Pusong Malikot, Pikot ang Sagot
Matagal nang may gusto si Anna kay John, ang kanyang pinakamatalik na kaibigan. Sabay na silang lumaki sa probinsya ng Quezon mula noong mga sipunin pa lamang sila hanggang sa nagdalaga siya at naging binata ito.
Lingid sa kaalaman ng lalaki ay may tinatangi siyang pagtingin dito na matagal na niyang itinatago. Umaasa siyang balang araw ay mamamahalin din siya ng kaibigan katulad ng pagmamahal niya rito.
Masaya naman silang dalawa kapag magkasama, panay ang harutan, biruan. Ang buong akala ng mga nakakakilala sa kanila ay magkasintahan na silang dalawa na lagi niyang hinihiling na sana ay dumating ang araw na iyon.
Ngunit isang araw ay laking gulat niya ng ipakilala ni John ang nobya nitong nagngangalang Carla. Gumuho ang mundo niya at parang pinagsakluban ng langit at lupa ang kanyang buong pagkatao. Ayaw niyang magpatalo sa babae, nauna siya sa buhay ng lalaki mas marami na silang pinagdaanan kaya alam niyang lamang siya sa puso ni John.
Hanggang isang araw ay masinsinan niya itong kinausap at buong lakas na inamin rito ang matagal ng itinagong pagmamahal.
“A-anna?” halata ang labis na pagkalitong rumehistro sa mukha ng lalaki nang bigla niya na lamang itong halikan.
“Mahal kita John, sana naman ay ako nalang ang mahalin mo. Kaya kong ibigay sa’yo ang lahat. Ako nalang ang mahalin mo,” aniya.
“P-pero hanggang kapatid lamang ang tingin ko sa’yo, Anna at hindi na tutumbas pa roon ang pagtingin ko sa’yo,” prangkang wika ni John.
“Anong kulang sa’kin, John? Hihigitan ko basta ako lamang ang piliin mo,” mangiyak-iyak na tanong ni Anna sa kaibigan.
“Patawarin mo ako, Anna. Pero hanggang kaibigan lamang ang kaya kong ibigay sa’yo,” nahihirapan nitong wika. Halatang ayaw na masaktan siya pero kailangang sabihin ang totoo.
“Pero mahal kita,” aniya na akmang lalapitan ang lalaki na agad naman nitong pinigilan.
“Hindi ikaw ang nilalaman ng puso ko, Anna!” matigas nitong sambit.
Napakasakit marinig ang mga katagang iyon sa taong buong buhay niyang minahal. Gaano ba nito kamahal si Carla? Bakit si Carla pa!
“Ibaling mo nalang sa iba ang pagtingin mo Anna, may lalaking nakalaan para sa’yo at para suklian ang pagmamahal mo at hindi ako iyon,” mahinahon nitong sambit.
“Bakit hindi nalang ikaw, John?” malungkot niyang tanong.
“Hindi kita mahal Anna, hindi katulad sa pagmamahal ko kay Carla.”
Daig pa ng puso niya ang na triple dead dahil sa sinabi ng lalaki. Mahal na mahal niya ito at hindi niya nakikita ang sariling iibig sa iba. Sa sobrang sakit na nadarama ay tinalikuran niya ito at walang lingon likod na naglakad palayo sa lalaki. Siya lang, siya lang ang dapat mahalin ni John wala nang iba.
Isang araw ay naglakas loob siyang muling lumapit sa lalaki, lingid sa kaalaman nito ay may maitim na siyang plano.
“John, bago man lang ako umalis patungong Manila ay baka naman pwede tayong mag-bonding. Parang tulad lang dati, mamasyal naman tayo. Namiss ko ‘yong bonding natin e, matagal pa ako ulit bago makabalik dito.”
Masaya namang ngumiti si John at agad na tumango. “Oo ba! Namiss ko na nga rin ‘yon e. Ano kailan tayo mamamasyal?”
“Bukas! Baka pwede ka bukas?”
“Sige.” agad nitong tugon, humihiling na makabawi man lang sa pananakit nito sa damdamin niya.
Hindi niya kayang isuko ng gano’n-gano’n nalang si John. Sisiguraduhin niyang bago matapos ang araw ay magtatagumpay siya sa kanyang binabalak.
Mabilis na lumipas ang araw at oras, naganap na nga ang usapan nila ni John. Kung saan-saan sila namasyal, katulad ng dati ay masaya silang dalawa. Nang mapagod ay naghanap sila ng makakainan. “Ako na ang mag-oorder, maghanap ka nalang mauupuan,” presinta niya.
Marahan at maingat niyang nilagyan ang baso nito ng sleeping powder. Balak niyang pikutin ang kaibigan, babaliktarin niya ang mundo mabawi lang ito sa nobya nitong si Carla.
Kinabukasan ay nagising si John sa kama’ng hindi nag-iisa, nakahubad at kahit isang saplot ay walang natira. Marahas na nilingon niya ang mahimbing na natutulog na si Anna.
Ano’ng nangyari?
Wala siyang maalala, imposibleng may mangyari sa kanila ni Anna. Paano na si Carla ang kanyang nobya at ang babaeng tinatangi ng kanyang puso. Maya maya pa ay nagising narin ang babae at ng makita siya’y agad ring ngumiti.
“Goodmorning.”
“Anong nangyari Anna!” napahilamos pa siya sa mukha dahil sa kalituhan.
“Ha? Ito may nangyari sa’tin.”
Nagsalubong ang kilay niya sa sinabi ng kaibigan.
“P-paano? Bakit?”
“Kailangan ko pa ba talagang ipaliwanag John kung ano ang nangyari sa’tin kagabi!”
“Anna, alam mong mali ito!”
“Paanong magiging mali John? Dahil ba hindi ako ang mahal mo kaya mali!”
“Mali ito dahil wala akong maalala sa ginawa natin!” pasigaw niyang wika. Naguguluhan siya, imposibleng maakit siya sa babae. Hindi na hihigit pa sa pagiging kaibigan ang mararamdaman niya rito at kataka-taka ay wala siyang maalala.
“Kung ginagawa mo ito dahil akala mo ay maibabaling ko na sa’yo ang pagmamahal ko, nagkakamali ka, Anna. Mahal kita pero hindi na iyon tutumbas pa sa isang kapatid na babae. Ibang pagmamahal ang nararamdaman ko sa’yo at iba ang pagmamahal na nararamdaman ko para kay Carla.”
“J-john,” mahinang usal nito.
“Hindi mo madadaan sa simpleng pamimikot ang lalaking tunay magmahal, Anna. Huwag mong ibaba ang sarili mo sa’kin, may lalaking nakalaan para sa’yo at hindi ako iyon. May lalaking magmamahal sa’yo ng totoo katulad ng pagmamahal na nararamdaman ko para kay Carla.” Nilapitan niya ang matalik na kaibigan dahil humahagulhol na ito. “Mahal kita bilang isang kapatid at ayokong nakikita kang ganyan. Hindi mo pwedeng pilitin ang puso, hintayin mo ang lalaking nakalaan sa’yo. Huwag mong ipilit ang sarili mo sa lalaking hindi ka kayang mahalin, dahil masasaktan at masasaktan ka lang.”
“Mapapatawad mo pa ba ako sa ginawa ko John?” humihikbing sabi ng babae.
“Oo naman. Basta ipangako mo lang na hindi mo na ulit gagawin ang ginawa mo ngayon.”
Malungkot na ngumiti si Anna bilang tugon. Napagkasunduan nilang kalimutan na ang nangyari dahil sa totoo lang, wala naman talagang naganap kagabi. Hindi niya naituloy ang balak dahil nasasaktan siya, puro ‘Carla’ ang sinasabi nito. Hinubaran niya nalang ito at nagpanggap.
Huwag nating pilitin ang isang bagay kung hindi ito para sa’tin. Laging tandaan, it’s better to wait long, than to love wrong.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!