Maaga pa lamang ay binabaybay na ni Johnny ang kalsada habang naka-motor. Isa siyang bumbay, Jagatprabhu ang totoo niyang pangalan pero Johnny na lamang ang ginagamit niyang palayaw. Sa tinatagal tagal niya kasi sa Pilipinas ay nahihirapan ang mga tao na banggitin ang tunay niyang ngalan.
Hindi ganoon kadali ang buhay sa Mumbai, India kaya isa siya sa nakipagsapalarang tumira rito at magnegosyo. Ang hanapbuhay niya? Ano pa- magpautang! Ayos naman ang lahat, hindi lang pera ang puhunan, kundi pagod, stress at pasensya.
Itinabi niya ang motor at hinubad ang helmet nang matapat sa bahay nina Aling Helen, palagi itong nangungutang sa kanya at ubod ng hirap na singilin. Kahapon nga lang nito natapos ang tatlong buwang hulugan lang sana nilang usapan.
Tapos ay nagsabi na naman na baka pwede raw makautang muli, hindi niya naman matiis dahil may sakit raw ang anak.
“Aling Helen,” tawag niya. Kinahulan siya ng aso nito.
“Ay si Johnny pala! Teka muna itatali ko ang aso ha, sandali lang John ha.” masuyong sabi ng ale sa kanya. Itinali nito ang aso sa parteng hindi siya maaabot kaya nakapasok na siya sa loob.
Nagulat pa siya dahil bumungad sa salas ang apat pang kumare ni Aling Helen, sina Aling Viring, Aling Tessie, Aling Aida at Aling Belen.
“Goodmorning Johnny!” masayang wika ng mga ginang.
“Dala mo na ba?” sabi ni Aling Helen.
“Oho, ito cash mo limang libo ha? Wag ka na sana mahirap singilin,” pasimpleng puna niya.
“Naku oo naman! Nagkataon lang talagang gipit noong panahong iyon, nga pala. Kilala mo na ang mga kumare ko ano? Naikwento ko kasi na ikaw ang pinakamabait na nagpapautang rito, hindi ka nananaga sa tubo. Eh kailangan rin kasi nila..” nandidilat pa ang mata ng ginang habang sinasabi iyon, pilit siyang binobola at pinalalambing pa ang boses.
Napakamot sa ulo niya si Johnny, “Magkano po ba?”
“Tigta-tatlong libo lang naman pogi,” sabi ng mga ale.
Binuklat ng lalaki ang kanyang pitaka, bibilangin niya kung sapat pa ang pondo niya.
“Teka lang po,” sabi niya. Tinanggal niya ang laman ng pitaka, resibo, ticket sa lotto na tinayaan niya, at listahan.
“Ayan, hay kabait-bait talaga ng taong ito. Makakaasa ka hijo!” sabi ng mga ginang nang iabot niya ang lilibuhin sa mga ito.
Lingguhan ang naging usapan nila, mabilis lumipas ang mga araw at maniningil nang muli si Johnny. Una niyang pinuntahan ang bahay ni Aling Helen.
Nasa gate pa lang siya nang kahulan siyang muli ng aso.
“Aling Helen..” tawag niya.
Galit na galit sa kanya ang aso at pilit siyang inaabot.
“Aling Helen..” tawag niya ulit.
Sumilip sa pinto ang ginang, nakasimangot.
“Ang aga aga mo naman. Pass muna ako! Marami gastos!” padabog na sabi nito tapos ay sinara na ang pinto.
Napailing naman si Johnny, “Kapag mangungutang itatali ang aso nila, pag maniningil na ako pinapakawalan na.” dismayadong sabi niya.
Akala niya ay makakasingil siya nang araw na iyon pero pare-pareho lang ang taktika ng mga ale. Ang isa nga, bukas pa ang TV nang magtawag siya pero nang marinig ang boses niya ay biglang pinatay iyon.
Kesyo walang tao, pero may mga tsinelas naman sa tapat ng pinto.
Lulugo-lugong umuwi ang lalaki, lugi siya ngayong araw.
Samantala, sina Aling Helen naman ay nagtatawanan sa bahay nila isang hapon. Kasama niya ang mga kumare, nanonood sila ng TV.
“Mamaya nga ay manood tayo ng lotto, iyong inaalagaan kong numero pakiramdam ko ay tatama na. Ilang beses na rin kasing pahapyaw lang eh, naku mare pakiramdam ko ito na yon. Kinikilabutan ako!” sabi ni Aling Viring.
“May taya ka rin ba? Ako rin eh, sana naman kahit limang number lang. Nangangati ang kamay ko, magkaka-pera yata ako!” sabi naman ni Aling Tessie.
“Pag nanalo kayo mare balato naman ha? Tsaka atin atin nalang, kasi pag kumalat yan pati ibang kapitbahay ay hihingi sa inyo. Tsaka makakarating rin kay Johnny bumbay, sige kayo sisingilin kayo noon,” pananakot ni Aling Helen.
“Oo nga! Ang gunggong, nagtatawag sa bahay namin noong isang beses. Pinabayaan ko nga siya,” tatawa tawang kwento ni Aling Tessie.
Naghagikgikan sila at pinagtawanan ang pananamantala nila sa lalaki.
Pagsapit ng gabi ay bigo sila dahil kahit isa sa numerong tinayaan nila sa lotto ay hindi lumabas. Bagsak ang balikat ng mga tsismosa na nag-uwian sa kani kanilang bahay.
Makalipas ang dalawang araw, nagulat na lamang si Aling Helen nang magising siya sa ingay sa labas.
“Hoy psst! Nonoy! Ano iyan? May artista ba?” tanong niya sa isang kapitbahay na nakapila.
Nagkakagulo kasi ang mga tao, may mahabang pila pa na umabot na sa gate niya! Ang iba ay bumabalik na may bitbit na isang plastic ng grocery.
Napansin niya sa isang gilid ang mga kumare niya pero hindi maipinta ang mukha ng mga ito.
Sakto namang sagot ng kanyang kapitbahay, “Si Johnny kasi Aling Helen,”
“O anong nangyari kay Bumbay?” maang na tanong niya.
“Tumama sa lotto ng 500 million! Ang balita ko nga raw hindi na siya magpapautang, babalik nalang sa bansa nila. Pero bilang balik sa mga taong naging mabait raw sa kanya at sa negosyo niya, namimigay siya ngayon ng tulong. Naku grabe ate Helen, basta raw smooth magbayad noon ay hindi lang grocery ang ibinibigay niya, dinodoble niya ang total ng mga nautang noon at ibinibigay na ng libre!
Nakita mo ba iyong iba kanina? May tigki-kinse mil, namumudmod ng pera talaga si Johnny!”
Natulala ang ale at namanhid ang buong katawan, kaya pala hindi maipinta ang mukha ng mga kumare niya. Tiyak niyang pare-pareho sila ng nararamdaman.
Pumasok siya sa loob ng bahay at nagsisi, habang rinig na rinig ang kasiyahan ng mga tao sa labas. Hindi na siya sisingilin ni Johnny ngayon dahil barya nalang para rito ang utang niya, pero ang tiwala ng tao ay hindi na maibabalik pa.
Doble sana ang biyayang tinatamasa niya, kung hindi lang siya naging balasubas.
Images courtesy of www.google.com