Nanginginig ang kamay ni Rose na pinihit ang seradura ng pinto, napahinto pa siya nang muling magsalita si Kent.
“Talaga ba? Ganoon na lang?” hindi makapaniwalang sabi nito.
Nang lingunin niya ito..o Diyos ko. Naroon ang sakit na nakabalatay sa mukha, may pag asa sa mga mata na hindi totoo ang sinabi niya kani-kanina lang na iiwan niya na ito. Kaya ayaw niyang lumingon eh, baka magbago pa ang isip niya.
Pero nilakasan ni Rose ang loob, dahil kung talagang mahal niya ang binata ay gagawin niya ito. Hindi siya ang tamang babae para kay Kent.
Pilit niyang tinanggal ang tila nakabara sa lalamunan at nagsalita, “Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? I am not getting any younger. I am 29 Kent, nakahanap na ako ng lalaking ka-edad ko. At..m-magpapakasal na kami.”
“Mahal mo ba siya?” halos pabulong na iyon.
Ibinaling ni Rose sa iba ang paningin, “Oo.”
“Eh ako, minahal mo ba ako? Kahit konti?” para nang nagmamakaawa ang binata.
Gustong gustong sumigaw ng puso niya, oo! Oo ikaw lang!
“H-Hindi, pinaglaruan lang kita. Kasi mas bata ka, mas madaling paikutin. You see, I am 29 at 19 ka lang. Naniwala ka no? Marami ka pang dapat matutunan sa buhay Kent, sige na. I have to go.” sabi niya at dire-diretsong naglakad palayo.
Sana, sana hindi nito nakita ang mga luha niyang tuloy-tuloy na pumatak.
“Ate? What do you think?”
Nagising si Rose mula sa pagbabalik tanaw nang kausapin siya ng nakababatang kapatid na si Arkin. Hawak nito ang plano ng bahay na ipinapagawa nito, bagong kasal kasi ang lalaki.
“Maganda ang plano. Ang daya mo ha, alam mo namang dream location ko ito, inunahan mo pa akong magpatayo ng bahay rito!” biro niya habang inaaral ang design.
“Sabi na nga ba eh, maiinggit ka. Ako pa ba,” tatawa-tawang sabi ng kapatid niya.
“Alam mo ikaw? Bahay mo ito, sa akin ka tanung nang tanong. Tsaka may architect ka na naman diba?”
“Well, una sa lahat ay ate kita kaya mahalaga sa akin ang input mo. Pangalawa, isa kang instructor ng mga architect student, ikaw ang nagtuturo sa mga architect noong nag-aaral palang sila. Syempre doon na ako sa master magtatanong,” nakakibit balikat na sabi nito.
Well, tama naman si Arkin. Isa siyang guro sa college students na ang kurso ay achitecture. Doon niya nga nakilala si Kent, isa ito sa mga estudyante niya.
Hay, tumibok nanaman nang malakas ang kanyang puso nang maalala ang binata. Sampung taon na rin ang nakalipas mula noon.
Kumusta na kaya ito? 39 na siya ngayon, 29 na ito. Siguro..may pamilya na. Aray.
Habang siya, ito, malaki ang chance na tumandang dalaga. Hindi naman kasi ito napalitan sa puso niya kahit na kailan. Si Kent ang pinakamagaling niyang estudyante noon, matanong ang binata at mahilig pang magpaturo sa kanya.
Naging madalas ang kanilang pagkikita, gustong gusto nitong kakwentuhan siya. Hindi na niya namamalayan na nahuhulog ang loob niya rito, oo, kahit na bawal. Nagkaroon sila ng lihim na relasyon pero dumating ang araw na nagising nalang siya na mali iyon.
Ayaw niyang ikulong si Kent sa kanya na mas may edad. Madi-diskubre pa nito ang mundo at magiging malaki pa siyang hadlang roon, kaya kahit na durog ang puso niya ay iniwan niya ang binata.
“Iisipin kong inlove ka na sa wakas ate kasi lagi kang tulala,” pukaw muli ng kanyang kapatid.
“Ay nako, ako nga ay tigil tigilan mo! Aaralin ko muna itong mabuti then I’ll give my feedback later.”
Mabilis lumipas ang ilang buwan at natapos ang bahay, inimbita siya ng mag-asawa sa blessing noon sa Tagaytay.
Proud siya sa kapatid dahil pangalawang bahay na itong ipinapagawa nito, tama rin iyon dahil maganda ngang investment ang bahay.
“Welcome ate.” sabi ni Arkin nang makababa siya sa kotse, nagbeso-beso sila at hinalikan niya rin sa pisngi ang asawa nitong si Mina.
Ang lamig ng simoy ng hangin. Masayang nagkukwentuhan ang mga bisita sa bakuran habang si Rose ay titig na titig sa bahay. Mas maganda sa personal, may pagkakahawig sa dream house niya.
Iginiya siya ni Arkin papasok sa loob, para pa rin siyang namahika kakamasid sa bahay.
“Ate, this is Architect Kent Alfonso, ang utak sa magandang bahay na ito.”
“K-Kent Alfonso?” di makapaniwalang tanong niya. Unti-unti niyang ibinaling ang paningin sa tinutukoy ng kapatid at..BOOM.
Naroon sa kanyang harap, ang binatang may ari ng kanyang puso. Lalo itong gumwapo sa paglipas ng panahon, mas lumaki ang katawan. May patubong bigote at balbas, lalong naging lalaking-lalaki ang mukha, hindi mo na mahahalata na ito ang binatilyong namumula pa ang pisngi noon tuwing tititigan niya.
Pakiramdam niya ay kaya na siya nitong buhatin ngayon at iwasiwas sa ere, aba, bakit niya naman kaya naisip iyon?
Bagamat, kung tititigan ang mata nito ay naroon pa rin si Kent. Ang kanyang si Kent..
“Kumusta? It’s been what..ten years, Miss Rose?” wika nito, inilahad ang kamay sa kanya.
Natulala ang babae, t*nginang boses yan, kahit boses ang gwapo! Posible pala iyon?
Hindi pa man siya nakakasagot ay may lumapit na ritong isang magandang babae, kumapit iyon sa braso ng binata at nakangiting bumati sa kanila.
“Kent dear! Bakit hindi mo naman ipakilala sa kanya ang Engineer? Hi Rose, I am Lovelle Alfonso, partner nitong mokong na ‘to sa paggawa ng bahay.” masayang wika ng dalaga.
Parang namanhid ang buong katawan ni Rose. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin, tiyak niyang halatang-halata na nasaktan siya dahil biglang nangilid ang kanyang mga luha.
Hindi ba at siya naman ang nang iwan kay Kent? O eh bakit tinatamaan siya ngayon, ito naman ang gusto niya diba? Ang mahanap nito ang ‘tamang babae’ para rito, iyon bang ka-edad nito. Hindi siya iyon!
Napalakad siya paatras, hanggang naging takbo na. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng mga tao, ang sakit eh!
“Ate oh my God!” huli na nang marinig niya ang sigaw na iyon ni Arkin dahil nasa harap niya na ang malaking cake at bumangga na siya roon.
Tumumba ang cake sa kanya kaya napuno ng icing ang kanyang mukha, napaupo siya sa sahig. Hayop na buhay ito, bakit kailangang sabay-sabay siyang pahiyain?
Napatingala siya at nang ibalik ang kanyang paningin sa pader ay doon niya lang napansin ang isang malaking karatula.
WELCOME TO YOUR NEW HOME, KENT & ROSE
“Kent and Rose?” bulong niya.
Nagulat na lamang siya nang may biglang bumuhat sa kanya. Paglingon niya ay bumungad ang seryosong mukha ni Kent. Diyos ko, galit ba ito? Iwawasiwas na ba siya nito sa ere tulad ng naiisip niya kanina?
Iniupo siya ng binata sa isang tabi at pinunasan ang icing sa kanyang mukha.
“You don’t have to do this-“
“Don’t speak.” putol nito sa sinasabi niya, seryoso sa ginagawang pagpunas.
“Hindi na nga kailangan, kaya ko na nga yan.”
“I said quiet!” titig nito sa kanya kaya napatahimik ang dalaga. Muli itong nagsalita, “You see, Rose, I am not the young Kent na kaya mong pasunod-sunurin. Kapag sinabi kong tumahimik ka, please naman tumahimik ka. Siguro naman ngayong malaki na ako pakikinggan mo na ako diba? Hindi mo na ako basta tatalikuran.”
Hindi siya nakapagsalita sa sinabi nitong iyon, nagulat pa siya nang bigla siyang yakapin nito.
“Miss na miss kita.” bulong ng binata sa kanya.
God, this boy..mali, this man. Kent is a man now.
“Rose, alam kong iniisip mong mali tayo noon. Kaya kahit ang sakit sa akin ay pinabayaan kita. Alam ko naman na wala ka talagang pakakasalan kasi araw-araw, oo araw-araw sumisilip ako sa inyo. Naka-close ko na nga ang kapatid mong si Arkin dahil sa lihim kong pangungumusta sayo.
Pero tiniis ko, nagsikap ako para patunayan na bagay tayo. Na di mo kailangang humanap ng ka-edad mo para lang masabi na bagay kayo, kasi Rose, hindi ko kayang humanap ng ka-edad ko na kapalit mo. Ikaw lang rito sa puso ko,” madamdaming sabi ni Kent.
“K-Kent..” sabi niya lang, nahaplos ang pisngi nito.
Oh my God.. ang puso niya.
“Wag mo na akong iwan please, hindi na tayo mali ngayon. Tama na ito, 10 years Rose, I waited for 10 long years. Napag ipunan ko na itong bahay natin, sa tulong ni Arkin ay nalaman ko kung ano ba ang dreamhouse mo kaya ito na. This house is a sign of my love for you,please.”
Hindi niya na sinagot ang binata at bigla na lamang niya itong hinalikan. Narinig nilang nagpalakpakan ang mga bisita.
Nang sulyapan niya ang kapatid ay kumaway ito habang tumatawa, “Ate, nalimutan mo bang may bahay na ako?” paalala nito. Walanghiya, kanya na pala iyong ipinapagawa nito. Ang galing umacting!
Naroon rin ang babae kanina, nang mahalata ni Kent na nakatitig siya ay iginiya siya ng binata palapit roon.
“Rose, honey, this is Lovelle. Isa siyang engineer, she’s my twin sister.” nangingiting wika nito.
Ah, kaya pala pareho ng apelyido! Ang gaga niya!
“Hi Rose, wala na akong ibang masasabi. Baliw sayo ang kapatid ko,”
Napuno ng tawanan ang paligid dahil sa sinabing iyon ni Lovelle.
Isang buwan lang ang hinintay ay nagpakasal rin ang dalawa. Biniyayaan sila ng triplets kaya lalong lumigaya ang mag-asawa.
Laging tandaan na ang pag ibig ay walang pinipiling edad. Dahil kapag tumibok ang puso, sabi nga sa kanta- wala ka nang magagawa kundi sundin ito.
Images courtesy of www.google.com