Inday TrendingInday Trending
Iba ang May Kasalanan, Ako ang Napagbintangan

Iba ang May Kasalanan, Ako ang Napagbintangan

Si Mang Toni ay isang bilango sa Bilibid prison sa bansang Pilipinas. Taon ng 2007 ng bigla na lamang siyang dinampot ng mga pulisya sa mismong tahanan niya sa Catanduanes, Bicol at inakusahan sa salang di naman niya talaga ginawa.

Si Mang Toni ay isang driver ng isang kilalang pamilya sa kanilang lugar. Simpleng tao lamang siya. Mabait, palakaibigan at masipag sa buhay. Mayroon siyang asawa at dalawang anak na lalaki.

High school lamang ang natapos niya sa kadahilanang mahirap lamang ang pamilyang kanyang kinagisnan. Ngunit kahit ganun ay nagsisikap parin siya ng mabuti para mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang pamilya.

Mahirap man sila ay nagsusumikap pa rin siya ng maayos at nagtratrabaho sa marangal na paraan. Malakas din ang pananalig niya sa Poong Maykapal. Hinding hindi siya nawawalan ng tiwala Dito.

Pinalaki niya ang kanyang mga anak na may takot sa Diyos. Gaya nga ng madalas niyang sabihin, “Lahat ng nangyayari sa atin ay may dahilan. Lahat ay nakaplano. Plinano ng Diyos para sa’tin. Kailangan lang nating magtiwala sa Kanya at sigurado akong sa huli, lahat ng ito ay magiging maayos din. Wag na wag tayong mawawalan ng tiwala sa Kanya.”

Mahigit sampung taon na ang nakalilipas simula ng mangyari ang isang trahedyang bumago sa buhay nilang mag-anak. Isang trahedyang kahit kailan ay hinding hindi makakalimutan ni Mang Toni.

Pumanaw ang among babae ni Mang Toni at nagkataon naman na si Mang Toni ang nakasaksi dito. Hindi niya alam kung ano nga ba talaga ang nangyari o kung sino ba ang may sala sa malagim na sinapit nito. Basta nakita niya na lamang itong nakahandusay sa sahig ng sala ng pamamahay ng mga ito noong gabing pinuntahan niya ito, upang makiusap sana kung pwede ba siyang makahingi ng advance dahil maysakit ang bunsong anak niya at kinakailangang madala agad sa ospital.

Hinding-hindi niya makakalimutan ang gabing iyon. Sapagkat ang gabing iyon ang simula ng karumaldumal na mga pangyayaring sinapit ng kanilang pamilya.

Binawian ng buhay ang kanyang anak na may malalang sakit. Isang taon lamang ang lumipas, sumunod naman ang kanyang pinakamamahal na asawa. Tanging ang panganay na anak niya na lamang ang natitira sa kanya. Ngunit sa kasamaang palad ay wala narin siyang balita kung nasaan na ito ngayon o kung ano na nga ba ang sinapit nito.

Napuno ng pait ang kanyang puso. Gusto niyang magalit sa Diyos dahil hindi niya maintindihan kung bakit nangyayari ito sa kanya. Mabait naman siyang tao. Ni minsan ay hindi siya nanakit ng kanyang kapwa. Matino siyang mamamayan at isa din siyang alagad ng Diyos. Wala siyang maisip na mali sa kanyang pagkatao dahil alam niya sa sarili niya na hindi niya kayang manakit ng kanyang kapwa o gumawa ng maling bagay.

Ngunit bakit siya pa? Bakit sa kanya nangyari ang mga bagay na ito? Hindi niya matanggap ang kanyang sinapit. Lalong-lalo na ang sinapit ng kanyang pamilya dahil lamang sa kasalanang hindi niya ginawa. Bakit kailangan niyang danasin ang ganitong klase ng paghihirap? Bakit sa kanya? Bakit siya pa?

Pero sa kabila ng lahat ng sinapit niya, pinili niya na lamang magtiwala sa Diyos. Pinili niya na lamang alisin ang sama ng loob na namumuhay sa kanyang puso, dahil wala na naman siyang magagawa kundi ipagpasa-Diyos na lamang ang lahat.

Araw-araw pa rin siyang nagdadasal na sana balang araw ay maintindihan niya kung bakit kailangang mangyari ang lahat ng ito sa kanya. Araw-araw niya ring ipinagdarasal na sana nasa mabuting kalagayan ang kanyang natitirang anak.

Mayo ika-21 ng taong 2018, araw ng paglilitis ng kaso ni Mang Toni.

Itinakda sa araw na ito ang paglilitis para sa pagdinig ng kaso ng lalaki. Sa loob ng Korte Suprema ay makikita ang isang hukom, ang mga saksi, at nagsasakdal na si Mang Robert na siyang asawa ng biktima at dating amo ni Mang Toni, ang unico hijo nito at mga abogadong handang ipaglaban ang kaso laban kay Mang Toni. Sa kabilang panig naman ay ang isinasakdal na si Mang Toni at ang abogadong kumakatawan sa kanya.

Natapos ang paglilitis, sa kabutihang palad ay napawalang sala si Mang Toni. Ayon na din sa mga ebidensiyang nakalap ng kanyang abogado, na nagpapatunay na siya ay tunay na inosente. Sa kabilang dako naman ay napag-alaman nila na ang tunay na may sala pala at siyang may gawa kung bakit binawian ng buhay ang ginang ay ang mismong anak nito na nasasangkot din nang minsang magkaroon ng raid ang mga pulisya.

Nagtalo daw ang mag-ina ng gabing iyon dahil pinakiki-usapan ng ginang ang kanyang anak na tumigil na sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Nagalit ito at dahil nga sa impluwensya ng alak at iba pang hinithit ng gabing iyon. Hindi sinasadyang nasaktan niya ang ina. Napalakas ang pagka-untog ng ulo nito sa sahig na naging sanhi ng pagpanaw nito.

Takot na takot ang lalaki ng gabing iyon kaya mabilis siyang tumakas. Napag-alaman naman niyang ipinadakip ng ama si Mang Toni sa pag-aakalang ito ang may kasalanan kung bakit sinapit iyon ng kanyang ina. Natakot siyang umamin sa ama.

Bagama’t araw-araw siyang binabagabag ng kanyang konsensiya, hindi niya magawang umamin dahil na rin sa takot sapagkat alam niya ang bigat ng kasong kanyang kahaharapin.

Ngunit isang araw, may dumating na isang lalaki na medyo pamilyar sa kanya ang mukha. Kinausap siya nito. Ito ang abogadong kumatawan kay Mang Toni sa araw ng paglilitis. Sa una ay parang puno ng galit ang mga mata nito, ngunit kinalaunan ay dinaan siya nito sa masinsinan at mapusong usapan.

Mahahalata din ang sinseridad ng abogado sa pakikiusap sa kanya na umamin sa kanyang kasalanang nagawa. Para narin sa ikatatahimik ng kanyang konsensya.

“Pasensya na po Mang Toni kung ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na umamin sa kasalanang nagawa ko. Alam ko pong walang kapatawaran ang nagawa ko. Isa po akong duwag. Pero sana po balang araw, mapatawad niyo po ako,” puno ng sinseridad niyang tugon kay Mang Toni.

“Sa totoo lang, sa bigat ng iyong nagawang kasalanan, nararapat lamang sa iyo ang kasuklaman panghabang buhay. Ngunit hindi ko iyon gagawin.

Una, dahil kahit medyo nahuli na, natutunan mong umamin at hinarap mo parin ang iyong kasalanan, kung saan ay pwede mo naman na sanang takbuhan panghabang buhay. Pero dahil sa ginawa mo, bilib ako sa tapang na iyong pinamalas.” Saad naman ni Mang Toni sa kanya.

Dahil sa sinabi nito ay biglang gumagaan ang nararamdaman ng salarin. Napakabuting tao talaga ni Mang Toni. Hindi nararapat sa kanya ang lahat ng paghihirap na dinanas niya dahil sa salang hindi niya nagawa.

“At pangalawa, Diyos nga ay nagagawang magpatawad, tayo pa kayang mga nilikha niya lamang? Pinapatawad na kita anak, sana ay mapatawad mo rin ang iyong sarili. Harapin mo ang kaparusahan mo sa salang iyong nagawa at pagkatapos nun, magsimula kang muli.

Dahil habang may buhay, may pag-asa. Magtiwala ka lamang sa Kanya. Hindi ko alam kung bakit kinakailangang mangyari sa atin ang lahat ng ito, pero gusto kong maniwala na lahat ng nangyayari sa buhay natin ay may rason.

Parating may rason ang bawat bagay na nangyayari. Minsan nga lang hindi natin agad mahanap ang rason na yun. Pero alam kong balang araw, maiintindihan din natin kung bakit kailangan nating danasin ang isang bagay. Dahil iyon ang plano ng Diyos. Magtiwala ka lang.” Napangiti na lamang siya kay Mang Toni. Gaya nito, sana matutuhan niya ding maniwala.

“Paalam po Mang Toni. Sana po ay maging masaya kayo paglabas niyo,” naluluhang sabi ng lalaki kay Mang Toni habang paalis na kasama ang mga pulis.

“Hanggang ngayon ay hindi parin ho kayo nagbabago. Pinanghahawakan niyo parin ang tiwala niyo sa Diyos,” bigla namang napatingin si Mang Toni sa kanyang abogado.

“Oo naman sir. Madalas ko nga rin po iyong ipaalala sa aking mga anak. Sana nga lang, nasaan man sila ngayon, ay hindi nila makalimutan iyon.” Makikita ang luhang unti-unting namumuo sa gilid ng mga mata ni Mang Toni.

“Syempre naman ho, Tay. Congratulations po at sa wakas nakamit niyo ang hustisyang nararapat sa inyo.

Pasensya na po kung medyo natagalan ako. Mahal na mahal po kita,” saad ng abogado sa kanyang ama habang patuloy na umagos ang mga luha sa mata sa kanilang mga mata.

“Kay tagal kong nangulila sa’yo anak,” tugon ni Mang Toni habang nakayakap sa anak niyang matagal na nawala.

“Pinilit kong matapos ang abogasya para sa inyo, tay. Kayo ang naging inspirasyon ko para makamit lahat ng ito,” humahagulgol na pahayag ng binata.

“Salamat anak ko, tunay kang hulog ng langit sa akin.”

Advertisement