Inday TrendingInday Trending
Ate, Tulong! Nawawala Po Ako!

Ate, Tulong! Nawawala Po Ako!

Inabot na ng alas otso ng gabi si Ehra sa trabaho dahil sa inaasikasong proyekto para sa kaniyang nalalapit na promosyon. Dahil wala nang kasabay na katrabaho, nagmadali na itong makauwi dahil alam niyang delikado ang pag-uwi sa kanilang lugar sa mga ganoong oras.

Habang naglalakad patungong sakayan ng jeep, isang batang lalaki ang lumapit sa kanya na tila ba napipilitang humingi ng saklolo.

“Ate, tulungan mo ako! Nawawala po ako,” wika ng bata sabay abot ng isang maliit na piraso ng papel. Doon nakasulat ang tila ba isang address na inisip niya ay lugar na tinitirhan ng bata.

“Halika, dadalhin kita sa presinto. Ihahatid ka ng mga pulis diyan sa bahay mo. Gabing gabi na at hindi tamang nag-iisa ka rito sa kalsada,” nag-aalalang sagot ni Ehra habang niyayaya itong pumunta sa pinakamalapit na police station.

Ngunit bakas sa mukha ng bata ang pag-aalinlangan.

“Hindi po sa presinto, i- ihatid niyo n- na lang po ako please,” nakayuko at uutal-utal na sagot ng bata.

Takang-taka naman si Ehra kung bakit ganoon na lamang ang takot ng bata sa presinto at kung bakit pilit siya nitong pinapasama sa bahay ng bata. Ngunit dala ng pagkaawa sa bata at sa maamo nitong mukha, wala nang nagawa pa si Ehra at napagdesisyunang ihatid na ang bata. Kailangan na rin niya kasing makauwi dahil maaga pang muli ang pasok niya kinabukasan.

Habang naglalakad, sinubukang kausapin ni Ehra ang bata.

“Bata, ano bang pangalan mo? Saka anong nangyari sa’yo? Naiwan ka ba ng mama o papa mo?” bungad ni Ehra.

“Ah… Eh… Opo,” matipid nitong sagot.

“Ha? Sa dami ng tanong ko, ayan lang ang sagot mo? Bakit ba parang kabado ka?” natatawang tanong ng dalaga.

Hindi na sumagot ang bata. Hindi na rin nagtanong pa si Ehra dahil halata namang ayaw makipag-usap nito sa kanya. Ngunit natigilan siya nang mapansin ang ilang pasa at sugat sa katawan ng batang lalaki.

“Teka, sandali. Ano ito? Napano ito?” tanong ni Ehra sabay hawak sa braso ng bata. Napansin niya pa nang malapitan niya ito na hindi lamang sa braso kundi para bang buong katawan nito ay napapaliguan na ng mga latay, pasa, natuyong sugat, at mga peklat.

Biglang balikwas ang bata sabay alis sa pagkakahawak ng dalaga sa kanya. Napansin ni Ehra na namugto ang mga mata nito.

“Patawarin niyo po ako. Alam ko na po pala kung paano umuwi mula rito. Salamat po sa paghatid,” wika ng bata kay Ehra sabay takbo ng matulin.

“Teka sandali!” sigaw ni Ehra. Sa labis na pagtataka, sinubukan niyang habulin ang bata. Nag-aalala at hindi rin kasi siya mapakali magmula nang mapansin ang mga sugat at peklat ng bata.

Napakalayo ng tinakbo ni Ehra, pero mabuti na lamang at tagumpay niyang nahabol ang bata. Natigilan siya nang pumasok ito sa isang madilim na lugar na tila ba lumang warehouse na inabandona na. Kinabahan na siya at kung ano ano na ang tumatakbo sa isip niya, ngunit nilakasan niya ang loob niya at patago pa ring sinundan ang bata.

“Ano? Bakit mag-isa ka?! Wala ka na namang dalang babae para sa’min?! Talagang hindi ka na natuto, ano?!” sigaw ng isang lalaki sa bata. Galit na galit ito, at saka kumuha ng isang matigas na tubo at nagsimulang ipalo sa murang katawan ng kawawang bata.

“Wala po, wala po akong nakuha. Wala pong gustong sumama sa’kin, sorry po,” umiiyak na sagot ng bata.

Nanlaki ng lubos ang mga mata ni Ehra sa kanyang nakita. Sa isang tabi, nakita niya ang isang dalagang nakatali at gutay gutay ang pananamit. Dahan-dahang lumabas si Ehra upang magsumbong sa pulisya, nang bigla na lamang sumigaw ang isa sa mga kasamahan ng lalaki.

“May babae oh! Hoy! Anong ginagawa mo rito?! Yari ka samin!” sigaw ng lalaki sabay takbo papalapit sa kinaroroonan ni Ehra.

“Ate! Bakit ka sumunod?! Takbo, bilis! Takbo!” umiiyak na sigaw ng bata.

Halos magkadapa-dapa na si Ehra sa pagtakbo, makakatakas na sana siya ngunit nahila ng lalaki ang kanyang mahabang buhok.

“Huli ka! Tatakas ka pa ha?! Yari ka!” nakangising sigaw nito habang pinipigilan ang pagpupumiglas ni Ehra.

Hinahatak na ng lalaki si Ehra pabalik ng lumang bodega, nang biglang isang pulis ang nasaktong dumaraan sa kalsada upang rumonda.

“Hoy, ano yan?!” sigaw nito sabay tutok ng baril sa lalaki. Agad nitong binitawan si Ehra upang tumakbo ngunit mabuti na lamang ay natamaan ng pulis ang kanyang binti.

Agad na nagpatawag ng back-up ang pulis, at naaresto ang mga kalalakihan. Isang dalaga ang na-rescue na nabalitang isang buwan na palang pinagsasamantalahan ng mga kalalakihan iyon. Ginagamit nila ang batang si Merto upang manguha ng mga dalaga. Magpapakilala ang bata na nawawala, at kapag inihatid na ito sa address na nakalagay sa papel ay sisimulan na ng mga kalalakihan ang kanilang madilim na plano. Napipilitan si Merto na gawin iyon dahil araw araw siyang ginugulpi at binabantaang papaslangin kapag hindi siya nakapag-uwi ng babae.

Naging mabilis ang hustisya para sa batang si Merto at sa mga nabiktimang kababaihan ng sindikatong ito. Nakulong at nakasuhan ng panghabambuhay na pagkakabilanggo ang mga kalalakihan at hinding-hindi na makakalaya pa.

Inampon na rin ni Ehra ang kawawang bata dahil napag-alaman niyang wala na rin pala itong mga magulang. Nang dahil doon ay nagbago ang buhay ng bata at napaganda ang landas niya sa buhay.

Advertisement