Sampung taong gulang noon si Lester nang pumanaw ang kanyang inang si Merly sa isang malubhang karamdaman. Magmula noon, silang dalawa na lamang ng kanyang amang si Roderick ang natirang lumalaban sa buhay. Laking pasasalamat niya naman dahil hindi siya pinabayaan ng kanyang ama magmula ng mawala ang kanyang ina.
Noong una’y naging mahirap para sa mag-ama na matanggap ang pagkawala ni Merly, ngunit kinalauna’y unti-unti na ring bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
“Papa! Papasok na po ako sa eskwela,” pamamaalam ni Lester sa ama habang inaabot ang kamay nito upang magmano.
“O sige, anak. Pagbutihin mo. Isang taon na lang ay graduate ka na ng high school. Taasan mo ang marka mo nang makapasok ka sa magandang unibersidad pagtuntong mo ng kolehiyo,” payo ng 43 taong gulang na ama.
Pagdating sa eskwela ni Lester, nakasalubong niya ang paboritong guro na si Ma’am Cherry. Mula pa noong 1st year high school at hanggang ngayong nasa 3rd year na siya, anak na ang turing sa kanya nito. Maalaga, maalalahanin, at mapagmahal na guro kasi si Cherry. Anak na rin ang turing niya kay Lester dahil magmula naman nang pumanaw ang anak niyang lalaki sa pagkadalaga, sa binata niya na rin naituon ang kaniyang atensyon bilang pangalawang ina nito sa eskwela.
“Hijo, Lester, kumain ka na ba? May dala akong papaitan diyan, ang paborito mo. Kunin mo na lang sa faculty room,” nakangiting sabi nito.
“Yes, ma’am! Salamat po!” sagot naman ni Lester. Kay Ma’am Cherry na lamang niya nararamdaman ang aruga ng isang ina magmula nang mawala ang sarili niyang ina.
Isang hapon, pauwi na si Lester nang mapansin niyang hindi pa pala niya naisasauli kay Ma’am Cherry ang lalagyan ng pagkaing ibinigay nito noong umaga. Kaya naman lumiko muna siya patungo sa bahay nito.
Ngunit laking gulat niya nang isang lalaki ang magbukas ng pinto.
“Papa? A- anong ginagawa mo rito sa bahay ni Ma’am?” nagtatakang tanong ng binata.
“Ah… Eh… Anak, magpapaliwanag ako,” ani Roderick.
“Hijo? Maupo ka, may kailangan kang malaman,” sabad naman ni Ma’am Cherry.
Nagulantang ang mundo ni Roderick nang malamang mahigit tatlong buwan na palang nagkakamabutihan ang kanyang ama at ang kanyang paboritong titser.
“Pa- paano nangyari?! Papa naman! Bakit papalitan mo na si mama?! AYOKO! AYOKO!” sigaw ni Lester sabay takbo palabas ng bahay ni Ma’am Cherry. Sinubukan siyang pigilan ng dalawa ngunit wala silang nagawa.
Lumipas ang mga araw, at hindi na tulad ng dati, hindi na pinapansin ni Lester si Ma’am Cherry. Hindi niya matanggap na magagawa ng kanyang ama na palitan ang kanyang ina. Labis itong ikinalungkot ni Cherry, kaya naman isang desisyon ang kanyang papanindigan. Nakipaghiwalay na siya sa ama ni Lester.
“Lester, wala na kami ng titser mo. Nakipaghiwalay na siya sa akin dahil ayaw daw niyang nakikita na nahihirapan ka. At siyempre, ayoko ring nakikitang malungkot ka nang dahil lamang nakipagrelasyon ako sa iba,” malungkot na sabi ni Roderick sa kanyang anak.
“Buti naman at natauhan kayo!” barumbadong sagot ni Lester sabay takbo sa kanyang kwarto.
“Dapat ay masaya na ako, pero bakit parang hindi? Ah, ewan! Bwisit! Makatulog na nga,” anito sabay patay ng ilaw ng kanyang silid.
Sa kalaliman ng kanyang tulog, bigla na lamang napabalikwas ng gising si Lester. Pawis na pawis ito, at napansin niyang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata nang idilat niya ito. Nagulat rin siyang nakatulog pala siya na hawak ang larawan ng kanyang ina.
Dali-dali siyang pumunta sa silid ng ama at ginising ito.
“Papa! Patawarin niyo po ako. Naiintindihan ko na. Tanggap ko na po. Balikan niyo na po si Ma’am Cherry!” umiiyak na sabi ni Lester sa kanyang papa.
“Ha? Bakit, anak? Hindi ba’t tutol ka sa relasyon namin? Ikaw ang prayoridad ko, ang kasiyahan mo anak,” sagot nito.
“Nanaginip ako, papa. Kinausap ako ni mama. Alam kong mahigit pitong taon na rin magmula nang mawala si mama. Ang sabi niya sa akin, hayaan daw kitang maging masaya. Naging napakabuti mong ama, papa. Kailanma’y hindi mo po ako pinabayaan. Kaya, panahon na po para unahin mo naman ang sarili mong kaligayahan,” umiiyak na sabi ni Lester.
“At isa pa, papa, naging napakabuti po sa akin ni Ma’am Cherry. Kung mag-aasawa po kayo ng bago, si Ma’am Cherry na po ang the best para sa inyo, sa atin. Sorry po kung naging mababaw ako at hindi agad nakaintindi. Inuna ko po ang galit. Patawarin niyo po ako. Ngayon, pumapayag na po ako,” patuloy pa nito.
Mahigpit na nagyakap ang mag-ama. Laking pasasalamat ni Roderick na naging maunawain ang kanyang anak. Nagdasal rin sila noong gabing iyon para sa kaluluwa ni Merly.
Kinabukasan, sumama si Roderick sa kanyang anak sa pagpasok nito sa eskwela. Nang makita si Cherry, agad itong lumapit.
“Alam kong itinuturing ka nang pangalawang ina ng anak ko dito sa eskwela, ngunit isa lamang ang hiling namin ngayon. Maaari ka bang maging ina ng anak ko? Hindi lang sa eskwela, ngunit pati sa bahay at buhay namin,” tanong ni Roderick habang inaabot ang pulang rosas sa babae.
Inabutan din ni Lester ng isang bulaklak ang ginang bilang pasasalamat sa lahat ng ginawa nito para sa kanya.
Tinanggap ni Cherry ang alok ni Roderick. Simula noon ay siya na ang tumayong bagong ilaw ng tahanan ng mag-ama, na siyang nagbigay ng saya at liwanag sa mga buhay nila. Hindi rin naman nila nilimot ang ala-ala ni Merly dahil madalas ay magdasal ang mga ito nang sama-sama bilang pag-alala sa namayapa niyang kaluluwa.