepsyonista ay nagtatakbo ang binatilyo sa elevator para puntahan ang opisina ni Mr. Hidalgo.
Humahangos na pinasok ni Lucas ang opisina ni Mr. Hidalgo. Kasunod niya ang dalawang gwardiya na tumatakbo sa kaniyang likuran. “Sir, pasensya na po. Nalusutan niya kami,” wika ng isang gwardiya habang ang isa naman ay mahigpit na hinawakan ang kaniyang braso at marahas siyang kinaladkad palabas ng opisina.
Namukhaan ni Mr. Hidalgo ang binatilyong mapangahas na pumasok sa kaniyang opisina kaya bago pa ito tuluyang mahatak ng mga gwardiya ay pinigilan na niya ang mga ito.
Ginawa ni Lucas ang lahat para kumbinsihin si Mr. Hidalgo na huwag patalsikin ang panaderia. Pinatikim niya dito ang mga niluto niyang tinapay. Inilahad niya dito kung gaano kahalaga sa kaniya ang panaderia. Nangako siya na magbabayad ng renta sa oras. Nabuhayan ng loob ang binatilyo nung tinanong siya ni Mr. Hidalgo kung ano ang pangarap niya kaya walang pagdadalawang isip niyang ibinahagi ang kagustuhan niyang magtayo ng isang cafe kung saan nakatayo ang panaderia. Masaya din niyang ikinuwento dito kung ano ang gusto niyang maging ayos ng cafe.
“Yung cafe na pangarap mong itayo, ano ang magiging pangalan niya kung saka-sakali?” Tanong ni Mr. Hidalgo. “Angel Cafe. Tuwing gumagawa ako ng mga tinapay ay nararamdaman ko ang mga presenya ng mga magulang ko. Mga anghel dela guardia ko na walang sawang nagbabantay, sumusubaybay at nagprorotekta sa akin. Gusto ko ay ganoon din ang maramdaman ng mga taong kakain doon. Nawawala ang kanilang mga alalahanin tuwing kinakain nila ang tinapay sa cafe.” Malawak ang mga ngiti ni Lucas habang nagsasalita. “May pandesal pa rin bang ibebenta doon?” Muling tanong Mr. Hidalgo. “Hindi pwedeng mawala ang paborito kong pandesal sa cafe ko.”
Akala ni Lucas ay nakumbinsi niya si Mr. Hidalgo na huwag patalsikin ang kanilang panaderia. Ang intindi pa niya ay papipirmahan siya nito ng bagong kontrata sa pagrenta ng pwesto dahil sinabihan siya nito na tatawagan na lang siya pag nakahanda na ang mga papeles. Pero nagkamali siya. Matapos ang isang linggo ay dumating ang mga malalaking makinarya para gibain ang gusali kung nasaan ang panaderia.
Matapos gumuho ang natitirang alaala ng kaniyang mga magulang ay malungkot na bumalik sa pag-aaral si Lucas. Namasukan din siyang panadero sa isang panaderia malapit sa kanilang bahay.
Mabilis na lumipas ang mga araw hanggang sa nakatanggap siya ng isang tawag mula sa sekretarya ni Mr. Hidalgo. Gusto raw siya nitong makausap at pinapupunta siya nito sa lugar kung saan dating nakapwesto ang kanilang panaderia. Labag man sa kaniyang kalooban ay nagpunta pa rin siya sa kanilang tagpuan. Pagdating niya doon ay hindi niya maisara ang kaniyang bibig sa sobrang gulat. Ang pwesto kung saan dating nakatayo ang kanilang panaderia ay napalitan ng pinapangarap niyang cafe, ang Angel Cafe.
“Siniguro ko munang nakaayos na ang lahat bago kita tinawagan. Naaayon ba ang disenyo ng cafe ayon sa gusto mo? Sabihin mo agad kung may hindi ka gusto para mapapalitan ko agad. Ito na nga pala ‘yung mga papeles na magpapatunay na ikaw ang lehitimong may-ari ng cafe. Pirma mo na lang ang kulang,” masayang saad ni Mr. Hidalgo. “Ibibigay mo sa akin ‘itong Angel Cafe? Pero bakit?” naguguluhang tanong ni Lucas.
“Disisyete años ako noon nung pumanaw ang mga magulang ko. Tinalikuran ako ng mga kamag-anak namin kaya naging palaboy ako. Nawawalan na ako ng pag-asa noon at hinang-hina na ang katawan ko dahil sa gutom kaya nawalan ako ng malay. Isang mag-asawa ang gumising sa akin. Pagmulat ng mga mata ko tsaka ko lang napansin na nakatulog pala ako sa harap ng isang panaderia. Akala ko pagagalitan ako at paaalisin ng mag-asawa pero imbes na paalisin ako ay tinawag nila ang limang taong gulang nilang anak para abutan ako ng mainit na pandesal. Simula noon ay namasukan na ko sa panaderia kapalit ng masisilungan at mainit na pandesal hanggang sa ampunin ako ng matalik na kaibigan ng tatay ko,” kwento ni Mr. Hidalgo.
Naguguluhan pa rin si Lucas sa mga pangyayari. Hindi niya pa rin maintindihan kung bakit ibinibigay nito sa kaniya ang cafe. Wala siyang maisip na dahilan para gawin ito ni Mr. Hidalgo.
“Hindi ako magtataka kung hindi mo ko maalala dahil anim na taong gulang ka pa lang nung umalis ako. Ang mga magulang mo ang tumulong sa akin nung walang-wala ako at ang niluto mong pandesal ang palagi kong kinakain tuwing nagugutom ako. Nagsimulang magbago ang buhay ko nung binigyan niyo ko ng pandesal. Kayo ang sumagip ng buhay ko. Nung umalis ako ay ipinangako ko sa sarili ko na susuklian ko ang kabutihang ibinigay niyo sa akin. Nung nabalitaan kong ibinibenta ni Mrs. Gomez ang gusali kung nasaan ang panaderia niyo sinamantala ko ang pagkakataon para tuparin ko ang aking pangako. Alam ko kung gaano kahalaga sa iyo ang panaderia kaya binili ko agad ang gusali para hindi na ito mapunta sa iba. Ang plano ko lang sa umpisa ay ilipat sa pangalan mo ang titulo ng lupa at gusali. Pero nung nakausap kita ay nagbago ang plano ko,” paliwanag ni Mr. Hidalgo.
Gumuho man ang dating panaderia ng pamilya ni Lucas ay hindi nawala ang pundasyon nito. Dahil ang Angel Cafe na pumalit sa kinatatayuan nito ay itinatag gamit ang mga magagandang alaalang iniwan ng mag-asawa sa kanilang nag-iisang anak na si Lucas at kay Mr. Hidalgo, ang ulilang binatilyong sinagip nila noon.