Nagtataka ang Binata nang Madaling Araw Pa Lamang ay Ginising na Siya ng Kapatid, Sinampal Siya ng Masakit na Katotohanan nang Maalala Niya ang Dahilan
Maganda ang performance ni DJ sa trabaho, giliw na giliw sa kanya ang boss kaya naman nang magpaalam siyang magva-vacation leave sa loob ng isang buwan ay walang kahirap-hirap na pinayagan siya nito.
“Naku isang buwang hindi makakapasok ang isa sa magaling kong empleyado, paano kaya? Pasalamat ka malakas ka sa akin, tsaka kailangan mo rin ito.Aba’y hindi mo na ginagamit ang mga leave mo.Naiipon, kay bata bata mo pa eh workaholic ka na.” sabi ng matandang manager.
Matamlay na ngumiti naman si DJ, ang dami kasing ginawa ngayong araw kaya pagod na pagod siya. Pinirmahan na ng boss ang kanyang request, ibig sabihin, approved na.
“Thank you Sir,” sabi niya at lumabas na sa opisina nito. Pag uwi niya sa kanila ay nagpaalam siya agad sa ina na magbabakasyon siya ng isang buwan, niyaya niya pa nga ito kung nais sumama sa kanya sa Vigan.
“H-hindi na nak, ayos lang ako dito. Baka kasi ano, dumating ang mga inorder ng ate mo sa online shopping,” malungkot na sagot nito.
Nakakaunawa namang tumango siya. 23 years old pa lamang si DJ pero may sarili na siyang kotse, kundi dahil sa ate niya na paulit ulit magpaalala na mag ipon siya.
Habang nagda-drive siya papunta sa probinsya ay napangiti siya nang maalala ang kapatid. Dalawa lamang sila, apat na taon ang agwat ng edad pero super close sila ng ate niya. Noong naga-abroad ang mama niya ay tila ito tumayong ikalawang ina para sa kanya, lalo pa at iniwan sila ng kanilang ama.
Natatandaan niya pa nga, kapag kaaway niya, kaaway na rin ng ate niya. Palagi silang magkakampi. Nagpaparaya ito kapag may mga oras na gipit sila sa pagkain, sasabihing busog kahit kumakalam ang tyan, basta may makain lang siya.
Dahil traffic naman ay naisipan niyang i-text ito.
Huy Ate, miss u. Papunta ako Vigan, inggit ka no?
Nakangiti pa siya habang isine-send iyon. Mahilig kasi sa mga makalumang lugar at bagay ang ate niya. Nang magkatrabaho nga ito eh, napakalayo sa ibang babae ang gustong bilhin sa unang sahod. Imbes na make up, bag at sapatos, mas pinili nitong bumili ng mga antique na vase.
Nang makarating sa Vigan ay naglibot libot si DJ, pinicturan niya ang paligid. Mga lumang bahay noong panahon ng kastila, naku! Pag inasar niya ang kapatid ay tiyak na mabu-bwisit ito sa kanya.
Bumili siya ng mga souvenir at itinabi sa bag niya. Pagkatapos mag ikot ay dumiretso na siya sa hotel kung saan siya mananatili pansamantala.
Mabilis lumipas ang isang buwan at ngayon ay nagda-drive na pauwi si DJ. Masasabi niyang kahit paano, gumaan ang pakiramdam niya sa bakasyong iyon.
“Init ko ba ang ulam anak? Kakain ka? Nagluto ako ng kare-kare, paborito nyo ni Ate mo,” sabi ng nanay niya.
“Di na ma, kumain ako sa fast food. Tulog lang ako ha? Kakangalay ng binti mag drive eh. Tignan mo na lang yung bag na blue andun mga pasalubong ko sayo at kay Ate,” matamlay na sabi niya at umakyat na.
Kinabukasan, naalimpungatan si DJ sa mahihinang tapik sa kanyang pisngi. Nang magmulat siya ay nakita niya ang nakangiting kapatid, nakatitig ito sa kanya. Sinulyapan niya ang orasan, alas kwatro.
“Ate?” gulat na sabi niya, ang aga aga pa!
“Baby brother ko,” biro nito.
“Binata na ako! Pero oo na nga, baby brother mo na,” lambing niya rito.
“Sabi ko naman sayo, kahit na pumuti ang buhok mo sa kili kili ate mo ako habangbuhay, at hinding hindi magbabago ang tingin ko sayo, baby boy ka,” sabi nito at natatawang kinurot pa ang pisngi niya.
“Ate, nalulungkot ako.” naluluhang sabi niya.
Ngumiti ito, “Kaya mo yan. Palagi naman akong nandito para sayo. Kayanin mo, para kay mama. Sige na, ngiti na.” utos nito, ginulo ang buhok niya.
Pinahid niya ang luha at niyakap ang ate niya, “Miss na miss kita ate. Ang sakit sakit.”
“Bumangon ka na nga dyan, nandito lang sabi ako. Tulungan mong magluto si Mama at maraming bisitang darating,” sabi nito, mas mahigpit ang yakap sa kanya.
Di namamalayan ni DJ na tigib na ng luha ang kanyang mga mata habang mahigpit na yakap ang unan. Tumunog ang alarm niya, alas otso na ng umaga.
“Ate, balik ka na. Ililibre kita sa Vigan..” bulong niya habang natutulog.
“Anak, gising na.” marahang tapik ng kanyang ina.
Humuhikbi pa siya nang idilat ang kanyang mga mata, naringgan niyang may mga matatandang nagdarasal ng ‘Aba Ginoong Maria’ sa kanilang salas.
“M-Ma.. ano po ang meron? Bakit may nagdarasal?” maang na tanong niya, nanghihina pa dahil sa napanaginipan.
Malungkot na sumagot ang ginang.
“40 days na ng Ate mo nak, bangon na.”
Ah, 40 days na rin pala nang mawala ang kanyang kapatid. Nawala ito sa kanila dahil sa sakit na brain cancer, hindi niya alam kung paano niya kinakaya ang lungkot dahil parang isang ina na rin ang nawala sa kanya. Kaya nga siya nagbakasyon sa Vigan, para makalimot. Iyon dapat ang sorpresa niya sa kapatid sa nalalapit nitong kaarawan pero di na ito umabot pa. Napahawak si DJ sa dibdib niya, alam niyang naroon lang ang ate niya.
At tulad ng sinabi nito, kayanin niya. Iyon ang kanyang gagawin, kakayanin at magpapakatatag para sa kanilang ina. Alam niyang dinalaw siya nito sa panaginip upang mapanatag na ang kanyang loob at magkaroon siya ng lakas para ipagpatuloy ang buhay.
Malaki ang kanyang pasasalamat dahil alam niyang sinusubaybayan lamang siya ng kanyang ate at hindi ito mawawala sa tabi nila, tulad ng pangako nito.
“Mahal kita Ate, ako ang baby brother mo habangbuhay..”