Inday TrendingInday Trending
Mapaglarong Tadhana

Mapaglarong Tadhana

“Swipe left, swipe right.”

Lubhang nag-eenjoy sa bagong dating application na nadownload niya kanina si Peter, 25 taong gulang. Wala na siyang social life dahil sa kanyang masteral studies at pagtatrabaho. Naisipan niyang magdownload ng app na ito para naman mapawi ang kanyang kalungkutan.

Marami-rami na rin siyang naka-match at nakachat. Ang iba ay hanggang “hi” at “hello” lamang. Ang iba naman, casual hook up ang gusto. Ang iba, seryoso naman kausap.

Subalit sa lahat ng naka-chat niya, ni isa ay wala pa siyang nakakatagpo. Natatakot din siya dahil baka hindi siya magustuhan sa personal ng kanyang makakatagpo.

Hanggang sa isang araw, sa kanyang pag-“swipe right” ay nakachat niya si Ana, 24 na taong gulang. Taga-Taguig. Call center agent. Sa matagal na panahon ng kanilang pag-uusap online, nahulog sila sa isa’t isa. Dahil dito, nagkaroon sila ng usapan na magkita.

Pinaghandaang maigi ni Peter ang araw ng kanilang pagkikita. Bumili ng bagong polo, pabango, at mouth wash ang binata. Nagpagupit din siya at nilinis nang maayos ang sapatos. 11:00 nang umaga ang kanilang pagkikita, kaya 8:00 pa lamang ng umaga ay nasa byahe na siya. Sa isang mall sa Taguig sila magkikita, para hindi na mapalayo si Ana.

Saktong 11:00 nang umaga, dumating si Peter. Nasa tagpuan na rin si Ana. Nagtama ang kanilang mga paningin, at tila agad silang nagkasundo na gusto nila ang isa’t isa.

Kumain sila, nagkape, namasyal. Hanggang sa naulit pa ito. Napagpasyahan nilang mas palalimin pa ang kanilang pagtitinginan . Tumagal din ang kanilang relasyon ng apat na buwan, hanggang sa mapagpasyahan ni Ana na ipakilala na si Peter sa kanyang pamilya.

Maaliwalas ang tahanan nina Ana. May dalawang palapag. Maraming bulaklak sa paligid, karamihan ay tulips. Mabait ang nanay ni Ana. Subalit hindi niya nakilala ang tatay nito dahil nasa trabaho umano. Naging maganda naman ang pag-uusap nila.

Masayang-masayang ibinalita ni Peter sa kanyang inang OFW ang nangyari sa kanyang lovelife. Matagal na sa Canada ang kanyang ina. Mag-isa siya nitong pinalaki dahil hindi ito pinanagutan ng nakabuntis sa kanya, ama ni Peter. Gayunman, hindi naman pinaramdam sa kanya ng kanyang ina na may kulang sa kanya.

Tuwing gabi, hindi pinalalagpas ni Peter ang pagkakataon na tawagan si Ana at kumustahin ito sa maghapon.

“Babe, hindi ka naman ba nalipasan ng gutom?” tanong ni Peter kay Ana.

“Hindi naman, babe. Ikaw ba? Baka nagpapakapagod ka sa work ha?” lambing ni Ana.

“Hindi babe. Kailangan kong mag-ipon para sa future natin. Para sa kasal natin. Iimbitahin kasi natin ang buong angkan natin kapag nagkataon,” pabirong sabi ni Peter.

Napahagikgik si Ana. “Oo nga pala babe. Since hindi ka pa nakita ni daddy, iniinvite ka niya magdinner sa amin bukas. Available ka ba?”

“May meeting lang ako sa morning babe, pero pwede naman ako sa gabi. Nasasabik na rin akong makilala ang daddy mo.”

Kinabukasan, isang masarap na hapunan ang inihanda ng pamilya ni Ana para kay Peter. Salo-salo nilang nilasap ang napakasarap na hapunan. Nakaharap na niya ang daddy ni Ana. Napansin niyang may pagkakahawig sila, bagay na ginawang biro ng nanay ni Ana na baka talagang nakatadhana silang maging manugang. Bago umuwi, nagselfie muna sila.

Pagdating sa bahay, agad na nag-usap sa Skype sina Peter at ang nanay niya upang ibalita ang naganap sa hapunan. Ipinadala rin niya ang selfie nila kanina.

“Nareceive mo na ba yung photo, ma?,” tanong ni Peter sa ina.

“Oo anak. Anak, matanong ko lang sana, sino yung lalaki sa picture?”

“Siya po ang daddy ni Ana. Bakit po?”

Kahit nakikita lamang niya sa screen ng computer ang mukha ng kanyang ina, nakita niyang nawalan ng kulay ang mukha nito.

“A-anak… siya kasi ang… siya ang daddy mo…” nauutal-utal na sagot ng ina ni Peter.

Napamaang si Peter. “A-anong sinasabi mo, ma? Siya ang tatay ni Ana!”

“Oo anak. Siya ang tatay mo, si Ernest.”

Pakiramdam ni Peter ay pinagsakluban siya ng langit at lupa dahil sa kanyang narinig. Hindi siya makapaniwala. Paano nangyari ito? Paanong ang kaisa-isang babaeng minahal niya, ay kapatid niya sa labas? Mabuti na lamang at iginagalang pa rin niya ang kapurihan ni Ana.

Agad nagtungo si Peter sa bahay nina Ana, at kinausap ang tatay nito. Ipinakita ni Peter ang larawan ng kanyang ina kay Ernest, at kinumpirma nga nito na nagkaroon sila ng relasyon at nagkaanak sila.

Ipinasya ni Peter na makipaghiwalay kay Ana, na tinanggap naman nito. Ipinasya rin niyang magpakalayo-layo upang makalimutan ang trahedya ng kapalaran na naganap sa kanya.

Masakit man, pinili ni Peter na ituloy ang buhay at kalimutan ang masakit na pangyayari ng kahapon. Alam niyang darating ang panahon, maghihilom ang mga sugat sa puso niya. Umaasa siyang balang araw, matatagpuan din niya ang babaeng mag-aalaga at mag-iingat ng puso niya.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement