Laos na si Lolo
Iritableng iminulat ni Lolo Ben ang kanyang mga mata, nagising siya sa sinag ng araw na tumatama sa kanyang mukha mula sa bintana. Hirap na hirap siyang bumangon at kinapa agad ang baston sa gilid ng kanyang kama.
Sandaling lumambot ang kanyang ekspresyon nang masulyapan ang lumang gitarang maingat na nakasandal sa pader. Alaga niya iyon sa punas kaya mukhang bago pa rin.
Isa siyang dating musikero, nagkaroon siya ng banda noong kabataan niya at siya ang gitarista roon. Kumakanta rin siya ngunit kaunti lang, masasabi ni Lolo Ben na ang panahong iyon ang isa sa pinakamasayang bahagi ng kanyang buhay. Doon niya nakilala si Celia, ang kanyang naging misis.
Nagkaroon sila ni Celia ng isang anak- si Celina. Maagang pumanaw ang kanyang misis dahil sa isang aksidente kaya siya na lamang mag-isa ang nagtaguyod kay Celina. Mahal na mahal niya ang anak, kaya nga napakasama ng loob niya nang mabuntis ito at takbuhan ng isang walang kwentang lalaki.
Ang masakit pa, hindi kinaya ng anak niya ang pagluluwal sa sanggol kaya nasawi ito. Habangbuhay niyang sisisihin ang apo, si Renan, sa pagkawala ng kanyang unica hija.
“Renan!” asik niya nang maalala ang labing dalawang taong gulang na bata.
Nagkukumahog naman itong tumakbo sa kanyang kwarto. Nakakainis man pero hawig niya ito noong kabataan niya.
“L-Lo?”
“Ano’ng Lo-lo ka dyan! Kay aga aga ay dapat ka pang tawagin, nakahanda na ba ang almusal?” nakaangil na wika niya.
“Opo Lolo, iinit ko na lang po ulit ang kape.” sabi ng bata at akmang aakayin siya.
“Hep! Doon ka, wag mo akong hawakan at masisira ang araw ko! Sumige kana sa kusina, susunod ako,”
Magalang na tumango naman ang bata at mabilis na bumalik sa kusina.
“L-Lo, oo nga po pala. May mga sulat po kayong dumating. Galing po ulit sa mga fans ninyo noon,” sabi ni Renan habang kumakain sila ng almusal.
Nagliwanag ang mukha ni Lolo Ben, “Ano pa ang itinutunganga mo? Lumarga ka na, kunin mo at nang mabasa ko,”
Sandaling umalis ang bata at kinuha ang tatlong sobre. Nasabik naman ang matanda, nakakatuwa lamang na sa edad niyang ito ay may nakakaalala pa sa kanyang musika noon. Para ba siyang nagbalik sa pagkabata, gumaganda ang araw niya kapag ganito ang bumubungad.
Nakangiti niyang binuksan ang unang sulat.
Sir Ben,
Isa po ako sa inyong taga-hanga noong tumutugtog pa kayo sa Gumamela Bar, talagang napakagaling ninyong humawak ng gitara at damang dama naming mga tagapakinig ang kanta. Sana po ay makita namin kayong tumugtog ulit, tiyak namin na kahit lumipas na ang panahon ay hindi naman natabunan noon ang inyong kakisigan.
Humahanga, Anita De Castro
Nakangiting itinupi ng matanda ang papel at binasa ang dalawa pa. Nakatitig lang naman si Renan sa kanya, nangingiti rin.
“Ano raw po ang sabi Lo? Mukha pong napasaya kayo ng mga fans ninyo, nakakatuwa naman po. Siguro ang galing galing ninyong tumugtog noon ano?” usisa niya.
Nakaismid namang tumingin sa kanya ang matanda, nawala ang ngiti sa mukha.
“Aba oo, sila na nga lang ang nagpapasaya sa akin eh. Daig kapa, kapag kasi nakikita kita naaalala ko ang nanay mo na nawala sa mundo dahil sa iyo! At oo, magaling akong tumugtog noon, bagay na hindi mo nakuha dahil tiyak kong doon ka sa ama mong walang kwenta nagmana,” matalas na wika nito.
Tumungo naman si Renan, nasaktan. Nais niya lang namang makipagkwentuhan.
Ganoon lang ang buhay nilang mag-lolo araw-araw. Palagi niyang sinusungitan ang bata, samantalang tahimik lang naman si Renan at hindi sumasagot.
Isang hapon, umalis sandali ang matanda at nakipagkwentuhan sa tapat ng kanilang bahay. Naglilinis naman ng kwarto ng lolo niya ang bata nang masulyapan ang magandang gitarang nakasandal sa dingding.
Para siyang namahika at napatitig sa ganda noon. Luma na, pero halatang mamahalin at iniingatan. Kinalabit niya ang isang string at solid! Ang ganda ng tunog!
Lumingon muna siya sa kaliwa at kanan, bago masayang dinampot ang gitara. Ginaya niya ang tugtog na napapanood lang sa TV, kakapa-kapa siya at medyo masakit sa kamay pero nakakawili naman. Nakatayo pa siya at sinasabayan ng paghimig ang pagtugtog.
“Sutil ka talaga! Bakit mo pinakikialaman iyan!” dumagundong ang boses ni Lolo Ben sa kwarto, sa sobrang pagkasindak ay nabitiwan ni Renan ang gitara.
“L-Lo!”
Lalong nataranta ang matanda at dinampot ang instrumentong bumagsak sa sahig, hindi iyon nasira ngunit may gasgas na ang ilalim.
“Ay tarantado ka talaga!” nanggagalaiting sabi ng matanda. Hirap na hirap itong tumayo at sa kauna-unahang pagkakataon ay nahampas ng baston ang apo.
Umiiyak si Renan.
“Yan! Yan umiyak ka dahil diyan ka naman magaling! Ito na nga lang ang kayamanan ko ay sisirain mo pa! Wala ka nang ibang ginawa kundi manira, sinira mo ang buhay ng nanay mo, sinira mo ang buhay ko! Wala kang kwentang bata! Letse ka!” humihingal pang sabi ni Lolo Ben.
Sa sobrang sakit naman ng mga salita ay napatakbo na lamang sa kanyang kwarto si Renan at doon nag-iiyak.
Lumipas ang ilang oras, nahimasmasan nang kaunti ang matanda. Hindi niya rin maintindihan kung bakit tila may kumukurot sa puso niya. Hindi ba at iyon naman ang gusto niya? Ang saktan ang damdamin ng apo? Bakit pati siya ay nasasaktan ngayon?
Hindi niya na napigilan ang sarili, sumobra yata siya ngayon. Dahan-dahang naglakad ang matanda palapit sa kwarto ni Renan at kakatok palang siya nang mapansing bukas naman pala ang pinto.
Nakatalikod ang bata at abalang nagsusulat.
Sa sobrang tutok nito sa pagsusulat ay hindi na nito napansin na nakalapit na pala ang lolo sa kanyang likuran. Nagulat si Lolo Ben sa kanyang natuklasan.
“I-Ikaw?” sabi ng matanda.
Napapitlag naman si Renan, nanlaki ang mugtong mga mata at agad na tinakpan ang mga ginagawang sulat.
“Lolo..” mahinang sabi niya, malilintikan nanaman yata siya.
Mabilis na hinablot ni Lolo Ben ang ginagawang sulat ng apo at nakumpirma niya nga. Si Renan lang ang nagpapadala sa kanya ng mga liham, iniiba iba lang ng bata ang sulat upang hindi halata.
“B-Bakit mo ito ginagawa?” nangangatog na tanong niya.
Napahagulgol na sa takot si Renan,”Sorry po Lolo! Kasi po, kapag nakakabasa kayo ng ganyan ay doon ko lang po kayo nakikitang ngumiti. Gustong-gusto ko pong mapasaya kayo sa sarili kong paraan pero hindi ko po kasi alam kung paano.
T-Totoo naman po ang mga sinasabi ko dyan, gusto ko talaga kayong marinig na tumugtog. Kasi idol ko po kayo Lolo eh, pinagmamalaki ko po kayo. Kahit na sabi nyo po ay nasira ko ang buhay nyo. Sorry po-”
Hindi na natapos pa ng bata ang sasabihin dahil bigla na lamang siyang hinapit ng yakap ni Lolo Ben.
Tuloy-tuloy ang agos ng luha ng matanda, hindi niya akalain na sa kabila ng kalupitan niya kay Renan ay ganito pa rin siya kamahal ng apo.
“Patawarin mo ang lolo apo, Diyos ko po. Apo ko..” paulit-ulit na wika niya.
Ilang sandali pa silang nagyakap bago pinunasan ni Lolo Ben ang luha ng bata. Mula noon ay naging malapit na sila sa isa’t isa.
Tuwang-tuwa pa nga ang bata nang turuan siya ng lolo kung paano tumugtog ng gitara. Giliw na giliw rin si Lolo Ben, dahil sa kanya nagmana ang apo!
Hindi na nakakatanggap ng liham araw-araw ang matanda, pero mas masaya siya ngayon dahil hindi man siya maalala ng kanyang mga fans dati, narito naman ang pinaka-importanteng tagahanga sa kanyang buhay.
Ang batang mas mahalaga pa sa gitara, mas mahalaga pa sa lahat. Ang kanyang kayamanan- si Renan.