Inday TrendingInday Trending
Pag-Ibig sa Tamang Panahon

Pag-Ibig sa Tamang Panahon

Napakapihikan ni Elaine pagdating sa kanyang mga manliligaw. Dalawampu’t limang taong gulang na siya ngunit kailanman ay hindi pa siya nagkakaroon ng nobyo.

“Hoy babae! Balita ko pinatigil mo na daw si Alex sa pangliligaw sayo. Bakit na naman? Ano na naman yung problema sa tao this time ha? Gwapo, matalino at sobrang bait nung tao. Sumagot ka at sumasakit na naman yung ulo ko sayo ha!” bungad ng best friend niyang si Cara pagkapasok na pagkapasok nito sa kwarto niya.

“Nakakainis eh. Napakaseloso kasi. Lahat nalang ng kaibigan kong lalaki pinagseselosan,” medyo naiirita niyang sagot.

Lumapit naman sa kanya ang kaibigan at sinabunutan siya ng mahina. “G*ga ka ba? Malamang magseselos yun kasi nga may gusto siya sayo. Nanliligaw nga diba? Malamang, normal lang na magseselos yun!”

“Pero wala naman kasing dapat pagselosan, kaibigan ko lang naman sila. Hindi naman ako malanding babae. Mukha ba akong ganun ha? Wala ba siyang tiwala sakin? Wala naman akong ginagawang masama at wala naman talaga akong gagawing masama kasi hindi ako ganun. nakakainis!” pabulyaw na sagot ng dalaga.

Pault-ulit lang talaga ang ganitong usapan nila. Ito talaga ang pinaka ayaw na paksa ni Elaine sa usapan, ang lovelife niya. Paano, hindi siya maintindihan ng mga tao sa paligid niya.

Sobrang istrikto kasi niya pagdating sa pag-ibig. Naniniwala kasi siyang napakasagrado ng pag-ibig. Sa katunayan, 1 Corinthian 13:4-8 (NIV) ang pinakapaborito niyang taludtog sa Bibliya simula pagkabata.

Alam niya naman na pag-ibig na walang hinihinging kapalit ang tinutukoy sa taludtod na iyon, na hindi matatagpuan sa mga tao lamang dahil wala sa atin ang perpekto. Ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng ganoong klase ng pagmamahal, at alam iyon ni Elaine.

Kahit anong sabihin sa kanya ng mga kaibigan niya o ng pamilya niya, hindi niya mapigilang umasa at maniwala. Kasi naniniwala siyang, ang taong inilaan sa kanya ay nandiyan lamang. Kailangan niya lamang magtiwala at maghintay. Magtatagpo din ang landas nila.

“Alam mo, ikaw, tatanda ka talagang dalaga dahil diyan sa mga pinaggagagawa mo. Walang perpekto sa mundo. Sa sobrang taas ng standards mo, nahiya ang Mt. Everest besh! Nakakaloka!” sermon na naman ni Cara kay Elaine dahil hindi niya maintindihan kung ano na naman ang tumatakbo sa isip ng kaibigan.

Maganda naman si Elaine, matalino at mabait pa. Masunuring anak siya at napakasipag. Kaya naman madami talaga ang nagkakagusto sa kanya. Kaso napakapihikan lamang talaga niya. Kaya naman hindi maiwasang mag-alala ni Cara na baka nga tumandang dalaga ito.

“Eh ‘di tatandang dalaga na, kung tatandang dalaga. Pakialam ko naman. Kaya kong mabuhay mag-isa no!” tugon ni Elaine nang bigla na lamang siyang batukan ng kaibigan.

“Alam mo ikaw, balang araw kakainin mo din iyang mga pinagsasasabi mo. Hindi na talaga ako makapaghintay pa sa araw na yun,” pang-aasar pa ng kanyang best friend.

Lumipas ang araw at nangungulit pa rin si Alex sa kanya, pero kalaunan ay sumuko din ito. Labis na gumaan ang kanyang loob ng kusa itong tumigil sa pangungulit. Hindi naman sa ayaw niya sa binata, mabait at matalino naman ito. Bonus na din na may itsura pa. Pero anong magagawa niya, kung wala siyang maramdaman para dito?

Hindi naman perpekto ang hinahanap niya. Sa katunayan, kahit hindi gwapo, matalino o sobrang bait ay okay lang sa kanya. Basta naniniwala siyang malalaman niya pag nakilala niya na ang nakatakda sa kanya, at kahit maging sino o ano pa man siya, tatanggapin at gagawin niya ang lahat para dito. Dahil buong buhay niyang inintay ito.

Naniniwala siyang hindi napipilit ang puso. Kusa nalang itong titibok kapag nahanap na nito ang kanyang kabiyak. Sa pinaka-natural na paraan. Naniniwala din siya na sa buhay natin, isang beses lang talaga tayo iibig ng lubos at totoo. Sa isang tao lamang. At sa oras na makilala natin ang taong ito, malalaman natin ito agad. Mararamdaman natin iyon.

“Hello, Cara? Nandito na ako. Nasaan kana ba?” naiinip na tanong ni Elaine habang nasa isang restawran sa Makati. May importanteng sasabihin daw kasi ang kaibigan sa kanya.

Makalipas ang halos dalawampung minuto, dumating din si Cara. Pero sa pagkakataong ito ay may kasama siyang lalaki. Kung hindi siya nagkakamali, ang lalaking ito yung tinutukoy ng best friend niya na pinsan nito mula sa ibang bansa.

“Elaine! Pasensya na kung medyo natagalan kami ha? Traffic kasi,” ngumiti ang kaibigan at saka nagbigay ng nakakalokong tingin.

“No, it’s fine,” ginantihan niya nalang din ito ng ngiti pati ang kasama nito. Nangangati siyang tadyakan ang kaibigan niya. Alam niya na ang plano nito. Na-set up siya sa isang blind date.

“Elaine, si Rafael pala, pinsan ko. Kakauwi niya lang galing Canada,” pagpapakilala ng babae sa kanyang pinsan.

Ngumiti lamang ang dalaga. Hindi niya maipaliwanag ang kung anong nararamdaman niya. Maliban sa gusto niyang kurutin at sabunutan ang kaibigan ay tila ba may kung anung koneksyon sila ng binatang nasa kanyang harapan.

“Raf, si Elaine pala. Bestfriend ko,” pagpapatuloy ni Cara.

“Nice to meet you, Elaine,” pagbati ng gwapong lalaki sa dalaga.

“N-nice to meet you, too,” nauutal na sagot naman ng dalaga.

Nagpaalam muna saglit si Cara para gumamit muna daw ng CR, subalit lumipas na ang labing limang minuto pero hindi pa rin ito bumabalik. Malamang, umalis na ito at hinayaan na silang mag date ng pinsan nito.

“So, Elaine Mycel right? Siguro napaka-close niyo ni Cara no? Ang dami niyang kwento tungkol sayo. Pakiramdam ko kilalang kilala na kita,” pambasag ng lalaki sa katahimikan.

“Ah oo. Simula high school palang, mag bestfriends na talaga kami,” maikli niyang sagot.

Bigla na lamang tumunog ang cellphone ni Elaine, nagpadala pala ng mesahe si Cara.

“Girl, may emergency lang ako na pupuntahan sa office ha? Ikaw na muna bahala kay Rafael. Ipasyal mo na muna. Thanks, girl!” saad ni Cara sa text message.

Natawa ng bahagya na lamang ang dalaga. Alam na alam na talaga niya ang mga ganitong plano ng matalik na kaibigan. Wala naman na din siyang magagawa kundi ang pagbigyan ang kahilingan nito.

Buong araw na magkasama sina Elaine at Rafael.

Hindi alam ng dalaga kung bakit, pero tila ba nahihiwagaan siya sa kanyang nararamdaman.

Pakiramdam niya ay matagal niya na itong kilala.

Magaan ang loob niya sa binata at may nararamdaman siyang di maipaliwanag na koneksyon sa kanilang dalawa. Pinaghalong pagkamangha at takot ang nararamdaman niya sa tuwing naiisip niya ito.

Pagkamangha, dahil sa ikli ng panahon na magkasama sila ay pakiramdam niya ay kilalang-kilala na nila ang buong pagkatao ng isa’t isa. Takot, dahil alam niyang pag-ipagpatuloy niya pa ito ay di niya na kakayaning mawala pa ito sa buhay niya. Sa tuwing magtatama ang kanilang mga mata ay bigla na lamang kakabog ng malakas ang dibdib ng dalaga.

“Elaine, birthday ng mommy ko sa isang araw, sana ay makarating ka. I will ask Cara to be with you, kung wala kang gagawin, maaari ba?” nakangiting tanong ng binata.

“W-wala naman akong gagawin. Sige, pupunta ako,” nauutal-utal na tugon naman ng dalaga.

Dumating kaarawan ng ina ni Rafael. Nagtungo doon si Elaine kasama ng matalik na kaibigan niya. Halos lahat ng mga kamag-anak ni Rafael ay nandoon. Hindi naman nahiyang ipinakilala ng binata ang magandang dalaga na kanyang inimbita.

Habang masayang nagkukwentuhan ay napabaling ang tingin ni Elaine sa isang lumang litrato na naka-display malapit sa pintuan. Napansin naman ng ina ni Rafael ito, kaya’t kinuha niya ito at saka umupo sa tabi ng dalaga.

“Si Rafael ‘yan noong bata pa siya. Bago kami umalis ng Pilipinas ay may nakilala siyang bata. Kapitbahay namin iyon sa dating subdivision namin.

Siya ang unang kaibigan ni Rafael, siya din ang first love ng unico hijo ko. Alam mo ba na iyak ng iyak ang dalawang iyan noong papaalis na kami?

Tuwang-tuwa pa nga ako nang nangako sila sa isa’t isa na muli silang magtatagpo. Nangako si Rafael na babalikan niya ang babaeng nasa larawan at papakasalan, kaso wala na kaming naging balita sa kanya simula nung umalis kami.

Halos dalawampung taon na din kasi ang nakalipas. Kaya tadhana na lang siguro ang maaaring maging daan upang magkita sila. Kung nasaan man siya, sana ay masaya siya at ang kanyang pamilya,” kwento ng ina ni Rafael habang nakatingin sa litratong hawak.

“Mommy, Elaine, nandyan lang pala kayo. Kanina ko pa kayo hinahanap eh,” masayang tugon ni Rafael.

Pagkarinig na pagkarinig ni Elaine sa boses ng binata ay agad siyang tumakbo patungo dito, sabay yakap ng mahigpit. Yakap na punong-puno ng pananabik, na ikinagulat naman din ng ginang.

“Ikaw. Ikaw lang pala,” iyak ng iyak si Elaine habang mahigpit na nakayakap pa rin sa binata.

“Ako yung alin?” Naguguluhang tanong ng binata.

“Ikaw. Ikaw yung matagal ko ng hinahanap. Ikaw yung matagal ko ng hinihintay. Ikaw lang pala yun,” mas humigpit pa ang yakap ni Elaine kay Rafael, “welcome back Raf-Raf. Ang tagal kitang hinintay. Maraming salamat at bumalik ka.”

Nanlaki naman ang mata ni Rafael kasunod ng pagbagsak ng mga luha galing sa mata nito, “Ley? Ikaw si Ley?” hindi siya maaaring magkamali, Raf-Raf at Ley ang kanilang tawagan noong mga bata pa lang sila.

Kumalas si Elaine sa pagkakayakap sa binata at kinuha ang kanyang pitaka, kinuha niya mula rito ang isang litrato kung saan magkahawak kamay ang dalawang bata.

Napaluha naman din ang ina ni Rafael sa natuklasan. Hindi siya makapaniwalang matapos ang ilang taon ay muling nagtagpo ang dalawang magkababata.

“Alam mo bang hindi nagka-girlfriend ‘yang si Rafael dahil iniintay niya ang oras na ito, oras na muli kayong magtagpo,” masayang lumuluhang sabi ng ginang.

“Mama naman,” nahihiyang tugon naman ng binata.

“Hindi ako makapaniwalang muli tayong magkikita, Raf-Raf. Kaya pala ganoon na lamang ang gaan ng pakiramdam ko sa’yo. Salamat sa Diyos at nagkita tayo,” nakangiting saad ng dalaga habang may mga luha sa mata.

“At ngayong nagkita na tayong muli, hindi na ako papayag na magkalayo pa tayo. Kaytagal kitang inintay, Ley,” sagot naman ng gwapong binata habang lumalapit ito malapit sa mukha ng dalaga para bigyan ng isang matamis na halik sa noo.

Isang taon mula nang pagtatagpong iyon ay nagpakasal sina Raf at Elaine. Ngayon ay naninirahan sila sa Canada kasama ang kambal nilang anak.

Minsan talaga, kahit anong gawin ng pagkakataon na paglayuin ang dalawang puso, gagawa at gagawa pa rin ang tadhana ng paraan upang muli itong paglapitin. Kaya’t sa mga taong nag-iintay pa rin ng kanilang ‘forever’, kaunting pasensya lamang at darating din ito sa sa tamang panahon.

Advertisement