Inday TrendingInday Trending
Mommy, Daddy, May Time Po Ba Kayo?

Mommy, Daddy, May Time Po Ba Kayo?

Pitong taon nang nagsasama ang mag-asawang Mike at Sherra. Mayroon silang isang anak, si Jigs na anim na taong gulang. Sa paningin ng ibang tao ay perpekto na ang kanilang pamilya, parehong may magandang trabaho ang dalawa. Mayroon silang sariling bahay na talaga namang malaki, at dalawang kotse.

Ang hindi alam ng lahat ay may problema rin sila, palaging nag-aaway ang mag asawa kung sino ang maggi-give up ng career upang tutukan ang kanilang anak.

“Ikaw na kasi, hindi ba trabaho naman ng babae na bantayan ang bata? Mister ang maghahanapbuhay,” sabi ni Mike isang gabi.

“Wait lang, I just think that’s unfair! Hindi na lumang panahon ngayon Mike, kailangan pantay na ang pagtingin mo sa katayuan ng babae at lalaki. You are asking me to quit on my career para mag alaga ng bata?!

Bakit hindi ikaw ang gumawa? Kung tutuusin, mas malaki ang sweldo ko sayo.” taas ang kilay na sagot ni Sherra.

Masama ang loob na sumulyap ang mister sa asawa, tapos ay nagpalitan na sila ng mas masasakit pang mga salita. Lingid sa kanilang kaalaman ay naririnig sila ni Jigs, at kahit mura pa ang isip ng bata ay naiintindihan na nitong nag aaway ang mga magulang dahil parehong ayaw na alagaan siya.

Napagkasunduan ng dalawa na wala nalang magre-resign, tutal ay malaki ang perang pumapasok sa pamilya nila kapag dalawa silang kumakayod. Kukuha nalang sila ng yaya para magbantay sa anak.

Agad silang lumapit sa isang agency at nagpadala naman ang mga ito ng yaya. Si Rosana, hindi na nila ininterview pa ang babae at pinag-start na nila agad kinabukasan. Ayaw na kasi nilang umabsent nang salitan para may kasama si Jigs sa bahay.

“Mommy tingnan mo po, happy family! Si Daddy, ako, at you po!” masayang wika ni Jigs isang gabi. Paulit-ulit na kinakalabit nito ang ina na abala sa laptop.

Ipinapakita ang iginuhit niyang larawan ng kanilang pamilya, magkakahawak kamay pa silang tatlo.

“Jigs, later okay? Mommy is busy. Maglaro na kayo ni Yaya mo,” taboy ni Sherra sa bata.

“Mommy sandali lang po, sandali lang tingnan mo lang po please-“

“Come on! Sinabi nang may ginagawa ako eh! Rosana, ialis mo nga itong bata sa harapan ko! Wilihin mo nalang sa kwarto!” iritableng asik niya.

Nasaktan naman ang bata at nakatungong sumama sa yaya. Ganoon rin naman si Mike sa anak tuwing yayayain siya nitong makipaglaro. Nilamon na ng pera ang mag asawa.

Isang gabi ay napakunot ang noo nila pareho nang mapansing maraming tao sa harap ng kanilang gate, may mga pulis pa nga.

“Ano ang nangyayari? Bakit nandyan kayo sa bahay namin?” sabi ni Mike sa isa sa mga pulis na naroon.

“Sir, kanina po kasi ay rumoronda ang mga guard rito sa subdivision nang mapansin nilang may mga lalaking nagbubuhat ng mga gamit ninyo. Mabilis na sumakay sa van ang mga lalaki at nakipagpalitan pa ng putok ng baril.”

“Oh my God! Si Jigs!” sabi ni Sherra, natakpan ang bibig.

Nang tingnan nila ang CCTV ay natuklasan nilang kasabwat pala ng nakuha nilang yaya ang mga magnanakaw, wala na rin si Rosana sa bahay. Ayon sa agency ay peke pala ang mga dokumentong ipinasa ng babae.

Halos mabaliw ang mag-asawa dahil pagpasok nila sa loob ng bahay ay wala si Jigs.

“Mike, ikamamatay ko pag nawala ang anak natin.Aanhin natin lahat ito?” lumuluhang tanong ni Sherra sa asawa. Tama, nawalan ng kwenta lahat ng kayamanan nila.

Hindi naman makapagsalita ang lalaki, kapwa pa sila napasulyap sa drawing ni Jigs na nakapatong sa ibabaw ng mesa.

Daddy Mommy I love you

Nadampot iyon ni Mike at nailagay sa kanyang dibdib, kung maibabalik lang sana nila lahat.

Nag-iiyakan silang dalawa sa salas nang may biglang magsalita.

“Mommy? Daddy?”

Akala nila ay namamalikmata lang sila pero hindi talaga, si Jigs ang kanilang nasa harapan!

“Anak?”

“Naglalaro po kami ni Yaya Rosana nang pumasok dito sa bahay ang mga bad guys po. Kinuha nila ang gamit natin, sinampal rin po ako ni Yaya Rosana kasi dadamputin ko dapat ang phone po at tatawagan kayo.

Tumulong na si Yaya sa pagbubuhat ng gamit at sabi humanda raw ako dahil babalikan niya ako. Paglabas naman nila nakarinig po ako ng ilang putok ng gun po yata, nagtago ako sa study room ni Daddy.”

Mahigpit nilang niyakap ang bata.

“Good job anak! Diyos ko po, patawarin mo kami,” paulit ulit na sabi ni Sherra.

Mula noon ay hindi na sila nawalan ng time sa bata, hindi nag-resign sa trabaho ang babae pero nagawan niya ng paraan na homebased na lamang siya. Si Mike naman ay kumakayod pa rin pero hindi siya pumapalyang makipaglaro kay Jigs.

Isa itong aral sa mag-asawa, binatukan sila ng Diyos na di na nila kailangang kumayod para yumaman dahil nasa kanila na ang pinakamagandang kayamanang ipinagkaloob Niya- ang kanilang anak.

Advertisement