Bagong laya ng kulungan si Arnold mula sa napakaraming taong pagkakakulong kaya naman hindi na nito alam ang buhay sa labas ng selda.
“Itay, san po papuntang Cubao?” tanong nito sa isang matandang nakasalubong sa daan.
“D’yan hijo, sa may kanto lang ng Bayan. Mayroon ng jeep o kaya naman FX papuntang Cubao,” nakangiti namang sagot ng matanda. Nginitian ito ni Arnold at dumeretso na sa kanyang paglalakad. Agad itong sumakay ng jeep papuntang Cubao para makauwi sa kanyang pamilya.
“Mama? Papa? Nandito na ako, ang pinaka-gwapo niyong anak!” sigaw nito habang hinahanap ang mga magulang.
“Arnold! Anak ko! Kumusta ka na? Bakit hindi ka naman nagsabi? Sana ay sinundo ka naman ng tatay mo para magkakasama na tayong kumain sa labas,” masayang bati ng ina sa anak habang tinutulungan ba ibaba ang kanilang mga gamit.
Habang nag-uusap ang dalawa ay agad na sumulpot ang ama sa usapan ng mag-ina.
“Gwapo ka nga! Lulong naman sa masamang bisyo!” sabi nito habang naglalakad papunta sa kinatatayuan ng dalawa.
“Alam niyo naman ho na nadamay lang ako sa mga kalokohan ng mga kaibigan ko,” nakayukong sagot ni Arnold.
Pagkatapos ng kanilang salo-salo ay dali dali itong umalis para pumunta sa kanyang kaibigan.
“Antonio! Antonio!” sigaw ng binata habang hinahanap ang matalik na kaibigan sa harapan ng kanilang tahanan.
“Arnold? Ikaw ba ‘yan? Pre! Kamusta ka? Buti at laya ka na!” masayang bati ni Antonio sa kaibigan habang nagmamadaling bumaba ng kanilang bahay.
“Ayos naman, masayang masaya kasi nakalaya na. Oy pre kailangan ko pala ng raket ngayon. Sideline tayo,” pag-aaya ni Arnold sa kaibigan. Nagulat naman ang kaibigan nito dahil parang walang bakas sa mukha ng binata ang takot na makulong muli.
“Seryoso ka pre? Alam mo, kailangan mo nang itigil yan. Ayaw ko nang bumalik ka sa kulungan at sigurado akong ayaw rin yun ng magulang mo,” paalala ni Antonio kay Arnold para itigil na ang pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot.
“Kailan ka tumigil?” nagtatakang tanong ni Arnold.
“Matagal na, simula nung nakulong ka. Nagbago na ako. Natakot ako. Ayaw kong iwan yung pamilya ko na pinoproblema ang pangkain nila araw-araw. Kaya lahat ng nakikita mo ngayon sa loob ng bahay na ito, galing sa tunay na pagsisikap ‘yan. Malinis na yung trabaho ko ngayon, mahirap pero ramdam mo yung sarap na bunga ng purong sipag at tiyaga,” paliwanag ni Antonio.
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay umalis na si Arnold, bumalik ito sa kanilang tahanan kung saan nadatnan niya ang kanyang ina na naglilinis ng bahay. Agad niya itong kinuha sa ina at kinausap tungkol sa pagtatrabaho.
“Ma, ako na d’yan. Ma, may tanong ako. Mahirap ba maghanap ng marangal na trabaho? Mahihirapan po ba ako maghanap ng trabaho?” tanong nito habang nagwawalis ng kusina.
“Sa estado mo ngayon, anak? Sa palagay ko ay hindi. Dahil halos lahat ng trabaho ay kailangan ng NBI clearance at police clearance,” paliwanag ng kanyang ina. Halos mawala na ang pag-asa ni Arnold na magbagong buhay at umasenso. Subalit habang nag-iisip ito ng diskarte ay muling lumapit ang kanyang ina.
“Arnold, bakit hindi ka mag-negosyo? Magaling ka sa makipag-usap sa mga tao, hindi ka nahihiyaat magaling kang dumiskarte. Papahiramin kita ng perang pampuhunan. Mula sa maliit na halaga, subukan mong palaguin iyon,” wika nito.
Dahil sa pagtulong ng kanyang ina ay muling nabigyan ng kulay at pag-asa ang buhay ni Arnold, nag negosyo ito sa pamamagitan ng buy and sell ng mga damit. Nakipag-usap din ito sa kanyang matalik na kaibigan para ikalat ang pagbubukas ng kanyang shop malapit sa kanilang tahanan.
“Antonio, may negosyo ako. Pero kailangan ko ng tulong mo. Ikalat mo lang ang balita ng pagbubukas ng pinaka-mura at pinaka-magandang damit para sa lahat. Bibigyan kita ng 10% ng kita ko kada buwan para lang ikalat ang shop ko,” sabi ni Arnold habang kausap ang kaibigan sa telepono.
“Makaka-asa ka. Bukas, dudumugin yung shop mo ng mga customer ko. Tutulungan kitang umasenso, kaibigan,” masayang sagot nito. Agad na naman na ibinalita ni Antonio ang pagbubukas ng shop ng kanyang kaibigan sa kanyang page sa social media. Marami ang nabighani rito kaya halos lahat sila ay nagbalak pumunta.
Kinabukasan, pagdating ni Arnold sa kanyang shop ay nagulat ito sa haba ng pila ng mga tao sa labas. Nakita rin niya ang kanyang kaibigan na nasa harapan ng pila at halatang excited na makita ang mga tinda ni Arnold.
“Arnold! Buksan mo na yung shop mo! Kanina ka pa namin inaantay!” naka-ngiting sigaw ni Antonio kay Arnold. Agad na tumakbo sa tuwa ang binata papunta sa kanyang shop para buksan ito. Naghiyawan naman ang mga tao dahil sa bagong bukas na shop ni Arnold at sa mga kalidad na damit na tinitinda nito.
Pagkatapos ng ilang oras ay naubos lahat ng tinitinda ni Arnold kaya ito ay labis na ikinatuwa ng kanyang kaibigan at ng kanyang ina.
“Maraming salamat, ma. Salamat din sa’yo pre. Kung hindi dahil sa inyo, wala ako rito sa kinatatayuan ko,” pasasalamat ng binata sa ina at kay Antonio.
“Walang anuman, Arnold. Nagpunta talaga ako dito para sa 10% na kita ko e. Haha! Biro lang. Masaya ako sa narating mo, unang araw pa lang ‘yan. Ituloy mo ang pag-asenso at gaganda ng labis ang buhay mo,” sagot naman ni Antonio.
“Tama siya, anak. Pero dapat mo rin pasalamatan ang sarili mo. Dahil ikaw pa rin naman ang magdedesisyon ng gagawin mo. Nandito lang kami bilang tagapayo mo,” nakangiting sabi ng ina.
Agad na niyakap ni Arnold ang dalawa sa tuwa dahil kahit na nalulong ito sa masamang bisyo ay hindi pa rin siya iniwan ng mga ito.
Natutunan ni Arnold na marami pang ibang bagay ang mas mahalaga sa mundo kaysa sayangin ang oras at pera sa bisyong sisira lamang sa buhay mo.