Inday TrendingInday Trending
May Asim Pa si Mama

May Asim Pa si Mama

Kakalipat lamang ng babaeng is Ester sa kanilang lugar at kaagad itong kinahumalingan ng mga lalaki at maging ang ibang nanay. Napakaganda kasi ng babae at napakaseksi pa kaya hindi makapaniwala ang marami na 50 anyos na ito.

“Bukas nga pala ha, ikaw ang magtuturo ng sayaw Mareng Ester,” wika ni Aling Chona.

“Naku, pwede bang pass muna ako Aling Chona? May bisita kasi ako bukas at marami ang aasikasuhin kaya baka hindi muna ako makapagzumba,” sagot naman ni Ester sa babae.

“Naku, mukhang darating na naman ang mga lalaki mo,” biro naman ng ale.

“Naku naman si Aling Chona pinagloloko na naman ako, kayo na po ang bahala sa magtuturo ng sayaw ha. Babawi na lang ako sa susunod,” saad pang muli ni Ester saka siya umalis.

Mag-isa lamang naninirahan ang babae sa kaniyang kinuhang unit, pagtatahi ng mga damit ang pinagkakakitaan ng babae at dahil mayaman naman ang yumaong asawa kaya naman may pera pa itong nagagasta ngayon.

Ang mga anak naman daw nito ay may kani-kaniya nang pamilya kaya siya na lang talaga ang naiwan mag-isa.

“Alam mo ba Aling Chona, nakita ko iyang si Aling Ester may kasamang lalaki, long hair at parang wala nang ginawa kundi mag gym dahil namumutok ang mga muscle. Siguro mga nasa 20 anyos lang yata iyon at naka-akbay pa sa kanya. Napakaswerte talaga niya sa lalaki,” wika ni Aling Belen na bumibili rin sa tindahan ng ale.

“Siguro ka ba Belen dyan sa nakita mo? Baka naman sinisiraan mo lang si Ester dahil mas marami nang may gusto sa kanya na magturo ng zumba kaysa sayo,” baling sa kaniya ni Aling Chona.

“Ito naman si Aling Chona, kelan ba ako nagsinungaling sa mga pinamamalita ko? Di hamak na mas matagal na ako dito sa barangay natin kaya dapat kilala niyo na ako. Hindi ako nagsisinungaling dahil nakita pa mismo ng dalawang mata ko,” galit na sagot ni Aling Belen.

“Kasi kung totoo iyang sinasabi mo, ibig sabihan lang nun ay iba pa yung nakita ko lalaking nakasalamin na kasama niya kasi hindi naman matipuno ang pangangatawanan nun saka nasa mga 28 anyos na rin. Yumakap pa nga sa kaniya at hinalikan siya sa noo na parang sa mga korean nobela!” baling pa ni Aling Chona.

“Tapos sabi niya sa akin kanina ay may bisita daw siya bukas, abangan kaya natin kung sino ang bumalik dun sa mga nakita natin?” dagdag pa ni Aling Chona.

Maaga pa lang ay agad na nagkita sina Aling Chona at Aling Belen sa court para sa kanilang zumba at sinabay na rin nila ang pagmamasid sa bahay ni Ester, nasa tapat lang kasi ito ng court kaya naman madaling matanaw.

Alas otso pa lang ng umaga ay mukhang nakapamalengke na si Ester at nagluluto na ito. Halos hindi naman makagawa ng kanilang mga kani-kaniyang mga gawain ang dalawang kapitbahay dahil mahigpit ang kanilang pagbabantay dito.

Pagpatak ng alas onse ng umaga ay may pumaradang sasakyan sa court, alam kaagad nang dalawang ale na dayo ito kaya naman agad silang tumayo at sinilip kung sino ang bababa.

“Ayan ba yung nakita mo Belen?” tanong ni Aling Chona.

“Hindi iyan yun, tignan niyo naman walang kamuscle-muscle. Baka ayan yung nakita mo Aling Chona, isuot niyo nga po yung salamin niyo para makita nyo ng mas malinaw, dali,” wika naman ni Aling Belen sa kasama sakay mabilis na isinuot ang salamin nito sa mata.

Nakita naman nilang agad na humalik ang lalaki sa pisnge ni Ester at niyakap ito ng mahigpit.

“Pakiramdam ko ay iba ito Aling Chona, baka ito ang lalaking isinabay niya sa asawa niya dati at dahil tigok na yung dati kaya malaya na sila ngayon. Tignan mo, ang gwapo!” mahinang saad ni Aling Belen.

“Grabe, pero kung iba ito ibig sabibin iba pa rin yung dalawang lalaking nakita natin? Salawahan naman pala iyang si Ester, porke maganda ay pinagsasabay-sabay niya na ang mga lalaki,” saad naman ni Aling Chona.

“Naku Aling Chona, kung ikaw ba may ganynang katawan ay sasayangin mo lang lalo’t wala ka namang asawa. Kaya ganyan yan si Ester kasi ini-enjoy niya lang yung katawan niya at kagandahan,” tumatawang pahayag ni Aling Belen at saka na sila tumigil sa kakamasid dahil pumasok na ang lalaki at si Ester sa kanilang bahay.

Samantalang mabilis naman na naipagsabi nina Aling Chona at Aling Belen na tatlo ang lalaki ni Ester, puro bata at magaganda ang pangangatawanan.

Kinahapunan ay natigil ang maugong na chismisan sa court nang lumabas ng lalaki sa bahay ni Ester at bumili ng sigarilyo saka doon niya hinithit ito.

“Pogi, taga saan ka?” maharot na tanong ni Aling Belen.

“Naku hindi po ako taga dito, may dinalaw lang ako,” sagot ng lalaki.

“Si Ester ba? Alam mo may sasabihin sana ako sayo pero baka masamain mo,” saad muli ni Aling Belen saka naman siya pasimpling hinampas ni Aling Chona.

“Alam mo kasi pogi hindi lang ikaw ang lalaki niyang si Ester e,” pahayag ni Aling Belen.

“Talaga ho ba?” sabi ng lalaki.

“Oo, dalawa pa nga,” singit ni Aling Chona.

“Talaga itong si Aling Chona ay aagawan pa ako ng spotlight,” isip-isip ni Aling Belen.

“Totoo iyan dahil kami mismo ang nakakita na may ibang dumadalaw kay Ester. Nakita din namin na hinalikan at niyakap pa siya ng mga iyon,” pahayag naman agad ni Aling Belen.

“Ang amin lang naman ay malaman mo ang totoo para hindi ka na masaktan pa,” sabi pang muli ng ale.

“Salamat po kung ganun,” sagot naman ng lalaki.

Magsasalita pa sana si Aling Chona kaya lamang biglang lumabas si Ester at papunta ito sa gawi nila. Dai-daling inayos kunwari ng ale ang kaniyang mga tinda, samantalang kinuha naman ni Aling Belen ang kaniyang telepono at nagpanggap na may kausap sa kabilang linya.

“Oscar, nakalimutan mo ang binalot kong pansit mabuti na lang at hindi ka pa nakakaalis,” wika ni Ester.

“Andito ka rin naman ay ipapakilala na kita sa mga bagong kumare ko. Mareng Belen, Mareng Chona, si Oscar nga pala ang panganay kong anak,” pahayag ni Ester.

Parang nabilaukan ang dalawang ale sa kanilang narinig at nagsipag ubo ang dalawa na walang tigil.

Kumaway lang ang lalaki at natawa sa reaksyon ng dalawang ale.

“Anong nangyayari sa inyo mga mare, gusto niyo ba ng tubig?” tanong ni Aling Ester sa mga ito.

“Yun bang lalaking matipuno ang pangangatawana at yung lalaking nakasalamin ay anak mo rin?” nauubong tanong ni Aling Belen.

“Ay oo, mga anak ko iyon mare. Nakita niyo na pala,” nakangiting sagot ni Aling Ester.

Mas tumindi pa ang ubo ng dalawang ale at natatawa na lang si Oscar. Naisip niyang wala mali sa pagkakaroon ng maganda nanay, mali ang magkaroon ng chismosang kapitbahay.

Kinaumagahan ay sina Aling Chona at Aling Belen rin ang nagpakalat sa totoong balita patungkol sa mga anak ni Aling Ester. Nahihiya sila sa kanilang pakikialam at lalo na sa pagkakalat ng chismis.

Advertisement