Palo ni Lola
Habang kakatapos lang ng mga kapitbahay na magtanghalian ay naghuhumiyaw naman sa iyak ang batang si Tanya.
“Alam mo kung hindi lang ako madadamay ay matagal ko nang sinumbong iyang si Lola Nita, grabe kung mamalo sa apo niya. Halos mawalan na ng boses yung bata, araw-araw na lang ganyan. Parang hindi na yata tama yung ginagawa ng matanda,” wika ni Tonio, kapitbahay ng ale.
“Naku, sanay na ako diyan kay Lola saka ganyan na ganyan din naman umiyak yung anak mo kapag pinapalo ko. Akala mo binuhusan ng mainit na tubig kung makangawa e sa paa ko lang naman tinamaan,” sagot ni Phoebe, ang misis ng lalaki.
“Pinapalo mo ang anak natin?!” galit na tanong ni Tonio.
“Oo, bakit? Pagdidisiplina ang tawag doon kaya huwag kang OA! Ikaw ba hindi ka napalo nung bata ka, aber? Lahat naman tayo dumaan sa palo kaya tigilan mo ako sa mga ganyang boses mo,” saad naman ni Phoebe.
“Pasensya ka na Phoebe pero kahit kelan hindi ako nakatikim ng palo mula sa mga magulang ko at naniniwala akong kaya nating palakihin si Dominic ng ganun rin. Sana matutunan mong huwag manakit,” malungkot na pahayag ng lalaki.
Hindi na nagsalita si Phoebe sa sinabi ng kaniyang asawa. Alam naman kasi niyang ayaw talaga nito kapag pinapalo niya ang kanilang anak. Kaya lamang mas nagulat siya nang lumabas ang lalaki at pinuntahan ang kanilang kapitbahay.
“Lola Nita, tama na ho yung pamamalo niyo. Hindi maganda sa bata iyang ganyang klase ng disiplina,” sabi ni Tonio dito.
“Aba Tonio ikaw pala iyan. Pasensya ka na kung maingay itong apo ko pero huwag mo sana ako mandohan sa pagdidisiplina dahil alam ko kung ano ang ginawa ko,” sagot ni Lola Nita na namumula na sa galit at pawis na pawis kakasigaw sa kaniyang apo.
“Hindi naman ho sa nakiki-alam ako pero mamamaos na po iyang bata sa kakaiyak e, baka pwede niyo na pong itigil,” baling ng lalaki. Lalabas pa sana ang lola kaya lamang mabilis na nahatak ni Phoebe ang kaniyang asawa.
“Kita mo na, nakakahiya ka. Iniisip ng mga kapitbahay natin malupit ako sayo! Sige huwag kang tumigil sa kakaiyak para mapabarangay na ako,” sigaw ni Lola Nita sa kaniyang apo.
“Lola hindi na po, sorry na, hindi ko na po uulitin pa,” wika ni Tanya. Ang walong taong gulang at nag-iisang apo ni lola.
Hinagis naman ni Lola Nita ang hanger na kanina niyang hawak at saka ito lumakad pa punta sa likod ng kanilang bahay para maglaba. Nagpunas naman ng luha si Tanya at bumalik sa kaniyang pagkain, maya-maya pa ay lumabas na ang bata para sumali sa mga batang naglalaro.
“O Tonio, tigilan mo na yung apo ni Lola Nita. Mamaya niyan e lalo pang bugbugin yung bata,” pahayag ni Phoebe sa kaniyang mister.
“Saglit lang naman, itatanong ko lang naman kung bakit niya palaging sinasaktan yung bata. Malay mo malaman natin na hindi pala tama at sobra na ang lola niya, malay mo rin nag-aantay lang yung bata na may sasalba sa kaniya mula sa pananakit nung matanda,” baling ni Tonio kay Phoebe.
“Tatanungin ko lang, hindi ako magsusumbong sa barangay!” dagdag pa nito. Walang nagawa ang babae kundi titigan ang kaniyang mister na may dalang sorbetes at binigay iyon sa apo ng matanda. Dasal na lang niyang hindi sila magkagalit ng ale lalo na’t ayaw niya na may kaaway sa mga kapitbahay.
“Tanya, para sayo oh,” wika ni Tonio sa bata.
“Ay salamat po kuya,” masayang sagot ng lalaki. Saka niya tinabihan ang bata at sabay silang kumain ng sorbetes.
“Ayos ka lang ba? Bakit umiyak ka na naman kanina, halos araw-araw na lang kitang naririnig na umiiyak. Lagi ka bang sinasaktan ng lola mo?” tanong ni Tonio dito.
“Mm, lagi niya po ako pinapalo. Kasalanan ko rin naman po kaya laging galit si lola. Kanina po kasi ay nagmura ako at narinig ni lola kaya niya sinampal bibig ko. Alam ko namang pong bad iyon at hindi ko sinasadya,” pahayag sa kaniya ng bata.
“Ayos lang ba sayo na lagi kang sinasaktan ng lola mo? Dapat hindi ka niya sinasaktan ng ganyan,” wika naman ni Tonio.
“Hindi naman po malakas yung sampal ni lola, mas masakit pa nga po yung hanger na tumama sa paa ko. Saka tinapon ko po kasi yung pagkain sa basurahan kahit na hindi ko pa ubos, alam ko naman na galit si lola kasi mahirap lang po kami at bawal magsayang ng pagkain kaya lalo po siyang nagalit,” saad muli ni Tanya.
“Gusto mo ba isumbong si lola mo sa barangay para mapagsabihan siya na hindi ka na paluin kapag may kasalanan ka? Bad kasi ang pamamalo,” sabi ni Tonio saka niya hinaplos ang buhok ng bata.
“Hindi naman po bad ang lola ko, ang totoo nga po niyan ay mas bad ang mama ko. Kasi palagi po siyang lasing at palagi niyang sinasabing malas daw ako pero si lola lang ang nagmamahal sa akin. Siya ang nag-aalaga sa akin at nagpapakain, kahit na lagi siyang galit ay ayos lang kasi ako naman po ang may kasalanan. Huwag niyo po isusumbong ang lola ko ha, isumbong niyo na lang po ang mama ko kasi dati daw nung nasa tiyan pa lang niya ako ay pilit na niya ako tinatangal kasi ayaw niya sa akin, bad ang mama ko,” sumbong sa kaniya ng bata.
“Asan ba ang mama mo ngayon?” tanong ni Tonio.
“Baka nasa labas po nag-iinum. Kawawa nga si lola kasi naglalaba siya damit ng kapitbahay para daw may makain kami. Kapag nga tulog na si lola ay lagi ko kinikiss kamay niya tapos magigising siya,” sabi ng bata.
“Tapos papaluin ka na naman ba niya?” mabilis na tanong ni Tonio.
“Hindi po, magigising siya tapos hahawakan niya yung mukha ko. Sasabihin niya sa akin na sorry daw kasi napapalo niya ako minsan pero sasabihin niya rin na mahal na mahal niya ako! Si lola ko lang ang nagsasabi nun,” sagot sa kaniya ni Tanya.
Hindi napigilan ni Tonio ang kaniyang luha at bigla na lang itong bumagsak saka niya niyakap ang bata.
Ngayon naiintindihan na niya ang matanda, malamang dala na lang ito ng pagod at hirap ng buhay kaya naman may kasamang palo ang pagdidisiplina nito. Pero hindi pala ibig sabihin noon ay hindi na nya mahal ang apo, dahil siya mismo ang laman ng puso ng bata dahil ang totoo niyan ay mabuting tao si Lola Nita.
Hindi na niya binalak pang magsumbong sa barangay dahil napansin niyang wala namang pasa si Tanya at grabe lang pala talaga ito kung umiyak sa tuwing pinapalo ng kaniyang lola. Sa paa lang rin pinapatama ng matanda ang kanyang mga hampas nang hanger na parang ginagawa rin ng kaniyang misis.
Ngayon ay sinasama na lamang ni Tonio sa dasal ang dalawa, na mas lalo pang humaba ang buhay ni Lola Nita at humaba din ang pasensya nito para sa kaniyang apo. Samantalang pinagdadasal naman ni Tonio na mahalin na si Tanya ng kaniyang sariling ina at bilang isang kapitbahay na nagmamalasakit ay ito na ang kaniyang mabibigay para dito.