Inday TrendingInday Trending
Ma, Pa, Buntis Po Ako

Ma, Pa, Buntis Po Ako

Hindi malaman ni Jenny ang kanyang gagawin noong malaman niyang siya ay dalawang buwan nang buntis. Labing anim na taong gulang pa lamang siya at kasalukuyang na

Kanina pa niya tinititigan ang pregnancy test na biniliniya sa isang parmasya. Iniisip kung totoo ba ang nakikita o namamalikmata lamang.

“Ano ng gagawin ko?” malungkot niyang kausap sa sarili.

Sigurado siyang sasakalin siya ng kanyang mga magulang kapag nalaman ang sitwasyon niya ngayon. Ni hindi nga alam ng mga ito na may nobyo siya. Kinapa niya ang cellphone sa bulsa ng kanyang palda upang tawagan si Nathan, ang kanyang nobyo. Tatlong ring lamang ay agad namang sumagot ang nasa kabilang linya.

“Hello,” masiglang boses ni Nathan ang bumungad sa kanya.

“Nathan,” mahina naman niyang sambit.

“Bakit? Bakit ganyan ang boses mo babe, parang ang tamlay.” biro pa nito.

Nahimigan yata nito ang lungkot sa kanyang boses.

“N-nathan, buntis ako.” Inaasahan niyang magugulat ang nobyo kaya hindi ito nakapagsalita. “Nathan, nand’yan ka pa ba? Naririnig mo ba ako?”

“Oo, narinig ko ang sinabi mo.”

Bumuntong hininga muna siya bago muling nagsalita, “Anong plano mo?”

“Ano bang magiging plano ko, Jen? Sa palagay ko hindi pa tayo handa sa ganitong bagay. Mga bata pa tayo at marami pa tayong dapat gawin sa buhay. Hindi ko pa kayang maging ama at lalong hindi mo pa kayang maging ina.” Mahabang paliwanag nito. “Kung gusto mo ay ipalaglag nalang muna natin ang bata,” suhestiyon nito.

Tama si Nathan, hindi pa nila kayang maging magulang. Sa edad na disi-sais ay hindi pa nga niya kayang buhayin ang sarili at umaasa pa lamang sa mga magulang.

“Ano Jen? Nakapag-desisyon kana ba?” untag ni Nathan sa kabilang linya.

“H-ha?” Nahihirapan siyang magdesisyon.

May parte ng isipan niyang ayaw pumayag na ipalaglag ang bata, sa kabila naman ay sumasang-ayon sa desisyon ng nobyo.

“Sasamahan kita sa Quiapo, sabi nila may nabibili daw roon na pampalaglag o ‘di kaya ay sasamahan kita doon sa clinic ng abort*onistang kilala ni Samuel,” pangungumbinsi pa nito.

Dahil sa takot na baka magalit at palayasin siya ng mga magulang ay napilitan siyang sumang-ayon kay Nathan. Isang mabigat na desisyong maaari niyang pagsisihan sa bandang huli, ngunit sa pagkakataong ito ay ang tanging naiisip lamang niya’y mailigtas ang sarili sa isang mabigat na obligasyon.

Tinupad naman ni Nathan ang mga sinabi nito, sinamahan siya nito sa Quiapo upang bumili ng mga gamot na pamparegla. Ngunit makalipas ang ilang araw ay wala paring nangyari. Nawawalan na siya ng pag-asa at nagdadalawang isip siya kung itutuloy pa ba ang pagpapalaglag.

Ang pinakahuling option nila ay ang kakilala ng kaibigan nitong isang magaling na abort*onista. Mabigat ang hakbang niya habang papasok sa loob ng maliit nitong clinic. Inilibot niya sa buong paligid ang paningin at napadako iyon sa mga matatalim na gamit pampalaglag. Bigla ay nakaramdam siya ng kakaibang takot.

Takot para sa sarili at takot narin para sa batang walang kasalanan. Hindi niya namalayan na hunahagulhol na pala siya. Papatayin niya ang anghel na nasa kanyang sinapupunan, nahagip ng kanyang paningin ang gunting na maaaring pumutol sa buhay nito, para na rin siyang tinanggalan ng kaluluwa.

“Hindi ko kaya, Nathan.” Umiiyak niyang sambit. “Patawarin mo ako, hindi ko kayang isipin na tatanggalan ko ng buhay ang batang naging bunga ng pagmamahal ko sa’yo. Tatanggapin ko nalang ang galit nila Mama at Papa, sisikapin kong mabuhay kasama ang anak ko. Gumawa na ako ng kasalanan, tapos dadagdagan ko pa,” patuloy niya sa pag-iyak.

“Pero Jen,” nanghihinang tawag nito sa pangalan niya. “Hindi natin kakayanin. Hindi pa ako handa.”

“Sana naisip mo ‘yan bago mo ako ginalaw. Sana naisip natin na pwedeng mangyari ‘to. Sana, ang dami kong sana. Pero nakapagdesisyon na ako, hindi ko papatayin ang anak natin. Ipagpapatuloy ko ‘to!” wika niya at agad na tumakbo palayo sa lugar.

Magiging ina na siya, dapat simula ngayon maging matapang na siya para sa magiging anak niya. Handa na siyang tanggapin ang galit ng mga magulang, haharapin niya ang pagkakamali niya. Pagdating sa bahay nila ay agad niyang hinanap ang mga magulang. Anoman ang magiging reaksyon ng mga ito ay tatanggapin niya, siya ang may kasalanan.

“Ma, Pa.”

“Bakit anak?” sabay na wika ng mga ito.

“May aaminin po ako,” humihikbi niyang sambit. “Patawarin niyo po ako, buntis po ako ma. Patawad po,” wika niya at dahan-dahang lumuhod sa harapan ng ina at ama. Nakita niyang umiyak rin ang kanyang Ina.

“Bakit anak? Saan kami nagkulang ng paalala sa’yo?”

“Patawad po.” hindi na muling nagsalita ang mga ito, tanging hikbi at hagulhol lamang ang maririnig. Maya maya ay naramdaman niyang lumapit ang kanyang ama at niyakap siya.

“Ipagpapatuloy natin ang pagbubuntis mo anak,” mahinahon na sambit ng kanyang ama.

“Hindi niyo ako itatakwil?”

Ang ina naman miya ang lumapit sa kanya upang yakapin siya ng mahigpit.

“Bakit naman namin gagawin ‘yon? Anak ka namin, hindi namin kakayanin ang pabayaan ka dahil mahal ka namin ng Papa mo. Sana lang anak, maging aral na sa’yo ang bagay na ito. Mahirap maging batang ina, mararanasan mo na’yan ngayon. Sana baunin mo ang karanasang ito para mas maging matibay sa buhay, nandito lang kami ng papa mo.”

Ngayon niya napatunayan kung gaano katindi ang pagmamahal ng dalawa sa kanya. Na kahit anong sakit ang naidulot niya ay tanggap pa rin siya ng mga ito, nangako siya na kahit mag isa ay ganoong pagmamahal rin ang ibibigay niya sa kanyang anak.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement