Sabay na Binuo ng Magkasintahan ang mga Magagandang Pangarap Nila Para sa Hinaharap, Pero Dahil sa Isang Pagkakamali ay Gumuho Itong Lahat
Sabi nga ng iba, napakasarap daw umibig. Masarap daw ang magmahal, pero kapag daw nagmahal tayo ay dapat nakahanda tayong masaktan, dahil parte daw ito ng tunay na pagmamahal.
Halos apat na taon nang magkarelasyon sina Christian at Loraine. Noong una hanggang sa pangalawang taon ay masasabing tila napakaperpekto ng kanilang relasyon. Madaming naging problema, mga away at hindi pagkakaintindihan at iba pang pagsubok, pero mas naging matimbang naman ang pagmamahal nila sa isa’t isa.
Ang kwento nila ay hindi katulad ng sa iba na parang nasa mga teleserye. Ang sa kanila ay nagsimula sa pagiging mabuting magkaibigan muna hanggang sa nauwi sa nakakakilig na pag-iibigan.
Nagtatrabaho si Christian noon sa isang kompanya sa Makati, habang si Loraine naman ay naghahanap noon ng kompanyang mapapasukan. Si Christian ang tumulong sa kanya upang makapasok sa pinagtatrabahuhan kaya’t halos araw-araw ay sabay silang pumapasok at umuuwi.
May kasintahan noon ang lalaki kaya sa tuwing hindi sila magkakasundo ng nobya ay kay Loraine siya lumalapit hanggang sa dumating ang araw na tuluyan silang nagkalabuan at nauwi sa hiwalayan. Tanging si Loraine ang bukod tanging sumama sa kanya sa mga panahong lugmok na lugmok siya sa kalungkutan.
Pero sino nga bang mag-aakala na mauuwi sa pagkakamabutihan ang masayang samahan nila? Hindi naman gusto ni Loraine ang binatang kaibigan noon kais hindi naman ganoon ang tipo niyang lalaki.
Patpatin at sobrang payat ni Christian noon, pero maputi ito at matangkad. Gwapo naman ito pero iyon nga lang, mukhang kinulang talaga sa timbang. Matalino ang lalaki, madiskarte at masipag, mga bagay na lubos ng hinahangaan sa kanya ni Loraine.
Sa tuwing magkasama sila ay pakiramdam ni Loraine na palagi siyang ligtas at walang kahit sinoman ang pwedeng manakita sa kanya. Ibang mag-alaga si Christian sa mga taong pinapahalagahan. Kahit sarili niyang buhay ay isasakripisyo niya para lamang sa mga ito.
“Alam mo? Pangarap ko talagang mangibang bansa. Gusto ko matulungan ang pamilya ko at mabili ang mga gusto at pangangailangan nila. Tapos magiging reyna ng buhay ko yung babaeng papakasalan ko at mamahalin ko siya habang buhay,” nakangiting saad ni Christian.
“Hay nako. Magpataba ka muna kaya? Baka isang pitik lang sa’yo ng mapapangasawa mo, lumipad ka na!” natatawang sabi ni Loraine.
Napakadami niyang pangarap sa buhay. Ayaw na ayaw kasi ng binata na nagiging kawawa siya. Para bang siya ang bida sa mga pelikula, yung handang gawin ang lahat para sa iba. Para kay Loraine, napakagandang katangian nito para sa isang lalaki.
Valentines Day noon nang magtapat ng pagmamahal si Christian kay Loraine. Nangako ang lalaki na mamahalin niya ang dalaga ng buong-buo at handa siyang patunayan araw-araw ang malinis na intensyon niya sa dalaga.
“Mahal kita, Loraine. Sana ay tanggapin mo ang inaalay kong pagmamahal para sa’yo,” pagpapahayag ng lalaki ng kanyang damdamin.
Nakangiti namang tinanggap ni Loraine ang pag-ibig ni Christian, “di kita type, pero sige na nga! Mahal na din kita,” kinikilig na tugon naman ng dalaga.
Ilang taon pa ang lumipas at dumating din ang pagkakataon na nangarap ng mas mataas si Christian. Lumipad siya patungo sa Dubai upang doon magtrabaho. Naging mahirap para kanila ang unang beses na nagkalayo. Pero palagi pinapaunawa ni Christian kay Loraine na para pamilya niya iyon at para sa kinabukasan nilang dalawa.
Araw-araw ay palagi naman silang nagkikita sa video call. Tuwing break time o may pagkakataon ay palagi silang nagkakamustahan. Mas pinatatag ng distansya ang kanilang relasyon, hanggang dumating ang araw na babago sa lahat ng iyon.
“Basta sa 4th anniversary natin magpapakasal tayo ha? Dapat iplano na natin yan para makapagsama na tayo pag-uwi ko,” saad ng lalaki.
“Lalo naman ako na-excite dahil diyan sa sinabi mo. Nako nakakatuwa talaga!” masiglang sabi naman ni Loraine.
Sabay nilang pinagplanuhan ang lahat. Sabay na nangarap ng mga bagay na gagawin nila sa hinaharap, mga lugar na nais puntahan at kung ilang anak dapat ang mayroon sila. Lahat ito ay sabay nilang ginawa na para bang hawak nila ang mundo sa kanilang kamay, pero doon na rin pala magtatapos ang lahat.
Taong 2017 nang may makilala si Christian mula sa trabaho sa ibang bansa. Isang Pilipina na bago sa kompanyang pinagtatrabahuhan. Naikwento niya ito sa nobya niya na naging dahilan naman ng kanilang pag-aaway.
“Eh g*go ka rin pala eh! Gusto mo lang i-date yung babae tapos magpapaalam ka pa sa akin? May ‘kakain lang sa labas’ ka pang nalalaman eh date din naman yun. Tigilan mo ako Christian ha?!” galit na sigaw ni Loraine sa video call.
“Hindi naman sa ganun. Syempre pinoy din siya tapos kami lang yung pinoy sa department namin, kaya naisipan ko para naman maka-close ko din, eh ayain ko siya ng lumabas minsan,” paliwanag naman ng lalaki.
Lumipas pa ang mga araw, subalit unti-unti namang nagkakaroon ng pagbabago ang nobyo ni Loraine. Laging madami na itong dahilan sa tuwing sila ay mag-uusap. Hindi na nito magawa pa makapagdala ng mga mensahe dahil ‘abala daw sa trabaho, lowbatt ang cellphone o kaya naman ay pumapalya na ang baterya.’
Sinubukan naman intindihin ng babae ang mga rason ng lalaki. Pinilit niyang unawain ang biglaang pagbabago at panlalamig ng kasintahan. Laging sinasabi ni Christian na ‘wala naman daw siyang dahilan para magloko,’ na agad namang pinaniwalaan ni Loraine.
“Baka naman pwede kang mag-upload sa fb ng sceenshot ng vid call natin? Tagal na din naman natin di nakapagpost ng picture na magkasama eh,” pakiusap ni Loraine.
“Iyan ka na naman Loraine. Napapraning ka na naman ata. Inisiip mo na naman siguro na nagloloko ako dito,” inis na tugon naman ni Christian.
“Wala pa naman akong sinasabi ah? Masama bang mag request ha?” tanong ng dalaga.
“Ewan ko sayo. Sa susunod na nga lang tayo mag-usap. Nakakasira lang ng araw,” galit na sabi ng binata sabay ibinaba ang video call.
Tila ba hindi na siya ang lalaking minahal ng sobra ni Loraine. Nawala na ang kanyang pagiging malambing at maunawain. Napakalaki ng pinagbago ng binata simula ng maging katrabaho niya ang babaeng pinag-awayan nila noon na nagngangalang Ellen.
Lumipat ng tinitirahan si Christian sa isang flat na mayroon mas malaking kwarto. Mag-isa lamang daw siyang maninirahan doon dahil nahihirapan daw na makisama sa ibang lahi kaya mas mabuti na daw na mag-isa na lamang siya, para nakakagalaw siya ng mas maayos.
“Send ka naman ng picture ng bago mong bahay! Sobrang happy ako for you,” mensahe ni Loraine sa kasintahan.
“Maya ng konti ha? Pagod kasi ako sa pag-aayos eh,” sagot naman ng lalaki.
Ilang saglit lamang ay nagpadala na ng mga larawan si Christian. Malaki nga ang kanyang bagong bahay at mas maganda kumpara doon sa una. Pero dahil ata sa sobrang pagod kaya aksidente niyang naipadala ang litrato na may pulang sapatos ng pambabae.
Nang makita iyon ni Loraine ay tila ba sinapian siya ng kung ano na parang may sariling utak ang kanyang mga daliri. Pinag-awayan nilang muli ito. Hindi na maintindihan ng babae ang dapat niyang maramdaman dahil unti-unting nagkakaroon ng linaw ang lahat ngayon.
“Para ka namang hayskul na babae kung magselos niyan. Nakakapikon na ha?” mensahe ni Christian.
“Wala ba akong karapatan ha? Sige paano mo nga ipapaliwanag ito?” nagpadala si Loraine ng litrato ni Ellen na suot ang parehas na sapatos na nasa mga larawang ipinadala ng kanyang kasintahan.
Di naman na nagsinungaling pa si Christian at inamin na totoo nga ang hinala ni Loraine. Pinagsabay niya ang dalawang babae parehong umiibig sa kanya. Nadala lamang daw siya ng temptasyon at hindi sinasadya na nahulog sa babaeng katrabaho.
Halos masiraan ng bait si Loraine dahil hindi niya matanggap ang kinahitnatnan ng kanilang relasyon. Ilang linggo na lamang sana ay ipagdiriwang na nila ang kanilang ika-apat na anibersaryo, subalit lahat ng masasayang alaala na kanilang binuo ay unti-unting naglaho kasama ng masasayang plano nila para sa hinaharap.
Halos araw-araw at gabi-gabing umiiyak ang dalaga. Sa kanyang mga panalangin ay tanging mga tanong na “bakit? Bakit kailangan pang masaktan? Bakit kaulangan pang mangyari ang lahat ng ito sa kanya?” para siyang tupang ligaw na hindi alam kung saan na patutungo.
Pero lahat naman ng sakit ay nawawala. Lahat ng sugat ay naghihilom at ang bawat pagluha at kusa rin naman na titigil. Hinayaan niyang oras ang magbigay ng panahon sa kanya upang tuluyang makalaya sa sakit na naramdaman.
Dahil sa pangyayari ay mas lalo siyang naging malapit sa mga magulang, kaibigan at iba pang mahal sa buhay, higit pa rito ay natutunan niya ang isang importanteng bagay, ang pahalagahan at mahalin ang sarili ng sobra. Natutunan niyang bumangon at muling harapin at buhay. Natutunan din niyang mangarap mag-isa at hindi umasa sa pangarap at pangako ng iba.
Taong 2019 halos dalawang taon matapos nilang maghiwalay ni Christian ay tuluyan naman nang nakausad ang dalaga. Nagagawa na niyang humarap sa mga tao ng may totoong ngiti sa mga labi at tunay na ligaya na nagmumula sa kanyang puso.
Sinubukan siyang suyuin muli ni Christian subalit tinanggihan na niya ito. Sapat na ang minsang siyang niloko at sinaktan. Hindi naman siya nagkamali sa ginawang desisyon dahil ngayong Mayo ay lalakad na sa altar si Loraine upang sumumpa ng pagmamahalan sa bago niyang pag-ibig.
Labis man na nasaktan noong una, subalit nagawa niya na magpatawad, dahil sa tuwing tayo ay pagpapatawad, tayo ay nagkakaroon ng pagkakataon na makalaya sa sakit at pait na noo’y gumapos sa atin.
Ang pagpapatawad at pagtanggap sa isang bagay na labis na nakasakit sa atin ay oportunidad upang mas lumago pa tayo bilang tao. Hindi nangangahulugang kakalimutan na natin ang lahat, subalit ating buong puso na tatanggapin ang mga leksyon at aral na sa atin ay tinuro ng mapapait na karanasan.