“Oh anak, ito ang regalo ko sayo. Iingatan mo ng mabuti yan ha?” iniabot ni Arnold ang isang gitara sa anak na si Diane. Ika-pitong kaarawan kasi ng munting anak ang araw na iyon. Hilig kasi ng pamilya nila ang kumanta.
“Maraming salamat po tay!” tuwang-tuwa at halos magtatatalon sa tuwa si Diane nang makita kung ano ang regalo sa kanya ng mahal na ama. Ito kasi talaga ang hiling niya para sa kanyang kaarawan, isang gitara.
Nag-iisang anak si Diane ng mag-asawang sina Sylvia at Arnold. Nag-iisang anak man, hindi nila basta-bastang ibinibigay lang ang lahat ng naisin ng anak. Dinidisiplina talaga ng mabuti si Diane ng kanyang mga magulang. Maaga ding tinuruan ng mag-asawa ang anak na kailangan niyang magsumikap para makuha ang kanyang mga naisin sa buhay.
Pinalaki din nila ang anak na malapit sa Diyos. Halos lumaki ang dalaga sa loob ng simbahan at napaliligiran ng mga taong malalapit din sa Diyos. Masaya ang buhay nilang mag-anak. Napaka-simple lang pero napakasaya.
Kahit na nahihirapan sa pagiging istrikto ng magulang, alam naman ni Diane na lahat ng ginagawa ng mga ito ay para din sa kanyang kabutihan.
Ngunit gaya nga ng lahat ng kabataan, dumating ang panahon na pakiramdam ni Diane na wala siyang kalayaan, at kinokontrol na lamang ng kanyang mga magulang ang kanyang buhay. Pero kahit na pakiramdam ng dalaga ay nasasakal na siya, pinipili pa rin niyang maging mabuting anak sa kanyang mga magulang.
Matapos magsimba ng sama-sama, laking gulat nila nang makita ang kapatid ni Arnild na nag-iintay sa kanilang pagdating.
“Grace, sinurpresa mo naman kami! Kailan ka pa nagbalik dito sa Pilipinas? Di ka man lang nagsabi na uuwi ka pala!” gulat na pahayag ni Arnold sa kapatid. Si Grace ay ang nakababatant kapatid ni Arnold na naninirahan sa Amerika bilang isang music producer.
“Kahapon lang po kuya, sa isang hotel po ako ngayon namamalagi. Pasensya na at hindi ako nakapagsabi agad sa aking pag-uwi. Biglan lamang kasi ito.
At saka pinuntahan ko talaga kayo agad ngayong araw dahil may gusto sana akong ialok sa inyo,” paunang bati ni Grace sa pamilya ng kanyang nakakatandang kapatid habang bumebeso sa mga ito sa pisngi bilang tanda ng kanyang pagbati.
“Ano iyon Grace? Nasisigurado kong napakaimportante ng bagay na iyan at napauwi ka pa talaga dito sa Pilipinas ng biglaan,” napatingin naman si Grace sa pamangking si Diane at ngumiti.
“Alam kong matagal nang pangarap ni Diane ang maging isang singer, kaya naman pinakita ko sa aking mga boss ang kanyang mga video na pinapadala sakin.
Nagustuhan nila ang kanyang boses at napahanga sa kanyang angking galing sa paggawa din ng kanta. Kaya naman agad-agad nila akong pinadala dito sa Pilipinas para alukin si Diane ng isang pagkakataon para tuparin ang kanyang mga pangarap,” nakangiting saad ni Grace sa mag-anak.
Napatili naman si Diane sa galak at yumakap ng mahigpit sa kanyang tita.
“OMG! Maraming salamat po tita! The best po talaga kayo!” puno ng galak na pasasalamat ng dalaga kay Grace. Hindi naman makapaniwala ang mga magulang ni Diane sa kanilang narinig.
“Maraming salamat sa ginawa mo para sa aming anak, Grace, pero napakabata pa ni Diane. Labing walong taong gulang pa lamang siya. Hindi pa siya nakapagtatapos ng kanyang pag-aaral.
Kinalulungkot kong sabihin pero hindi siya maaaring sumama sa iyo,” malumanay na saad ni Arnold sa nakababatang kapatid.
“Wait, what? Palalampasin niyo yung pagkakataong ito? Kuya naman! Nasa tamang edad na si Diane para mag-desisyon para sa sarili niya,” di makapaniwalang pahayag ni Grace sa kapatid.
“Tay, please. Payagan niyo na po ako. Ito po talaga ang pangarap ko! Parang awa niyo na,” pagmamakaawa ni Diane sa kanyang ama.
Tiningnan lamang siya ng ama kaya napatingin naman siya sa kanyang ina. Umaasang tutulungan siya nito dahil alam ng kanyang ina kung gaano niya na katagal na hinihintay itong pagkakataong ito. Ngunit nabigo lamang siya dahil malungkot na umiwas lang ang kanyang ina ng tingin sa kanya.
Biglang sumama ang loob ni Diane. “Nay, Tay, ngayon lang po ako hihiling sa inyo. Matagal ko na po itong pangarap. Please, payagan niyo na po ako,” sinubukang magmakaawa ulit ng dalaga sa kanyang mga magulang.
“Diane, makinig ka sa’min. Magtapos ka muna ng iyong pag-aaral bago mo gawin ang gusto mo. Para din ito sa ikabubuti mo,” malumanay na pahayag ni Sylvia sa kanyang anak.
“Simula pagkabata ay ginawa ko lahat ng gusto niyo! Naging mabuti akong anak! Lahat sinusunod ko! Ito lang po ang hinihingi ko!” hindi na napigilan ni Diane ang bugso ng kanyang damdamin at sa unang pagkakataon ay nasigawan niya ang kanyang mga magulang.
Umigting ang baga ng kanyang ama. “Diane! Wag mong bastusin ang iyong nanay! Kailanman ay hindi ka namin tinuruan na maging bastos!” Nagulat si Diane sa biglang pagsigaw ng kanyang ama pero agad din naman itong nakabawi.
Dahil sa sobrang sama ng loob na nararamdaman ng dalaga ay dali-dali na lamang siyang umakyat sa kanyang kwarto at nagkulong.
Sigurado siyang mas mag-aaway lang sila ng kanyang mga magulang kung ipagpatuloy niya pa ang pakikipag-usap sa mga ito. Agad din namang umalis si Grace sa tahanan ng kanyang kapatid at bumalik sa hotel na kanyang tinutuluyan.
Nang lumalim na ang gabi at nasigurado na ni Diane na tulog na ang kanyang mga magulang, dala ang isang bag na naglalaman ng kanyang mga gamit at ang gitarang regalo sa kanya ng ama noong bata pa siya, bigla siyang tumakas at pinuntahan ang kanyang tiyahin.
Alam ni Diane na mali ang kanyang ginawa at napakahirap ng desisyong ginawa niyang pagtakas sa kanyang mga magulang, ngunit alam niyang ito lang ang pagkakataon niyang abutin ang kanyang matagal ng pangarap.
Sumama si Diane sa kanyang tiyahin sa Amerika at sinubukang abutin ang kanyang mga pangarap. At dahil nga sa taglay na talento, sipag at kabaitan ni Diane ay hindi din nagtagal at unti-unti na siyang nakikilala. Unti-unti niya ng naaabot ang kanyang mga pangarap. Nakilala siya sa youtube kung saan milyon-milyon ang mga fans na kanyang nakuha.
Makalipas ang mahigit dalawang taon ay naisipan ni Diane na balikan ang kanyang mga magulang sa Pilipinas at humingi ng tawad. Noong una ay gusto niya na talagang sumuko at umuwi nalang ngunit nahihiya siya sa kanyang mga magulang kaya naisip niya na hindi siya uuwi hangga’t wala pa siyang napapatunayan.
Kaya mas nagsumikap pa si Diane at kalaunan ay hindi naman siya nabigo at nagbunga din lahat ng kanyang paghihirap. May maihaharap na siyang muli sa kanyang mga magulang!
Sobrang nasasabik na siyang makita ang kanyang Nanay Sylvia at Tatay Arnold! Miss na miss niya na ang mga ito. Pagkarating na pagkarating niya sa kanilang bahay ay nakita niya ang kanyang inang nagdidilig ng mga halaman.
Napansin niyang nangayayat ito. Bigla naman siyang nakonsensya at sinisi ang sarili dahil alam niyang pinag-alala niya ito ng husto. Lalapitan niya na sana ang ina ng makita siya nito.
Biglang nagliwanag ang mukha ni Sylvia at tinawag ang asawa, “Arnold! Mahal! Nagbalik na ang ating dalaga!” puno ng emosyong tawag ng kanyang ina sa kanyang ama.
Agad-agad namang lumabas ang kanyang ama at hinanap siya. Nagtagpo ang kanilang mga mata at hindi na nila napigilan pa ang mga luha sa kanilang mga mata na kusang bumagsak.
Napatakbo si Diane papunta sa kanyang mga magulang. Sinalubong naman ng mag-asawa ang kanilang pinakamamahal na anak sa isang mainit at napakahigpit na yakap. Yakap na puno ng pananabik at pagmamahal para sa anak.
“Patawarin niyo po ako nay, tay. Patawarin niyo po ako kung naging masamang anak po ako at sinuway ko po kayo,” humahagulgol na saad ng dalaga sa kanyang mga magulang. Tinignan siya ng mga ito ng punong-puno ng pang-unawa at pagmamahal.
“Okay lang, anak. Naiintindihan namin. Patawarin mo din sana kami ng iyong kung masyado ka naming pinaghigpitan. Kabutihan mo lang ang lagi naming iniisip. Pasensya na kung hindi namin naibigay ang suportang kinakailangan mo noong mga panahong higit na kailangan mo ito,” saad ni Arnold habang hinahaplos at pinupunasan ang pisngi ng anak.
“Nakalimutan namin, hindi kana pala bata. Kaya mo na palang magdesisyon at tumayo sa iyong sariling mga paa. Patawarin mo sana kami kasi kahit hindi man namin aminin, siguro ay ayaw lang naming tanggapin na kaya mo ng mabuhay ng wala kami, na kaya mo na ang sarili mo. Mahal na mahal ka namin anak,” muling niyakap ni Diane ang kanyang mga magulang habang patuloy na umiiyak.
“Mahal na mahal ko rin po kayo nay, tay,” buong pusong tugon ni Diane sa kanyang mga magulang.
Inasikaso ni Diane ang mga papeles ng kanyang mga magulang at isinama na ang mga ito sa kanya sa Amerika. At dahil nga sa kasama na ni Diane ang kanyang pamilya ay mas pinagbutihan niya pa ang kanyang trabaho kaya naman tuluyan na talaga itong sumikat hindi lang sa Amerika, kundi pati na rin sa buong Asya.
Isang na siyang celebrity na kilala lalo na ng mga kabataan ngayon. Isa siya sa mga Pilipinong nagdala ng karangalan sa ating bansa gamit ang talentong ipinagkaloob sa kanya ng Diyos.
Tuluyan mang umunlad ang buhay ng pamilya ni Diane, hindi pa rin sila nakalimot sa ating Diyos. Patuloy pa rin ang kanilang pananalig dito. Bumalik din si Diane sa pagiging aktibo sa simbahan at pinagpatuloy ang pag-aaral kahit na mayroon pang trabaho.
Medyo nahihirapan mang ipagsabay ang lahat, pero alam ni Diane na makakaya niya ang kanit na anong problema, dahil nananiwala siyang hindi siya pababayaan ng Panginoon. Alam niya rin na parati lang nandyan ang kanyang pamilya para suportahan siya sa laban ng buhay.