Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Babae nang Maging Baldado na ang Kinakasamang Lalaki, Laking Pagsisisi Niya ng Bigla Itong Yumaman at Nakaangat sa Buhay

Iniwan ng Babae nang Maging Baldado na ang Kinakasamang Lalaki, Laking Pagsisisi Niya ng Bigla Itong Yumaman at Nakaangat sa Buhay

Halos dalawang taon nang mag live in partner sina Emma at Geraldo. Sundalo si Geraldo habang si Emma naman ay nagbebenta ng mga lutong ulam at mga meryenda sa tapat ng inuupahan nilang bahay.

Hindi pa sila nabibiyayaan ng sariling anak sapagkat madalas na nasa misyon ang lalaki. Saglit lamang at hindi gaanong matagal ang bakasyon ni Geraldo dahil sa sunod-sunod na mga pangyayaring nangangailangan ng pwersang pandigma.

Kahit na sinasabi ng iba na may kasamaang ugaling taglay si Emma, ay buong puso pa rin naman siyang inunawa at pinakisamahan ni Geraldo. Kahit na ganoon kasi ang babae ay lubos pa rin siyang minahal ng lalaki.

Nakatakda na sanang ipakasal noon si Geraldo sa ibang babae na nagngangalang Carmela. Ipinagkasundo na kasi sila ng kanilang magulang noon, subalit sinuway ng lalaki ang utos ng magulang at madiin na itinanggi na hindi niya papakasalan ang magandang dalaga.

“Hindi ko siya mahal! Si Emma ang tunay kong minamahal. Hindi ko kayang magpakasal sa isang babae na hindi ko naman tunay na iniibig,” saad ni Geraldo sa kanyang magulang noon.

“Pero anak, magandang babae si Carmela, masipag at matalino. Panigurado ako na magiging masaya ang pagsasama ninyo. Malaking tulong din ito para sa negosyo ng ating pamilya dahil tanyag na mga negosyante ang kanyang mga magulang,” paliwanag naman ng kanyang ina.

“Patawad mama at papa, pero ipaglalaban ko ang pagmamahalan namin ni Emma. Wala na po akong pakialam kung itakwil ninyo ako bilang anak ninyo, pero magpapakalalaki ako sa desisyon kong ito,” pagpupumilit ni Geraldo.

Wala naman na ngang nagawa ang kanyang mga magulang noon kundi pagbigyan ang anak sa kahilingan. Nakakahiya man, ngunit kinansela nila ang nalalapit na sanang kasal ni Geraldo at Carmela.

Nagsama sina Emma at Geraldo kahit na wala silang basbas ng magulang at hindi kasal sa pari. Nangako naman ang lalaki na papakasalan niya ang kinakasama sa muli niyang pagbalik mula sa isang napakalaking misyon.

“Pangako ko sa’yo mahal, magpapakasal na tayo at magsisimulang bumuo ng isang pamilya sa aking pagbabalik. Magiging legal na ang ating pagsasama at pangako ko sa’yo na magsasama tayo ng masaya,” pahayag ni Geraldo.

“Ayokong umasa. Pero sige, hihintayin ko ang iyong pagbabalik. Sana nga lang ay panindigan mo iyang pangako mo. Sana lang ay humanap ka na ng ibang propesyon pagtapos niyan. Ayoko ng asawang parating wala sa pamamahay!” pagtataray na sagot naman ni Emma.

Sumabak sa giyera ang lalaki at pinalad namang makaligtas sa nakakatakot na misyon. Bago umuwi ay tinawagan niya ang live in partner upang humingi ng isang malaking pabor mula rito.

“Emma, mahal, sa awa ng Diyos ay nakaligtas ako mula sa malaking panganib. Napagtagumpayan namin ang misyon at sa wakas matutupad ko na rin ang pangako ko sa’yo,” masayang pagbungad ni Geraldo.

“Mabuti naman kung ganoon. Sana lang ay hindi ka na muling lumisan pa pagtapos niyan!” sagot naman ni Emma.

“Mukhang ito na nga ang aking magiging huling misyon. Pero bago ako tuluyang umuwi ay may ipapakiusap sana ako sa’yo, mahal ko. Mayroon akong isang malaking pabor na hihingiin mula sa’yo.”

“Ano naman iyon?” tanong ng babae.

“Mayroon akong kasamahan dito na nais sanang sumama sa akin sa pag-uwi diyan. Ayos lamang ba sa’yo?” balik na tanong naman ng lalaki.

“Wala namang kaso sa akin iyon. Mabuti nga at makikilala ko ang mga kasamahan mo sa serbisyo,” masiglang tugon naman ng kinakasama niyang babae.

“Pero mahal, bago iyon ay may nais sana akong malaman mo. Nagtamo ng malalang pinsala sa katawan ang kasamahan ko. Aksidenteng nasabugan siya ng bomba kaya naputol ang parehas niyang mga paa.

Wala na siyang ibang pwedeng tuluyan dahil paniguradong hindi na rin siya magagawang tanggapin pa ng kanyang pamilya,” paliwanag naman ng sundalo.

“Nako, nakakaawa pala ang nangyari sa kasamahan mo. Pero Geraldo, baka naman makakahanap pa tayo ng ibang lugar na pwede tumanggap diyan sa kasamahan mo,” sagot ni Emma.

“Nais ko sana kasi na mamuhay siya na kasama natin sa ating bahay,” pagpipilit pa ni Geraldo.

“Mahirap kasi iyang gusto mo. napakabigat na pasananin ng kalagayan niyang kasamahan mo. Aba, paano na lang pag nagkaanak na tayo? Napakahirap mag-alaga ng lumpo. May sarili tayong buhay na dapat nating pagtuunan ng pansin.

Huwag mo sanang mamasamain ang sasabihin ko, pero ayoko namang mag alaga ng baldado. Hindi natin responsibilidad ang kasamahan mo!” nagsimula nang magtaas ng boses ang babae.

“S-sige. Kung iyan ang nais mo. Mag-iingat ka palagi. Nalalapit na ang ating muling pagkikita,” malungkot na tugon ng sundalo.

Hindi naman na sumagot si Emma at agad na ibinababa ang tawag. Labis ang inis na nadama ng babae sa pakiusap ng asawa.

“Ano bang palagay niya sa bahay namin? Bahay ampunan ng mga baldado? Nako nako! Tigilan niya ako,” iritableng bulong ni Emma sa sarili.

Makalipas ang ilang araw ay nakauwi din si Geraldo sa kanilang tahanan. Laking gulat ng kanyang maybahay dahil may ilang kasamahan ito na bitbit pag-uwi. Hindi naman makapaniwala ang babae sa nakikita niya.

“G-Geraldo? Anong nangyari? Anong ibigsabihin nito?” gulat na tanong ni Emma.

“Patawad mahal, matatanggap mo pa rin ba ako?” tanong naman ni Geraldo.

“Bakit wala na ang mga paa mo? Bakit lumpo ka na?” di makapaniwalang tanong ng babae.

“Ako, yung tinutukoy kong kaibigan na nasabugan ng bomba. Patawad kung nagsinungaling ako, gusto ko lamang malaman ang iyong magiging sagot, kung sakaling malaman mo na may makakasama tayong baldado na,” mahinang sagot ng lalaki.

“Diyos ko po. Ano bang nangyari sa’yo? Paano ka pa niyan makakapaghanap buhay ha? Ano na lang mangyayari sa pamumuhay natin niyan?” naguguluhang tanong naman ng babae.

Hindi makapaniwala si Emma sa nakikita. Kung anu-anong mga masasamang bagay ang tumatakbo sa kanyang isipan. Noong una ay kanyang galit na inaruga ang kinakasamang si Geraldo, subalit hindi nagtagal ay iniwan din niya ito.

“Pagod na ako! Pagod na akong mag-alaga sa katulad mo! Maghiwalay na tayo. Ayokong kumayod buong buhay ko para lamang arugain at buhayin ang isang lumpong tulad mo!” sigaw ni Emma.

“Patawad, mahal. Hindi ko naman ninais na maging ganito ang aking kahihinatnan,” malungkot na sagot ni Gerlado.

“Maghiwalay na tayo. Hindi na kita kayang alagaan pa!” sigaw ng babae.

Tuluyan ngang lumisan si Emma noong araw na iyon. Napabalita pa na sumama na daw ito sa ibang lalaki na suki niya sa pagbebenta ng ulam noon. Si Geraldo naman ay nabalik sa pangangalaga ng kanyang mga magulang.

Labis ang pag-aalala ng mga magulang ni Geraldo sa kanyang kondisyon dahil parang nawalan na ng ganang mabuhay ang lalaki. Ayaw na niyang kumain at madalas na lumuluha habang kinakaawan ang sarili.

Nang kumalat ang balita ay agad na nagtungo ang dalagang si Carmela upang bisitahin at kumustahin ang lalaki.

“Wala na akong kwenta. Isang baldado na walang pakinabang na lamang ako,” saad ng lalaki.

“Huwag kang mag-isip ng ganyan. May plano ang Diyos kung bakit niya pinahintulutang mangyari ito. Huwag kang mawalan ng pag-asa at manpalataya ka lamang,” nakangiting sabi ni Carmela.

Halos araw-araw ay dumadalaw si Carmela upang bigyang ngiti ang lalaki. Napansin ng mga magulang ni Gerlado na nagkakaroon ng paunti-unting pagbabago si Gerlado. Hindi na ito nagmumukmok tulad ng dati at muling sumisilay na ang mga ngiti mula sa labi nito.

Hindi naman nagtagal at natutunan din ni Gerlado na mahalin si Carmela. Ganoon din namang nahulog ang dalaga sa kanya. At kahit pa may kapansanan ang lalaki ay buong puso itong tinanggap ng dalaga.

Sa pamamagitan ng artipisyal na paa ay muling nakalakad si Geraldo. Muling nabigyang buhay ang apoy sa kanyang puso at muling sumiklab ang bagong pag-ibig mula rito.

Di naman naglaon ay nagpakasal din ang dalawa. Masayang nagtagpo sa altar ang dalawa ang nagsumpaan na magsasama sa hirap at ginahawa, maging sa sakit man o kalusugan.

Nabibiyayaan sila ng dalawang mababait na anak at naging matagumpay na negosyante naman si Gerlado mula noon. Nagkaroon sila ng foundation na tumutulong sa mga taong kapansanan at nagbibigay pag-asa sa mga ito upang makapamuhay ng masaya.

Napabalitang hiwalay na si Emma sa bagong kinakasama at labis ang pagsisisi nito nang malaman na ang estado ng buhay ni Geraldo. Nilait-lait niya noon ang lalaki, subalit ngayon ay isa nang mayamang negosyante ito. Isang malaking pagkakamali niya na hindi niya pinagsumikapang alagaan ang dating kinakasama.

Minsan sa buhay ay akala natin na wala na tayong pag-asa pa. Dumarating tayo sa punto na pinanghihinaan tayo ng loob. May mga taong tatalikod sa atin at pilit tayong hihilahin pababa, pero maging matatag lamang tayo at patuloy na lumaban sa hamon ng buhay.

Mawala man ang mga importanteng tao sa buhay natin sa oras na humarap tayo sa kabiugan at kadiliman ng buhay, pero umasang may darating na bagong tao na tutulong sa atin at muling magbibigay liwanag sa lahat ng pagsubok na ating pinagdaraanan.

Advertisement