Araw-araw ay subsob sa trabaho si Jaime. Wala na siyang ibang inisip kundi ang kanyang trabaho. Masyado siyang career-oriented. Isa na kasi siyang mahusay at kilalang abogado. Kaliwa’t kanan na rin ang mga kasong kanyang hinahawakan.
Hindi lang siya matalino, ubod ng sipag din. Kaya naman, lahat ng kasong kanyang hinahawakan ay kanyang naipapanalo. Hindi maipagkakaila ang kanyang taglay na galing sa propesyong kinabibilangan.
Isang araw, sa di inaasahang pagkakataon, nakasalubong niya ang isang ginang na bagama’t pamilyar sa kanya ay di niya matandaan kung sino at ano ang pangalan nito. Ngunit nasisigurado niyang kilala at kaibigan ito ng kanyang ina.
“Jaime? Jaime Dela Cruz! Hindi mo ba ako natatandaan? Ako ito ang Tita Clara mo,” saad ng babae ng makita siya.
Tinignan niya lang ito at pilit inaalala kung sino nga ba nito.
“Tama ba? Jaime ikaw na ba yan? Ang unijo hijo ng matalik kong kaibigan na si Marga?” sunod-sunod na tanong nito na para bang nasasabik sa pagkikita nilang ulit.
“Opo, ako nga po si Jamie Dela Cruz. Kumusta po kayo?” ngumiti na lamang siya dito at pormal na bumati dito.
“Aba’t nakakatuwa naman at nagkita pa tayong muli. Nang huli kitang makita ay napakaliit mo pa! Balita ko ay isa ka ng abogado?” masaya at masiglang tugon nito na para bang humahanga din sa narating ng binata.
Natutuwa siya dahil naaalala niya dito ang kanyang ina. Kumusta na nga kaya ito ngayon? Ang tagal na din pala simula ng huli silang nag-usap.
“Opo. Sa awa po ng Diyos ay naging ganap na abogado din po ako at araw-araw pinaglalaban ang mga naaapi nating kapwa,” buong kababaang-loob niyang saad.
“Nasisigurado kong sobrang ipinagmamalaki ka ng iyong mga magulang. Lalong lalo na ang iyong mama. Ikaw pa naman ang pinaka-paboritong anak nun,” sagot naman ng babae.
Napangiti lamang si Jaime at naalala ang proud na proud na mukha ng kanyang ina sa tuwing ipinagmamalaki siya nito sa mga kakilala. Bigla niya tuloy itong naalala. Hindi na sila nakakapag-usap ng kanyang ina dahil sa dami ng trabaho na kanyang tinanggap.
“O siya at mauuna na kami hijo at may flight pa kaming hahabulin. Masaya ako at nagkita ulit tayo kahit saglit lang at di inaasahan. Ikumusta mo nalang ako sa mama mo. Mag-iingat ka palagi ha?” Niyakap siya nito saglit at nagpaalam na din.
“Sige po. Mag-iingat din po kayo. Wag po kayong mag-alala at makakarating po kay mama ang pangungumusta niyo,” pangako niya dito.
Dahil sa pangangamusta ng babaeng kaibigan ng kanyang ina ay agad niya itong tinawagan noong makauwi na siya sa condominium na tinitirahan.
Nakailang tawag na siya, subalit hindi nasasagot ng kanyang mga ina ang mga tawag. Bagama’t medyo naguluhan ay di niya nalang pinilit at baka abala o tulog lamang ito.
Lumipas ang ilang araw at dahil nga sa subsob na sa trabaho, nakalimutan niya na ang planong pagtawag sa ina. Sunod-sunod na kaso na din kasi ang kanyang kinakailangang hawakan.
Patungo si Jaime sa bahay ng kanyang kliyente nang biglang may tumawag sa kanya. Sinagot niya ito ng hindi tinitignan kung sino ang tumawag.
“Hello? Kuya?” Si Anna. Ang bunso niyang kapatid.
“Kuya…” parang pahikbing tawag nito sa kanya.
“Anna? Bakit? Umiiyak ka ba?” Puno ng pag-aalala niyang tanong dito.
“Kuya si mama…” tuluyan na ngang umiyak ang kapatid na nasa kabilang linya. Biglang bumilis ang pintig ng puso niya sa narinig at napatigil niya ang kanyang sasakyan. “Si mama kasi kuya…” patuloy pa rin ito sa pag-iyak kaya lalo lamang siyang kinakabahan.
“Anna please, tumahan ka muna at sabihin mo sakin kung anong nangyayari. Anong nangyari kay mama? Nasaan kayo? Nasaan siya?!” natatakot siya sa maaring marinig. Natatakot siya sa kung ano man ang maririnig niya ngayon.
“Diyos ko, wag naman po sana. Please. Wag naman po sana,” paulit-ulit niyang sinasambit sa isip niya habang hinihintay ang sagot ng kapatid niya.
“Kuya, may sakit si mama at malala na siya. May taning na ang buhay niya.” Parang nabingi siya sa narinig.
“A-anong sabi mo?” Parang bigla siyang na nanlambot at hindi niya naintindihan ang sinabi ng kapatid niya. Parang ayaw tanggapin ng utak niya ang balitang kanyang nalaman.
“Kuya?” walang tigil sa pag-iyak si Anna kaya naman hindi niya na napigilan ang sarili, para bang rumaragasang ilog na nagpapaunahan sa pag-agos ang mga luha niya.
“Nasaan siya? Nasaan kayo? Sabihin mo sakin kung nasaan si Mama!” Parang gusto niyang liparin kung nasaan man ngayon ang ina upang yakapin ito.
“Please Anna. Sabihin mo sa’kin kung nasaan si mama ngayon,” pagmamakaawa niya sa kapatid.
Unti-unti na parang nauubosan na siya ng lakas.
Sinabi naman agad sa kanya ng kapatid kung saan naka-admit ang kanilang ina. Halos paliparin niya na ang sasakyang dala niya sa sobrang pagmamadali.
Biglang nagbalik sa kanyang utak lahat ng mga alaala niya kasama ang ina. Simula ng bata pa lamang siya hanggang sa paglaki niya, ibang klaseng pag-aaruga ang ipinamalas sa kanya nito.
Ang walang sawang suporta. Ang walang kapantayang pag-intindi at pag-unawa lalo na sa mga panahong pati siya ay hindi na kilala ang sarili niya.
Tanging ang ina lamang niya ang hindi sumuko sa kanya. Kahit na siya mismo ay sukong-suko na sa sarili, pero hindi ang mama niya. Hindi ito kailanman nawalan ng tiwala at pag-asa sa kanya.
“Diyos ko, parang awa Niyo na, wag naman po ang mama ko. Kahit ako nalang po. Wag lang po ang mama ko. Nagmamakaawa po ako sa Inyo,” paulit-ulit at buong puso niyang sinasambit habang pinapaharurot ang sasakyan.
Pagkarating na pagkarating niya ng ospital ay halos talunin niya ang daan papunta sa kwarto ng ina.
Nang makarating sa kwarto nito ay nakita niya agad ang ina na nakaratay sa kama. Naiyak siya sa nakita niya. Ang laki ng ibinagsak ng katawan nito at ang dating makinis at ubod ng gandang mukha ay nawalan na ng buhay at parang bungo na sa sobrang payat.
“Kuya!” bigla siyang niyakap ng kapatid niya.
“Pasensya na kung ngayon lang namin sinabi sayo. Ayaw kasing ipasabi ni mama, kasi baka daw mag-alala ka pa. Ayaw ka daw niyang maabala sa trabaho mo, kasi alam niyang napaka-importante nito sayo,” nag-unahan na naman sa pag-agos ang kanyang mga luha.
Lumapit siya sa ina at hinawakan ang mga kamay nito.
“Alam mo ba kuya, araw-araw niyang hinihintay ang tawag mo. Nahihiya na raw kasi siyang tumawag sayo kasi tuwing tatawag siya sayo, pakiramdam niya ay parati siyang nakakaabala
“Sabik na sabik na siyang makita ka, kaso ayaw niya naman daw maging abala sayo. Alam niya kasing ginagawa mo ang matagal mo ng pangarap. Ayaw ka daw niyang mag-alala pa sa kanya,” humihikbing saad ng kanyang kapatid.
“Patawarin niyo sana ako,” naalala niya ang mga panahong halos araw-araw tumawag ang kanyang ina sa kanya pero hindi niya ito nasasagot ng maayos dahil sa trabaho o dahil masyado siyang pagod para makipag-usap pa dito.
“Kaya naghihintay nalang siyang tumawag ka o kusang magparamdam sa kanya. Hinihintay ka nalang niyang maalala siya,” parang gusto niyang bumalik ng binata sa nakaraan. Kinakain siya ng konsensya niya.
Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ng kanyang ina na natutulog, at saka humagulgol.
“Sorry ma. Sorry po talaga. Patawarin niyo po ako kung napakasama kong anak. Napakamakasarili ko po. Patawarin niyo po ako.
“Patawarin niyo po ako kung napaka-makasarili ko at puro trabaho lang ang nasa isip ko. Nakalimutan ko nang maglaan ng oras para sa inyo. Hindi ko man lang kayo magawang kamustahin. Mahal na mahal po kita,” handa siyang gawin lahat, maging okay lang ang mama niya. Paulit-ulit siyang nagmamakaawa sa Diyos.
“Jaime, anak?” Mahinang sambit ng isang napakahinhing tinig. Ang mama niya.
Pinunasan niya ang kanyang mga luha at niyakap ito.
“Mama, patawad po. Patawarin niyo po ako.”
“Patawarin mo din ako anak, kung hindi ko sinabi sayo. Ayaw ko lamang mag-alala ka pa sa’kin,” sunod-sunod ding pumatak ang mga luha nito na lalong nakapagpadurog sa puso niya.
“Babawi po ako ma. Pangako po yan. Mahal na mahal po kita.”
“Aasahan ko yan anak. Mahal na mahal din kita, anak.”
Ilang araw lang ay nakalabas na ng hospital ang ina ni Jaime. Sumailalim ito sa isang maselang operasyon at sa awa ng Diyos ay naging matagumpay ito.
Tinupad naman ni Jaime ang pangako dito. Araw-araw niya itong tinatawagan para kamustahin at paminsan-minsan ay lumalabas din sila kasama ang kanyang kapatid para makapag-bonding.
Sinigurado ni Jaime na sa pagkakataong ito ay hindi niya na magkakaligtaan kung ano talaga ang mahalaga. Syempre, importante ang trabaho niya ngunit mas importante ang rason kung bakit siya nagtratrabaho at kung para kanino ang mga sakripisyong ito, sa pamilya niya.
Kung minsan ay nagiging abala tayo masyado sa mga bagay-bagay, kaya’t nakakalimutan din natin na mayroong mga mas importanteng tao na nangangailangan ng ating atensyon at kalinga.
Nawa’y kahit gaano pa tayo kaabala sa trabaho, pag-aaral o ibang bagay man ay ating ugaliin na kamustahin ang mga mahal natin sa buhay, dahil hindi natin alam kung hanggang kailan na lamang natin sila makikita at makakasama.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!