Nakatira si Alex sa isang maliit na bayan sa probinsiya ng Rizal. Doon niya nakilala ang isang mabait at magandang dalaga na nagngangalang Amie. Sinubukan niya itong suyuin at paibigin dahil ang dalaga lamang ang bukod tanging babae na humuli ng kanyang nagwawalang puso.
Di naman naglaon ay pinakasalan rin niya si Amie. Noong umpisa ay naging maayos ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa, subalit nagbago ang lahat nang malulong sa bisyo si Alex. Halos araw-araw ay umuuwi itong lasing at madalas na sinasaktan ang kanyang asawa at mga anak.
Isang araw ay naisipan ng lalaki na subukan ang swerte at makipagsapalaran sa lungsod ng Maynila. Sapilitan niyang kinuha ang naipong pera ng kanyang maybahay para magbyahe at magpakalayu-layo.
Sa Maynila, nagtayo siya ng isang maliit na negosyo kasosyo ang ilan niyang mga kaibigan. Nang iwanan ang pamilya, doon lalong nalulong sa alak, pambababae at sugal ang lalaki.
Hindi naglaon ay nalugi ang kanyang negosyo, naubos ang kanyang pera at doon na siya nagsimulang kumapit sa patalim.
Natutunan ni Alex na manloko ng kapwa at mangulimbat ng pera na hindi naman sa kanya. Hanggang isang araw ay may nagsumbong ng kanyang mga ilegal na gawain sa mga otoridad, ikinulong siya at nasintensyahan na makulong ng limang taon.
Habang nasa kulungan ay muling naalala ni Alex ang kanyang asawa at mga anak. Napag isip-isip ang mga kamaliang nagawa. Kaya’t dala ng sobrang kalungkutan ay ginawa siya ng liham para sa kanyang asawa upang humingi ng tawad at ibahagi ang lahat ng nangyari. Ipinadala niya ito isang linggo bago matapos ang limang taong sintensya.
“Mahal kong Amie,
Sana ay mapatawad mo pa ako. Hindi ako naging isang mabuting asawa sa’yo at ama sa ating mga anak. Ilan taon akong nawala at hindi nagpakita sa inyo. Gusto kong malaman ninyo na miss na miss ko na kayo. Gustong-gusto ko na kayo muling masilayan.
Alam kong marami akong naging pagkakamali, pero sana ay paniwalaan mo na mahal na mahal pa rin kita. Handa akong magbago para sa iyo at sa mga anak natin. Sa susunod na linggo ay makakalabas na ako sa kulungan. Hindi mo ako kailangan pang intayin, pero kung may natitira ka pang pagmamahal sa akin sa puso mo at iyo pa akong tatanggapin ay may hihilingin sana ako sa’yo.
Di ba mayroon tayong malaking puno sa tapat ng ating bahay? Gusto ko sana na maglagay ka ng laso sa sanga nito tanda ng iyong pagpapatawad sa akin.
Paglabas ko dito ay agad akong bibiyahe patungo sa atin upang tignan ang puno. Kapag may nakita akong laso sa sanga nito, ibig sabihin ay pinapatawad mo na ako. Babalik ako at magsisimula tayong muli ng panibagong buhay.
Kung akin namang madadatnan na walang nakasabit sa mga sanga nito, asahan mong uunawain ko ang desisyon mo. Hindi ko na kayo muling gagambalain pa at tuluyan na akong magpapakalayo.
Nagmamahal,
Alex”
Nang makalaya na mula sa bilangguan ay agad na bumiyahe ang lalaki pauwi sa kanilang lugar. Sa pagsakay pa lamang niya ng bus ay labis na ang kabang kanyang nadarama.
Wala siyang ideya sa mga susunod na mangyayari. Hindi niya alam kung mapapatawad pa siya ng kanyang asawa o tuluyan na siyang kinalimutan nito. Dahil sa labis na kaba ay hindi niya maiwasan na maikwento ito sa katabing pasahero din. Dahil naintriga ang mga tao sa loob ng bus ay kahit pati sila ay nanabik nang malaman ang kasasapitan ng mag-asawa.
“Sir, pagdating natin sa may kanto paglagpas lamang ng gasolinahan, maaari bang dahan-dahanin mo ang pagmamaneho para makita kong maigi ang puno sa harapan ng bahay,” pakisaup ni Alex sa drayber ng bus.
“Wala pong problema sir,” sagot naman ng drayber na may ngiti sa mga labi na tila ba nananabik din na makita ang susunod na mangyayari.
Nagpatuloy ang kanilang byahe papalapit ng papalapit sa kanilang bahay. Pinagpapawisan na ng malamig si Alex at napapahinga na lamang ng malalim sa sobrang kaba.
Matapos ang mahabang oras ng byahe ay sa wakas, narating din nila ang bahay kung saan may nakatayong isang malaking puno. Mula sa bintana ay unti-unting tinignan ng lalaki ang puno.
Nagsimulang tumulo ang kanyang mga luha nang makita niya ang mga sanga nito. Hindi siya nakita ang isang pirasong laso na kanyang hiniling, kundi napakaraming makukulay na laso na nakasabit mula sa sanga. Nagsimulang maghiyawan ang mga pasahero sa loob ng bus sa sobrang galak.
“Good luck sa pagbabagong buhay. Sana ay mahalin mo ng lubos ang iyong asawa at alagaan mo ng mabuti ang inyong mga anak,” nakangiting sabi sa kanya ng pasaherong katabi.
“Maraming salamat sa inyo lahat,” pagpaalam ni Alex sa mga pasaherong kasabay.
Matapos magpasalamat ay bumaba na rin ang lalake mula sa bus para salubungin at yakapin ang kaniyang asawa at mga anak na naghihintay sa kanya.
Magkahalong kaba at saya ang kanyang nadarama habang unti-unting humahakbang papasok sa kanilang bahay. Pagbukas niya ng pinto ay sinalubong naman siya ng mga nakangiting labi ng kanyang asawa at mga anak.
Bumuhos ang kanyang luha habang tumatakbo papalapit sa mga ito. Labis na kasabikan ang kanyang nadama sa halos ilang taon niyang pagkawala.
“Pangako ko sa inyo, bibigyan ko kayo ng buhay na nararapat para sa inyo. Magsisimula tayong lahat ng panibagong buhay. Isang marangal at maginhawang buhay ang ipinapangako ko sa inyo,” lumuluhang saad ni Alex habang nakayakap sa kanyang pamilya.
Ngayon, isang nang mayamang negosyante si Alex at magmamay-ari na ng isang malaking Rice Mill sa Rizal. Tulad ng ipinangako niya, binigay niya ang masaya at maginhawang buhay para sa kanyang pamilya.