Inday TrendingInday Trending
Pinalabas ng Guro ang Estudyante at Ibinagsak Dahil Nahuli Niya Itong Gumagamit ng Cellphone sa Klase, Nang Mabasa Niya ang Mga Text Doon ay Nanghina Siya

Pinalabas ng Guro ang Estudyante at Ibinagsak Dahil Nahuli Niya Itong Gumagamit ng Cellphone sa Klase, Nang Mabasa Niya ang Mga Text Doon ay Nanghina Siya

Kilala sa eskwelahan si Binibining Claire Espina bilang terror na teacher, naturingang dalaga at batang bata ay maiksi na ang pasensya niya sa mga tinuturuang high school students.

Wala siyang pinipiling pagkakataon, kapag naisipan niya at nahuli niyang sumusuway sa kanya ay talagang pinapatayo niya at ipinapahiya. Wala siyang pakialam kahit na sugurin siya ng magulang, para sa kanya ay ganoon ang disiplina.

“Lahat ng hindi nakapagpasa, tayo!” bulyaw niya sa classroom isang araw. May proyekto kasi siyang ipinagawa, kukumpletuhin ang litrato ng mga naging presidente ng Pilipinas tapos ay ididikit iyon sa bond paper at ilalagay sa isang folder. May apat na estudyante siyang hindi nakapagpasa.

Natatakot na tumayo naman ang mga estudyante, tahimik ang buong klase. Naghahanda na sa napipintong parusa ng mabagsik na guro. Tatlong binatilyo at isang dalagita.

“Raymond, mauna ka nang magsinungaling, bakit hindi ka nagpasa?”

“Ma’am kasi ho walang mapagpa-print-an na malapit sa amin, eh hindi ho ako nakaalis ng bahay gawa ng binabantayan ko ang kapatid ko-“

“Bakit sa bundok ba bahay nyo? John Michael, sige, bilugin mo na ulo ko. Bakit di ka nakapagpasa?” baling niya sa isa pa.

“Ma’am tinulungan ko kasi ang mama ko na mag-“

“Sus! Baldado nanay mo?” nakangisi pa siya, saka matalim na bumaling ang paningin niya sa dalagitang kasunod nito. “At ikaw..Charmaine, kababae mong tao! Ikaw lang yata ang babaeng tamad sa klaseng ito, at bakit hindi ka nakapagpasa? Siguro puro boypren ang inaatupag mo, puro paglalandi!”

“Ma’am ilang araw na ho kasing-“

“Hep, ikaw araw na kayong nagde-date ng boypren mo?” nang uuyam na sabi niya. Unang tingin niya palang sa batang ito, parang di na iniintindi ng magulang.

“M-ma’am wala ho akong boyfriend.” nakatungong sabi nito.

“Bukas makalawa, pustahan, mabubuntis ka.” nakairap na sabi niya. Hindi na umimik pa ang estudyante, tila ito naiiyak pero hindi nagsasalita.

Mabilis lumipas ang mga araw, palaging pinag iinitan ni Claire si Charmaine dahil tulala palagi ang estudyante, pinapahiya niya ito at sinasabihang kaya siguro tulala ay dahil iniisip ang kalandian at boyfriend. Nang sumapit ang araw ng exam ay mahigpit niyang ipinagbawal ang paggamit ng cellphone.

Nakatungo ang mga estudyante at tahimik na nagsasagot nang mapansin niyang galaw nang galaw si Charmaine.

“Ang gaga, baka nangongodiko,” bulong niya sa sarili. Dahan dahan niya itong nilapitan at namula ang tenga niya sa galit nang makita itong gumagamit ng cellphone.

“Charmaine! Ano ang mahirap intindihin sa BAWAL MAG-CELLPHONE?!” dumagundong ang boses niya sa classroom at lahat ng estudyante ay napapitlag. Luhaang tumingala ang dalagita sa kanya at nanginginig pa ito habang hawak ang cellphone, pilit iyong hinablot ni Claire.

“Akin na nga ito, lumabas ka. Bagsak ka na! Simple instruction hindi ka makasunod,” galit na galit na sabi niya.

“M-ma’am sorry po kasi-“

“Labas! Bagsak kana! Sabihin mo sa parents mo malas nila kasi isang failure ang anak nila!” sabi niya pa. Nakatungong lumabas ng classroom ang estudyante.

Bumuntong hininga si Claire at muling nagsalita, “Nakita nyo class? Kailangan talaga may ma-sampolan sa inyo. Ganoon ang sasapitin nyo kapag hindi kayo nakikinig sa akin. Tignan nyo, ang kapal ng mukha! Siguro dito kayo nagpapasahan ng sagot sa text ano? Malaman laman ko lang,” sabi niya at binuksan ang cellphone ni Charmaine.

Inisa isa niya ang mga text messages doon at hinahanap kung mayroong galing sa mga kaklase nito. Pero bigo siya, dahil lahat iyon ay galing sa mama ng dalagita. Dahil napukaw ang interes niya at naroon na rin lang, binasa na niya ang mga text.

Nanlambot siya sa mga nakita, sinimulan niya sa pinakaluma.

Nak, isinugod si papa mo sa ospital

Nagsimulang makunsensya si Claire, di niya naman akalain na may ganito palang pinagdaraanan ang dalagita. Kaya pala natutulala ito sa klase. Sinunod niyang buksan ang ikalawa.

Nak, thank you sa pagbantay kay papa. Di ka tuloy nakagawa ng project nyo.

Tinignan ni Claire ang date kung kailan isinend ang text, at natuklasan niyang iyon ang araw kung kailan ipinahiya niya ang dalagita dahil wala itong naipasang proyekto.

Pero nanghina siya at napahawak sa desk ng isang estudyante nang mabasa ang huling text, na kani-kanina lang isinend habang nag eexam ang dalagita.

Nak, wala na si papa mo.

Lumuluhang napalabas sa classroom si Claire, hinahanap niya ang dalagita pero tila nakalabas na ito ng eskwelahan. Kinagabihan ay pinuntahan niya ito sa bahay at naabutang nakatungo sa harapan ng ataul ng ama nito.

“M-ma’am?” gulat na sabi nito, namamaga pa ang mata. Niyakap niya ang estudyante.

“Charmaine, patawarin mo si Ma’am, naging masama ako sayo,” naiiyak na sabi niya. Tumango naman ang estudyante at umiyak sa balikat niya.

Mula noon ay mas naging maunawain si Claire, natutunan niyang lahat ng tao ay may mga pinagdaraanang di natin alam kaya huwag na huwag manghuhusga sa kapwa.

Advertisement