Matalik na magkaibigan sila Renzo at Jersie. Bata pa lamang sila pinangarap na nilang makapagpalipad ng eroplano. Natupad naman ito, kaya lang hindi silang dalawa ang nagtagumpay.
Buhat ng kahirapan, hindi nagawang makapasok ni Renzo sa kolehiyo. Kaya naman napag-isip niyang imbes na tumambay siya at maghintay na matupad ng kaibigan ang pangarap nila, sinubukan niyang magtinda-tinda ng kung anu-ano katulad ng mga kakainin.
Hanggang sa umunlad ang kaniyang pagtitinda-tinda, nagkaroon siya ng sarili niyang coffee shop. At hindi naman kalaunan, nakatanggap sya ng tawag mula sa kaibigan na nakapasa ito bilang isang piloto sa ibang bansa.
Labis ang tuwa niya sa tagumpay ng kaibigan ngunit may kaunting kirot at inggit sa kanyang puso na ginawa niyang inspirasyon upang magtagumpay pa sa buhay.
Ngunit tila natural na talaga sa buhay ng tao ang pagkadapa, dahil habang nasa palengke siya upang mamili ng mga sangkap na kinakailangan nila, bigla na lang may sumiklab na sunog sa mga bahay malapit sa kanyang coffee shop, dahilan para madamay ito at mawalan siya ng pagkakakitaan.
Nilapitan na niya lahat ang kanyang mga kaanak at ibang kaibigan upang manghiram ng pera para makapagsimula muli ngunit wala siyang napala sa mga ito. Labis na pagkalungkot ang kanyang nadarama hanggang sa naalala niyang may isa pa pala siyang kaibigan na siguradong makakatulong sa kanya makabangon.
Agad niya itong tinawagan, ngunit wala pa man ding syang sinasabi, biglang ika nito, “O, Renzo, balita ko nasunog ang coffee shop ha, kung tumawag ka para manghiram ng pera, naku pasensya kana talaga. Wala akong maipapahiram sayo ngayon e. Nagpapatayo na kasi kami ng bahay dito ng nobya ko. O, sige na, malapit na ang flight ko.” mabilis na ika ni Jersie sabay baba sa tawag, napailing na lamang siya dahil wala siyang kahit isang nasabi sa kaibigan.
“Wala pa akong sinasabi non ha. Buti nga siya nakuha nang mag-nobya samantalang ako sakin pa rin nakasandal ang pamilya ko.” wika niya sa sarili.
Dahil nga sa wala nang malapitan, napilitan na siyang ibenta ang mga natirang gamit sa coffee shop niya at ang perang napagbentahan ang ginamit niya upang makapagsimula muli.
Lumipas ang ilang taon, pumatok sa masa ang bagong pakulong naisip niya. Nakaimbento siya ng isang kapeng nakakapagpapayat raw, dahil doon dumami ang tumangkilik nito dahilan para makapagpatayo ulit siya ng isang bagong coffee shop.
Habang abala sa pagmamasid-masid sa mga empleyado, bigla na lang siyang nilapitan ng kanyang kapatid at sinabing may naghahanap daw sa kanya sa labas. Agad naman niya itong pinuntahan at nagulat siya kung sino ang taong iyon.
“O, Jersie, bakit ayaw mong pumasok?” sambit niya para mapukaw ang pansin ng tulalang lalaki sa gilid.
“Ay Renzo, ano kasi eh, baka kasi hindi ako welcome sa coffee shop mo, saka ang pangit ng suot ko o. Hindi bagay dyan sa magandang lugar na naipundar mo.” kamot ulo nitong wika.
“Halika na! Nahiya ka pa! Kape tayo, libre ko!” sabi niya kahit pa may sama siya ng loob sa kaibigan.
Pumayag naman si Jersie at doon na niya nasabi kay Renzo ang dahilan ng pag-uwi niya sa Pilipinas.
“Nabanggit ko sayo yung nobya ko sa ibang bansa diba? Halos lahat ng sweldo ko binibigay ko doon para mapagawa yung bahay namin. Pero nagtaka ako dahil ilang taon na ako sa trabaho wala pa rin kaming bahay. Yun pala yung perang pinaghirapan ko, binibili niya ng pinagbabawal na bato at pinapamudmod sa mga kaibigan niya.” maluha-luhang ika nito, “ Dahil sa pagkadismaya ko pati sa trabaho nadala ko ang inis ko dahilan para masigawan ko ang ilan sa mga pasahero ng eroplano, ayun hindi kalaunan nasisante ako. Buti na lang may kaunti akong perang naitabi para makauwi ng Pilipinas.” tuluyan nang dumaloy ang luha sa mga mata nito, bakas ang pagsisisi.
“Hayaan mo, makakabangon ka ulit. Mag-apply ka ulit bilang piloto dito naman sa Pilipinas. Pero para may pera ka pangluwas ng Maynila, magtrabaho ka muna dito sakin bilang waiter, gusto mo ba?” ika ni Renzo dahilan para mayakap siya ng mahigpit ng kaibigan.
Mas pinili ni Renzo ang kaibigan niya kaysa sa sama ng loob na mayroon siya rito. Dahil alam niya kung paano sumayad ang kanyang mga tuhod ng wala man lang tumutulong at ayaw niyang maranasan ito ng kaibigan.
Totoong bilog ang mundo. Minsa’y nasa taas ka at kung minsan naman nasa baba ngunit dapat nating tandaan, ano man ang estado mo sa buhay, laging itapak ang mga paa sa lupa.