Pumikit muna ng matagal si Risa bago siya humarap kay Ronald, ang kanyang mister. Pinilit niyang patatagin ang kanyang boses, kahit pa parang may nakabara sa lalamunan niya dahil sa kanina pa pinipigil na pag-iyak.
“T-This is going nowhere. Ang mabuti pa, tapusin na natin ito.”
“What?” gulat na sabi ng lalaki, nakakunot ang noo at hindi makapaniwala sa sinabi niya.
“I am setting you free, maghiwalay na tayo.” kumpirma niya.
Bumalatay ang sakit sa mukha ng lalaki, pero ilang sandali lang ay naging blangko na ang ekspresyon nito.
“Kung yan ang gusto mo.” mahinang sabi nito tapos ay mabilis na lumabas sa kanilang bahay.
Nang marinig ni Risa na humarurot ang kotse nito palayo ay doon lamang bumagsak ang luha niya, napasandal pa siya sa pader dahil sa sobrang sakit at panghihinang kanyang nararamdaman.
“Ma’am?” tawag ng kartero. Kanina pa nito naiabot ang sulat pero di naman siya magawang iwan dahil para siyang matutumba nang mabasa ang nilalaman noon.
Isang buwan na rin ang nakalipas nang tuluyan silang maghiwalay ni Ronald.
“O-okay lang ako Kuya, thank you po.”
Ang totoo niyan, mahal na mahal niya ang asawa. Kaya nga ang sakit sakit ng puso niya hanggang ngayon. Pero ayaw niyang maging selfish, sa anim na taon kasing pagsasama nila ay hindi sila mabiyayaan ng anak. Alam niyang siya ang may diperensya, nasa lahi nila ang hirap magbuntis.
Hindi sinasadyang mabasa ni Risa ang nilalaman ng cellphone ni Ronald noon, at nakita niya ang ilang miscall mula sa babaeng ang pangalan ay ‘Jamie’. Di niya na tinangkang basahin pa ang palitan ng mensahe ng mga ito dahil madudurog lang ang puso niya.
Inisip niyang iyon na rin ang pagkakataon para hiwalayan si Ronald dahil hinahanap na nito sa iba ang bagay na hindi niya maibigay.
Hindi na naman siya tinangka pang balikan ng lalaki, ang sakit lang rin dahil hindi man lang ito humabol. Buti na lamang ay nariyan ang kanyang pamilya na handang gumabay sa kanya, ang mga ito rin ang sumusuporta sa kanya ngayon financially dahil nagresign siya sa trabaho. Lagi lang kasi siyang natutulala.
Kaya lang pag trip ka talaga ng buhay ay hindi ka tatantanan. Akala niya ay ang hiwalayan na nila ni Ronald ang pinakamabigat na pagsubok pero hindi pala, dahil kababasa niya lang ngayon sa sulat na ipinadala ng ospital na tumitingin sa kanya.
Nagpacheck up siya noong isang Linggo dahil may nakita siyang kaunting dugo sa kanyang panty, tapos ay mabigat ang kanyang pakiramdam. Feeling niya ay bumibigay na ang matris niya at nanghihina sa paglipas ng panahon, tapos ito na. Ito na ang resulta.
May c*ancer siya sa matris. Nabasa niya iyon sa pinakaibabang bahagi ng sulat.
“Lord, sinusubukan Mo po talaga kung gaano ako kalakas ano?” umiiyak na sabi niya, nakatingala sa langit.
Ilang araw siyang tulala, ano na ang mangyayari ngayong may taning na ang buhay niya?
“Ate, bakit para na namang Biyernes Santo ka dyan? Kung ako kasi sa iyo, kausapin mo na ang Kuya Ronald. Kasal pa naman kayo,” sabi ng bunsong kapatid niya.
Napasulyap siya rito, “Ako ang nakipaghiwalay, tapos ako rin pala ang babalik. Mukha akong tanga ano?”
“Ano naman? Asawa mo naman iyon. Tsaka, ang nagmamahal ay hindi inuuna ang pride.”
Napatingin siya sa kapatid, kung tutuusin ay tama ito. Ngayong may taning na ang buhay niya ay wala naman siyang ibang gustong gawin kundi makapiling ang lalaking minamahal. Kahit na sa sandaling panahon na lang.
Hindi na siya sumagot at mabilis na naligo, pupuntahan niya si Ronald.
Ayon sa kanyang mother in law ay naroon raw ang lalaki sa bahay bakasyunan ng mga ito sa Batangas, bumyahe siya ng ilang oras para lamang makita ito. Hindi pwedeng hindi sila magkausap ngayong araw, sayang ang oras!
Ilang buntong hininga ang pinakawalan ni Risa bago siya kumatok. Buo na ang loob niya, napagdesisyunan niyang makipagbalikan sa asawa at pakiusapan ito na maging sa kanya ulit. Hindi niya aaminin na may sakit siya.
Dahan-dahang bumukas ang pinto at natulala siya nang bumungad ang lalaki sa pinto. May patubo itong balbas at bigote, ugali nito ang mag ahit kaya bago iyon para sa kanya. Nangayayat rin ang kanyang asawa..
“R-Risa.” nagulat na sabi nito, lumambot ang ekspresyon nang makita siya.
“Ron.” nangingilid ang luha naman na sagot niya.
Nag-atubili ang lalaki kung ano ang sasabihin pero ibinukas rin naman ng malaki ang pintuan, “Pasok ka. Ang layo ng ibinyahe mo..b-bakit ka nandito?”
“Galit ka pa ba sa akin?” diretsahang tanong niya.
Tinitigan siya ng lalaki bago sumagot, “Hindi naman ako nagalit sayo.”
Bigla siyang pumulupot sa leeg nito at hinalikan si Ronald nang mariin.
“Ron, I’m sorry. Please take me back. Please, ikaw ang gusto kong makasama hanggang sa huling sandali ng buhay ko.”
Nakabitaw na siya ay tulala pa rin ang lalaki, “Hindi mo kasi naiintindihan Ris-“
“Ron, kahit pa may babae ka. Ang jamie na iyon, kung..kung kailangan kong tanggapin iyon ay gagawin ko. Basta makasama lang kita.” desididong sabi niya. Diyos ko, sana ay gabayan siya. Napakalaking dagok sa pagkababae niya pag nagkataon.
Hindi kumibo si Ron at kinuha ang cellphone, may tinawagan.
“Hello Jamie? Punta ka dito, may ipapakilala ako sayo.” sabi lang nito at ibinaba na iyon.
Oh.My.God. Ganito ba talaga ka-brutal si Ronald? Talaga paghaharapin pa sila ng babae nito? Hindi nakagalaw si Risa, isang oras lang silang nagtitigang mag asawa. Ewan niya ba kung ano ang nababasa niya sa mga mata ng lalaki dahil kanina pa ito titig na titig sa kanya.
Maya-maya pa ay may narinig silang kotse, ito na yata.
Nangangatog si Risa lalo nang bumukas ang pinto.
“Jams, this is my wife Risa. Risa, this is Jamie, officemate ko dati. May bahay rin sila ng misis niya rito sa Batangas,”
Unti unti niyang ibinaling ang paningin dahil naguguluhan siya sa pakilala ni Ronald rito.
Pero hindi babae ang nakita niya, kundi isang brusko at bigotilyong lalaki na kasing tangkad pa ng mister niya.
“Ikaw si Jamie?”
“Hi Risa! Dati ka pa ikinukwento nitong husband mo. Alam mo mahilig itong manghingi ng advice sa akin, kasi may ininom akong herbal noon para magkaanak kami ni misis. Dati ay hirap rin kaming makabuo, pero ngayon ay dalawa na ang baby namin,” nakangiting sabi nito at kinamayan pa siya.
Hindi nakakibo ang babae kaya muling nagsalita ang kaharap, “By the way, kung nagulat ka kasi akala mo ay babae ako, naku hindi lang ikaw ang nabiktima ng pangalan ko. Ang nurse kasi na nagregister ng birth certificate ko noon, imbes na ‘Jaime’ ang nailagay ay ‘Jamie’. Kaya ito, pinanindigan ko nalang.” tatawa tawa pa ito.
Noon tumikhim si Ronald at nagsalita, “Ngayon mahal, nagdududa ka pa ba? Hinayaan lang kitang mapag isa sa loob ng isang buwan at nagkasya ako sa pagkumusta sayo kina Mama mo at sa kapatid mo. Pero siguro naman..hindi kana magdududa sa akin? Halos mabaliw ako rito, miss na miss kita..” bulong ng kanyang mister na nakalapit na pala sa kanya.
Hinapit ni Ronald ang bewang niya, nakahalata naman si Jamie na kailangang mapag isa ng mag asawa kaya nagpaalam na rin ang lalaki.
Akmang hahalikan na siya ng mister nang pigilan ito ni Risa, dapat ay malaman nito ang kanyang kalagayan.
“P-Patawarin mo ako kung makitid ang utak ko noon. Pero kasi, kailangan mong malaman na hindi na rin ako magtatagal-“
Nag-ring ang kanyang cellphone, pinatay muna ni Risa ang tawag dahil naantala ang kanyang paliwanag.
“Ang sinasabi ko, hindi na ako-”
Nag-ring muli.
“Sandali lang ha? Sasagutin ko lang ito,” paalam niya. Ang ospital pala ang tumatawag.
“H-Hello?”
“Hello? Mrs. Risa Castro? This is Jane from Manila Medical Center, I am really sorry ma’am for the misunderstanding. Mali po ng sulat na naipadala sa inyo, if you will check sa bandang itaas po ay ibang pangalan ang nariyan. You are not sick madam, you are pregnant!”
Nabitiwan ng babae ang telepono pagkarinig noon. Nag-aalala namang nilapitan ni Ronald ang misis, “Ano ang nangyari?!”
Nahawakan niya sa dalawang pisngi ang mister, “Ron, mahal tayo ng Diyos! Iyon ang nangyari!”
Napatalon sa tuwa ang lalaki nang ibulong niya ritong buntis siya. Lalong tumibay ang samahan ng mag asawa dahil sa bunga ng kanilang pagmamahalan.
Images courtesy of www.google.com