Gamot sa Lahat ng Sakit Ayon Kay Mama
Maraming kaugalian ang nakuha ni Mara mula sa nanay niyang si Jenjen, kabilang na rito ang pagpapalaki sa anak niya. Dahil maganda ang kita ng mister niyang si Kevin bilang isang business man, full-time mother at housewife si Jenjen sa kanilang nag-iisang anak na si Carol.
Hinahangaan ng lahat si Mara dahil sa pagtutok nito sa kanilang anak. Masayang-masaya naman si Kevin dahil alagang alaga siya at ang anak nilang si Carol ni Mara. Mula ipinanganak ay nasanay ang bata sa breastfeeding, at nang lumaki naman ay puro gulay at prutas ang ipinapakain ni Mara sa bata.
Isang bagay lamang ang madalas na pagtalunan ng mag-asawa; ito ang madalas na pagpapainom ni Mara sa anak niya ng antibiotics.
“Mama, masakit po ito,” umiiyak na sabi ng batang si Carol sa ina habang itinuturo ang kanyang lalamunan.
Dali-dali namang kumuha sa lalagyan nila ng gamot si Mara ng antibiotics at agad ipinainom sa anak.
“Heto, anak. Magic ito. Turo pa sa akin ito ni Lola Jenjen mo. Antibiotics ang tawag dito. Sa tuwing may germs at bacteria at kung ano pang bad viruses ang nasa katawan ng baby ko, isang inom lang nito ay gagaling ka na!” nakangiti pang sabi ni Mara sa anak sabay abot ng antibiotics at isang baso ng tubig dito.
“Wow! Talaga po mama? Parang magic?” tanong ng namamanghang si Carol.
“Oo, parang magic!” sagot ni Mara.
Tahimik na nakikinig at nakakunot ang noo palang nakikinig si Kevin sa usapan ng kanyang mag-ina sa isang sulok. Nang pumasok na si Carol sa kanyang kwarto ay agad kinausap ni Kevin ang asawa.
“Hon, bakit pinainom mo na naman si Carol ng antibiotics? Masama ang nasosobrahan d’yan. Sa totoo lang, hindi ba kailangan ng reseta ng doktor bago ka makabili niyan? Saan galing ‘yan?” pag-uusisa ni Kevin sa asawa.
“Ha? Marunong ka pa. Ganyan ako pinalaki ni mama kaya malakas ang resistensya ko. Hindi ko kailangan ang reseta ng doktor. Nagpagawa ako ng pekeng reseta para makabili ako kung kailan ko gusto,” madiing sagot nito sa asawa.
“Hay nako, Mara! Sinasabihan na kita. Masamang magkaroon ng antiobiotic resistance ang anak natin,” ani Kevin.
“Ewan ko sa’yo! Sige na, marami pa akong gagawin,” sagot ni Mara sabay alis papuntang kusina. Naiwan na lamang si Kevin na nagkakamot ng ulo at di malaman kung paano makikinig sa kanya ang kanyang misis.
Kinabukasan, maagang umalis ang mag-ina dahil may kailangang asikasuhin si Mara sa bahay ng kanyang ina. Ipinagbilin niya muna sa kapitbahay nilang si Aling Celia ang anak kapag nakauwi na ito galing eskwela.
Nang makauwi ang batang si Carol, agad naman siyang sinalubong ng kanilang kapitbahay. Nakipaglaro ito sa kanya at tinulungan siyang gumawa ng sarili niyang assignment. Ngunit maya-maya pa,
“Tita Celia, medyo masakit po ulo ko,” sabi ni Carol sa matanda.
“Ganoon ba? Teka, uuwi muna ako sa amin ha? Ipaghahanda lang kita noong mainit na sabaw. Hindi ko kasi alam kung paano buksan iyang kalan ninyong hi-tech! Magluluto lamang ako saglit ha? Ayos ka lang ba dito mag-isa saglit?” tanong ni Aling Celia.
“Opo,” nakangiting sagot ng bata.
Kinse minutos pa lamang ang nakakalipas ngunit hindi na nakapaghintay ang bata. Bigla niyang naalala ang sinabi ng ina sa tuwing may sumasakit sa kanya.
“Alam ko na! ‘Di ko na mahintay si Tita Celia e. Saan ba ‘yong mga gamot ni mama… Eto! Iinom na ako nitong magic na gamot para hindi na sakit ulo ko,” wika ng batang si Carol sa sarili habang kumukuha ng ilang piraso ng antibiotics mula sa cabinet ng gamot ng kanyang nanay.
Ilang sandali pa, bumalik na si Aling Celia dala ang mainit na sabaw na niluto niya para sa bata. Laking gulat at panlulumo niya nang makitang nakahiga ang batang natutulog, at hawak hawak ang basyo ng antiobiotics sa kanyang kamay.
Dala ng labis na takot, agad niyang isinugod sa ospital ang bata at ipinatawag ang nanay at tatay nito. Agad namang kinausap ng doktor ang mga magulang ni Carol.
“Kayo ho ba ang mga magulang ni Carol?” tanong ni Dok Rick.
“Kami nga ho. Ayos lang ho ba ang anak ko?!” umiiyak na tanong ni Mara.
“Maayos ho ang kalagayan ng anak niyo ngayon. Uminom ho ang anak ninyo ng dalawang piraso ng antiobiotic. Ang sabi niya sa akin noong tinanong ko siya, sabi raw ng mama niya ay uminom lang siya nito sa tuwing makakaramdam siya ng anumang sakit, totoo ho ba ‘yon?” tanong ng doktor sa dalawa.
Napakunot ng noo si Kevin at nagsabi ng katotohanan sa doktor.
Napataas naman ng boses ang doktor.
“Misis, kung mahal niyo ho ang anak ninyo, sana ay makinig kayong mabuti sa sasabihin ko,” panimula ni Dok Rick.
“Hindi ho tama na ipainom sa anak ninyo, at sa kahit na sinuman, ang antibiotics kung hindi inihatol ng doktor. Magkakaroon ho ng antiobiotic resistance ang anak ninyo! Kung sinasabi ninyong tumalab sa inyo noong bata kayo, e sinuswerte lang ho kayo! Matuto ho kayong makinig sa doktor kung ayaw nyong malagay sa panganib ang buhay ng anak ninyo!” sermon ni Dok Rick.
Nang dahil sa nangyaring iyon, nangako na si Mara na kailanman ay hindi na magmamarunong at makikinig na sa mga payo ng doktor. Dahil ngayon ay alam niya nang hindi laro ang pagpapainom ng gamot dahil buhay ng pinakamamahal niyang anak ang nakasalalay rito.