Ang Mamanahing Negosyo ni Lala
Nag-iisang anak lamang si Lala kaya naman lumaki siyang sunod ang lahat ng lubo niya. Bata pa lang ay sa pribadong paaralan na ito nag-aral kaya kahit halos makalbo na ang kaniyang mga magulang ay hindi pa rin pinapatigil si Lala at tinuloy-tuloy pa nga ito hanggang ngayong siya’y magkolehiyo.
“Dad, diyan na lang po kaya ako sa Manila mag-aral? Balita ko kasi maganda ang mga school diyan, kaysa naman dito sa province. Baka ang kahinatnan ko’y dito na lang rin ako magtrabaho,” wika ng dalaga sa telepono.
“Naku anak, kapag dito ka kasi nag-aral ay walang kasama si lola mo. Saka kaunting tiis na lang ay uuwi na kami diyan kapag nakapagtapos ka na,” saad naman ni Aling Pilar, ang nanay ng dalaga.
“Ha? Uuwi? Bakit kayo uuwi, isasarado niyo na ba iyang restawran natin diyan? Akala ko pa naman ay ipapamana niyo sa akin iyan,” wika ni Lala.
“Mahina na kasi anak, pinipilit lang talaga namin maigapang ito hanggang sa pagtatapos mo,” sagot naman ni Mang Simon, ang tatay ng dalaga.
“Ano ba ‘yan, pinagmamalaki ko pa naman sa mga friends ko na may malaki at sikat na restaurant tayo sa Manila tapos mawawala na pala. Nalulungkot ako, hindi man lang ako nakapunta diyan,” sabi ni Lala at sinasabayan pa niya ito ng pagpadyak ng paa saka natapos ang kanilang usapan.
“Simon, sa tingin mo ba ay hindi malalaman ng anak natin ang totoo?” tanong ni Pilar sa mister.
“Kung makaka-ipon tayo ng para sa pagkokolehiyo niya’y wala tayong magiging problema. Maitatago natin ang lahat ng ito, Pilar,” sagot ng lalaki sa kaniyang asawa.
“Sana nakinig na ako sayo dati, sana hindi natin ganitong pinalaki si Lala. Baka sakaling mas nakakaluwag tayo ngayon sa buhay,” saad naman ni Pilar at napaluha ito.
“Nag-iisang anak natin si Lala kaya naiintindihan kong gusto mo lang rin ibigay ang lahat sa kaniya. Dapat nga ako ang humihingi ng tawad dahil ako ang padre de pamilya pero hindi ko kaya mabigyan ng masaganang buhay,” sagot naman ni Simon at niyakap niya ang asawa.
“Siya, tayo na’t magluto. Baka mapunta pa sa lugaw itong mga luha natin,” pahayag naman ni Pilar at sabay silang nagtawanan.
Sa kabilang banda naman ay nag-iisip si Lala kung paano makakapunta ng Maynila. Lagi kasi siyang pinipigilan na magpunta doon, marumi daw at maraming tao pero para sa kaniya ay kailangan niyang makuhanan ng litrato ang kanilang negosyo nang hindi naman siya nasasabihan na imbentor lang ng mga kaklase.
“Lola, may camp po kami sa school. Doon matutulog, bale parang ito na po ang pinaka-activity namin kasi malapit na kami magtapos,” paalam ng dalaga sa kaniyang lola.
“Basta magpaalam ka muna sa mama at papa mo ha, saka huwag kang gagawa ng ikakasira ng kinabukasan mo. Tandaan mo, dugo’t pawis ang inaalay ng mga magulang mo makapag-aral ka lang,” sagot ng kaniyang lola.
“Ito naman si lola, makadugo’t pawis, nagluluto lang naman sila doon. Baka nga nagbibilang lang sila ng pera o ‘di kaya nagmamando ng tao,” isip-isip ng dalaga habang iniikot ang kaniyang mata sa matanda. Mahal naman niya ang kaniyang lola kaya nga lang sobrang higpit nito.
Nagtagumpay naman siya sa pagsisinungaling at kaagad na nakapuslit papuntang Maynila. Tatlong araw ang kailangan para makapunta at makabalik sya ng hindi nalalaman ng kahit na sino. Kailangan pa kasi niyang sumakay ng barko bago makarating sa Maynila kaya naman matagal-tagal na byahe ang kanyang haharapin. Nahalukay naman niya ang address ng kanilang restaurant kaya naman alam niya kung saan pupunta, malakas ang loob ng dalaga dahil sa kagustuhang may maipakita sa mga kaklase.
Makalipas ang halos dose oras na byahe ay agad siyang nakarating sa address na nakuha. Naghanap siya ng malaking restawran sa paligid ngunit wala siyang makita. Simbahan, maingay na sasakyan at maraming tao ang kaniyang nakakasalamuha. Magulo at tila nahihilo siya sa bilis ng kilos ng mga tao, masakit ang kaniyang mata sa ilaw at naiingayan siya sa busina, kantahan at iba’t-ibang tunog na naririnig sa paligid.
Hanggang sa makita niya ang isang kainan, may nakalagay na karatulang “Unli lugaw” doon. “Wow, ganito ba talaga sa Maynila? Pati lugaw ay unlimited na,” isip-isip ni Lala. Naintriga ang dalaga kaya lumapit ito, hindi kasi siya makapaniwala pati ang lugaw na lagi nyang tinatangihan na luto ng kaniyang lola ay patok pala sa panglasa ng iba.
“O, suki kain na kayo! Malamig ang panahon, masarap ang maglugaw ngayon,” wika ng babaeng nakatalikod na nagtatawag ng customer.
Halos nalaglag ang panga ng dalaga nang makita kung sino ang babae, “Mama?” mahinang pahayag nito.
Hindi na siya nakagalaw pa at tuluyan na nga siyang nakita ng kaniyang mga magulang.
“Lala, anak, ikaw ba iyan? Paano ka nakarating dito, sino ang kasama mo?” maligayang tanong ni Pilar sa kaniyang anak.
“Unli lugaw? Ito lang ba ang negosyo natin? Akala ko ba may malaki tayong restawran at marami tayong pera pero sa nakikita ko ay kasing lansa lang rin kayo ng mga tindera sa palengke,” wika ng dalaga.
“Nakakahiya, nakakainis! Kung alam ko lang na lugawan lang pala ang meron tayo ay di sana hindi na ako tumakas para lang magpunta dito dahil wala naman pala tayong magandang negosyo,” dagdag pa nito.
Mabilis na nakalabas si Mang Simon at aaktong sasampalin niya ang anak ngunit mas mabilis ang kamay ni Aling Pilar, nasampal niya si Lala sa unang pagkakataon.
“Aray!” sigaw pa ng dalaga.
“Kulang pa ba? Ito pa!” baling muli ni Pilar at saka sinampal ang anak sa kabilang pisngi.
“Wala kang karapatan na laitin ang lugawan na ito dahil lahat ng meron ka ngayon ay katas ng lugawan na ito! Matagal nang nagsara ang restawran at hindi na namin pinaalam pa iyon sayo dahil ayaw namin na isipin mo ang pera. Iginapang namin na makapagtayo ng maliit na negosyo at itong lugaw ang siyang sumalba sa amin, sayo at sa atin,” pahayag ni Aling Pilar.
“Ni hindi ko maipagamot ang sakit sa puso ng tatay mo dahil bawat kusing na kita ng lugaw na ito ay napupunta sa mahal namin anak. Napupunta lahat ng iyon sayo Lala!” baling pang muli ng ale.
“Tama na iyan Pilar, hayaan mo na ang anak mo. Nagulat lang iyan,” mahinahong saad ni Mang Simon.
Hindi makapaniwala si Lala sa kaniyang nalaman, ngayon naiintindihan na niya kung bakit palaging sinasabi ng kaniyang lola na dugo’t pawis ang inaalay ng kaniyang mga magulang makapag-aral lamang siya. Dahil sa kanyang natuklasan ay hindi pala biro ang buhay ng mga ito sa Maynila, sa tindahan lang rin sila natutulog, walang maayos na damit at kumakayod ng maiigi may maipadala lamang sa kaniya na buhay prinsesa.
Bumalik siya sa kanilang probinsya at umiyak sa kaniyang lola.
“Bakit hindi niyo po sinasabi sa akin na mahirap lang pala talaga tayo?” tanong ni Lala.
“Kasi apo ayaw nilang isipin mo iyon, ang gusto lang nila ay mag-aral ka. Parehas na walang tinapos ang mga magulang mo kaya naman ginagapang nila ang pag-aaral mo. Sakto nga lang na natapos ang pagpapagawa ng bahay ay saka naman nalugi noon ang restwaran, ngunit hindi tumigil ang mga magulang mo para kumita. Alam nilang kapag dito sila namalagi ay maliit ang kita, kaya tiniis nilang maghirap doo para sayo,” paliwanag ni lola.
Hiyang hiya si Lala sa kaniyang sarili, kaya naman agad siyang humingi ng tawad sa kaniyang mama at papa. Kasabay naman nito ang pagkuha niya ng scholarship para sa kolehiyo.
“Anak, sigurado ka bang dito mo gustong mag-aral? Mahirap ang buhay dito, mas maayos doon sa atin,” tanong ni Mang Simon sa kaniyang anak.
“Ayos na ako dito pa, at least makakasama ko pa po kayo ni mama. Saka tapos na ang mga pagsisinungaling natin sa isa’t-isa kaya naman nandito na rin ako para tulungan po kayo,” sagot naman ni Lala at saka sila nagyakap na tatlo.