Inday TrendingInday Trending
Palaging Pinapalo at Pinapahiya ng Ina ang Kanyang Anak sa Harap ng Ibang Tao, Lumipas ang Maraming Taon Saka Lang Natauhan ang Matanda

Palaging Pinapalo at Pinapahiya ng Ina ang Kanyang Anak sa Harap ng Ibang Tao, Lumipas ang Maraming Taon Saka Lang Natauhan ang Matanda

Dahil abala sa kanyang trabaho, ang misis ni Renato na lamang ang bahala sa pag-aayos ng bahay at pagdidisiplina sa kanilang nag-iisang anak na si Annie. Mainitin ang ulo at madalas namang mamalo ang inang si Anita upang madisiplina ang anak.

“Hindi ka titigil? O sige. Tumayo ka sa gitna ng mall at lumuhod ng isang oras! Nang matuto ka sa mga pagkakamali mo! Napaka-suwail mo! Ilang taon ka palang pero napakatigas na ng iyong ulo!” malakas na sigaw ni Anita habang namamasyal sila sa mall ng anak na si Annie. Pinagtitinginan na sila ng mga taong nakakakita sa pagpapahiya niya sa kanyang anak.

“Isa! Lumuhod ka sabi doon!” sabay hampas ni Anita sa hita ng anak.

“Mama! Huwag po!” pagmamakaawa ni Annie. Natapon lang naman ng bata ang isang baso ng iced tea sa mesa ng kanilang kinakainan.

“Ma’am, nakakaawa naman po iyong bata. Baka labis naman pong mapahiya sa pinagagawa ninyo. Lilinisin at papalitan ko na lang po ang natapon niya.” wika ng isang waitress na awang awa sa magandang bata.

“Nangingialam ka? Sino ka ba? Ako ang nanay nito kaya ako ang magdidisiplina dito!” sigaw na tugon ng galit na ina. Nahiya na ang waitress at lumayo na sa mag-ina.

Sa araw araw na ginawa ng Diyos, ganoon ang pagpapalaking naranasan ni Annie. Natuto na rin siyang intindihin at sakyan ang galit ng ina.

Lumipas ang mahigit dalawampung taon, at nakapagpakasal na si Annie. Nagkaroon din siya ng dalawang malulusog na anak.

Malaki ang tampo ni Annie sa inang si Anita dahil sa mga panggugulpi at pamamahiya nito sa kaniya. Alam din ito ng napangasawa ni Annie na si Harold. Kaya’t laking pagtataka ng kanyang mister nang makita kung paano nito disiplinahin ang kanyang dalawang anak.

“Justin! Samantha! Kayong mga bata kayo! Ang kalat kalat!” sigaw ng galit na galit na si Annie. Katunog niya ang kaniyang ina kung magalit. Nang lumapit ang dalawang bata’y agad niya itong piningot ng sabay na nakapagpa-pula sa tenga ng dalawa.

“Annie! Masyado naman atang mainit ang iyong ulo. Bakit kailangan mong mamalo sa tuwing pagsasabihan mo ang mga anak natin? Ang babata pa ng mga iyan!” pagsabat ng asawang si Harold.

“Ikaw ba ang naiiwan dito sa bahay para alagaan itong dalawa? Tuwing sabado at linggo ka lang naman nandito, Harold! Kaya wag mo kong tuturuan kung paano didisiplinahin ang dalawa kong anak!” pasigaw na tugon ni Annie. Napailing na lamang sa inis si Harold.

Naging ganoon na rin ang buhay ng magkapatid na si Justin at Samantha. Nagiging sanay na rin ang kanilang mga katawan sa mga palo ng ina, at sanay na rin ang kanilang mga tenga sa bunganga nito.

Isang araw, nagkaroon ng salo salo ang angkan ni Annie. Dadalo doon ang mga kapatid at kamag-anak ng kaniyang ina.

Habang kumakain ang mag-ina, hindi sinasadyang masanggi ni Samantha ang isang plato ng spaghetti na nakahain sa harap ng ina. Puting puti ang suot na pantalon ni Annie, kaya ganoon na lamang ang naging init ng ulo nito nang matapon ang isang buong plato ng pagkain sa kanyang damit.

“Samantha! Talaga kang bata ka!”, nagulat ang mga tao sa lakas ng sigaw ni Annie. Lalong nagulat ang mga tao nang biglang hinatak ni Annie ang anak sa kwelyo at kinaladkad.

Naabutan ni Anita ang anak at apo na nasa gitna ng reunion. Halos lahat ay nanood sa ginagawa ng kanyang anak. Nakita niyang nakaluhod ang kanyang apo sa gitna ng maraming tao, habang nakatayo ang kanyang anak at dinuduro duro ito.

“Kailan ka matututo? Hindi ka nag-iingat! Tatanga-tanga ka! Huwag kang kakain hanggang bukas ah? Saksakan ka ng inutil! Hindi ko alam saan ka nagmana!” patuloy na pagsigaw ni Annie. Buti na lamang at dumating ang asawa nitong si Harold upang umawat.

Hindi makapaniwala si Anita sa nakita. Naalala niyang bigla ang mga pamamalo at pamamahiyang ginagawa sa sariling anak noong ito ay bata pa. Labis ang kanyang pagsisisi dahil tila nadala ng kanyang anak sa kanyang mga apo ang dati niyang gawi.

Buti na lamang at nagpa-awat naman itong eskandalosang ina. Nang mahimasmasan ang lahat, agad nilapitan ni Anita ang anak na si Annie upang kausapin.

“Anak, kamusta na?” tanong ni Anita sa nakasimangot na anak.

“Hindi okay Ma. Nakita mo ba ang ginawa ng magaling mong apo? Kung ako ang gumawa noon sa’yo, baka napatay mo na ako di ba?” mabilis na pananalita ni Annie sa ina.

Nagulat si Annie nang biglang humagulgol ang ina at lumuhod sa kanyang harapan.

“Patawarin mo ako, Annie! Ngayon ko lamang nakita ang mga ginagawa ko sa’yo noon. Ang gusto ko lang naman kasi ay mapalaki ka ng maayos. Pero inaamin ko, nagkamali ako! Diyos ko, maling mali!” patuloy ang pag-iyak ng matanda.

“Hindi solusyon ang init ng ulo at pamamalo para madisiplina ang bata. Alam kong may galit ka sa akin hanggang ngayon. Kaya sana’y maisip mo na hindi tama ang mga nakita mong ginagawa ko. Huwag mo na sanang gawin sa mga anak mo!” pagmamakaawa ni Anita sa anak. Kinuha niya ang apo umiiyak na si Justin na tila natakot sa ginawa ng ina at niyakap.

Natauhan ang matigas na si Annie. Naalala niya ang mga pangako niya sa kanyang sarili noong bata pa siya, “Hinding hindi ko gagawin sa mga magiging anak ko ang ginagawa sa’kin ng nanay ko!”

Niyakap niya ang kanyang ina at sinabing pinapatawad niya na ito. Matapos ay lumapit na rin siya agad sa dalawang anak at humingi ng tawad sa mga nagawang kasalanan. Nangako rin siya na hinding hindi na niya sasaktan ang mga bata lalo na kapag hindi naman tama at angkop sa mga nagawa nila.

Natutunan ni Anita na ang mga ipinapakita mong gawa sa iyong anak ay siyang ipapakita nitong gawa sa kanyang pagtanda. Kaya hangga’t maaari ay gawin ang lahat ng makakaya upang maging mabuting role model ang mga magulang sa kanilang mga anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement