Lahat ng Lalaking Minahal ng Babae ay Pumapanaw, Di Na Tuloy Kinaya ng Utak Niya at Bumigay Na
Ulilang lubos na si Patricia. Sanggol pa lamang siya nang masawi ang mga magulang sa isang aksidente kung saan nahulog ang sinasakyang kotse ng mga ito sa bangin.
Mula nang mawala ang kanyang nanay at tatay ay tumira na siya sa kanyang Lola Idad. Ngunit iba ang trato nito sa kanya. Palagi siya nitong pinapagalitan at kadalasan ay inuubusan pa siya ng pagkain.
“Lola, bakit wala pong ulam?”
“Wala na, ubos na! Lakwatsa ka kasi nang lakwatsa kaya dapat lang sa iyong maubusan ng ulam!”
Hindi rin siya nito tinutulungan sa mga gastusin niya sa pag-aaral. Siya ang gumagawa ng paraan para magkaroon ng pambaon at pamasahe.
“Wala na naman pala akong baon bukas sa eskwela. Teka, alin kaya dito sa mga luma kong libro ang maaari kong ibenta?” tanong niya sa sarili habang naghahalukay sa tokador.
Dalawang taon na lang at matatapos na siya sa kolehiyo. Konting panahon na lang ang titiisin na kasama ang kanyang Lola Idad.
Kapag nasa eskwela ay iniiwasan din siya ng mga kaklase dahil sa hitsura niya. Aminado naman siya na hindi siya kagandahan. Ayaw din siyang kasama ng mga ito dahil sa pangit at luma niyang pananamit. Wala kasi siyang pambili ng bagong mga damit at sapatos.
“Patricia, basahan ka ba?” pang-aasar ng lalaki niyang kaklase.
“Bakit?” sabay-sabay na wika ng mga kaklase niyang babae.
“E, kasi ang dumi mo, e!” hirit pa ng lalaki.
Nagsihagalpakan ng tawa ang mga ito. Hindi naman niya pinapansin ang panunukso at pang-aasar ng mga kaklase niya dahil sanay na siya sa mga ito.
Lahat na lang pinagtatawanan siya. Minsan ay naisip niyang mawala na lang sa mundo ngunit hindi niya inaasahan na mayroong isang tao na papansin sa kanya.
Iyon ay walang iba kundi si Miguel. Ang ultimate heartthrob sa kanilang eskwelahan. Ito din ang kauna-unahang lalaking minahal niya. Nanligaw ito sa kanya at naging nobyo niya naman kalaunan. Ang kanyang malungkot na mundo ay biglang naging makulay.
“Mahal na mahal kita, Patricia. Sana ay ikaw na ang una’t huling babaeng mamahalin ko,” anito.
“Ako rin, mahal na mahal din kita. Hindi ko kakayaning mawala ka sa akin,” aniya.
Isang taon ang itinagal ng kanilang relasyon nang isang masamang balita ang nalaman niya tungkol sa nobyo. Natuklasan niya na mayroon pala itong sakit sa baga.
“Ngayon ka kailangan ni Miguel, hija,” wika ng ina ng lalaki.
“Hindi ko po siya iiwan, tita. Kasama niya ako sa laban niya sa sakit niya,” aniya.
Sinubukan itong ipagamot ng mga magulang sa ibang bansa ngunit hindi rin kinaya ng katawan ng lalaki ang malubhang karamdaman at binawian din agad ng buhay. Parang bumalik lahat ng sakit na naramdaman niya nang mawala ang kanyang mga magulang. Nang mawala ang nobyo ay nagbalik din ang malungkot na mundong nakasanayan niya.
“Bakit mo ako, iniwan, Miguel? Masaya na akong nakaalis ngunit muling ibinalik sa kadiliman nang mawala ka!” iyak ni Patricia habang nasa harap ng puntod ng nobyo.
Makalipas ang ilang buwan ay nakapagtapos na siya sa kolehiyo at nakahanap ng trabaho. Gaya ng plano niya ay umalis siya sa poder ng kanyang lola Idad at naghanap ng murang matitirhan.
Sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ay nakilala naman niya si Benjo. Ang guwapo niyang ka-opisina. Kahit nagtataglay ng kakaibang karisma ang lalaki ay hindi ito suplado at madaling pakisamahan. Hindi ito tulad ng ibang guwapong lalaki na mataas ang tingin sa sarili. Mabait si Benjo at kalog kaya marami itong kaibigan.
Naging malapit na magkaibigan ang dalawa hanggang sa mahulog ang loob ni Patricia sa lalaki. Sa ilang buwan na pinaramdam ni Benjo na mahalaga siya rito ay hindi maipagkakaila na unti-unting nawala ang sakit ng pagkawala ni Miguel. Isang araw ay umamin ang lalaki na mahal na siya nito.
“Alam kong masakit pa rin sa iyo ang pagkawala ng dati mong nobyo, pero sana bigyan mo ako ng pagkakataong mahalin ka,” wika ni Benjo.
Kasabay nang pagtatapat na iyon ay ang pag-amin rin niya ng totoong nararamdaman.
“Alam kong maiintindihan ako ni Miguel kung muli kong bubuksan ang aking puso. Sa tingin ko ay kailangan ko nang mabuhay sa kasalukuyan at kalimutan ang nakaraan,” sabi niya sa kausap.
Naging maayos naman ang pagsasama nila ni Benjo. Minsan ay nagkakaroon sila ng ‘di pagkakaunawaan pero hindi matatapos ang araw ng hindi nila iyon naaayos. Hanggang sa dumating ang araw na niyaya na siya nitong magpakasal.
“Will you marry me, Patricia?” tanong ng lalaki.
“Yes!” sagot naman niya sabay yakap ng mahigpit sa nobyo.
Bago ang nakatakdang araw ng kanilang kasal ay isang hindi inaasahang balita ang bumulaga kay Patricia. Nakatanggap siya ng tawag mula sa kapatid ni Benjo.
“Patricia, si kuya Benjo…wala na si kuya!” umiiyak na wika ng babae.
“Ba-bakit anong nangyari kay Benjo?” kinakabahan niyang tanong.
“Wala na si kuya. Naaksidente ang sinasakyan niyang motorsiklo. Isinugod namin siya sa ospital ngunit binawian din siya ng buhay. Bago niya tuluyang ipinikit ang mga mata, pangalan mo ang binabanggit niya”
Walang nagawa si Patricia kundi ang humagulgol at paulit-ulit na isinigaw ang pangalan ng nobyo.
“Benjo, Benjo!”
Hindi na niya kinaya pa ang panibagong dagok na iyon sa kanyang buhay.
Sa sobrang sakit, lungkot at pait ng bago niyang karanasan ay bumigay na ang kanyang utak. Nang pumanaw ang pangalawang lalaking minahal niya ay nawala na rin siya sa tamang pag-iisip hanggang sa inilagak na lamang siya sa pagamutan ng mga wala na sa tamang katinuan.
Akala ni Patricia ay doon na tuluyang matatapos ang lahat para sa kanya ngunit sa lugar na iyon pala niya makikilala ang taong magiging sandalan niya at uunawa sa kanya.
“Hi, ako si Mary, ako ang bagong nurse na mag-aalaga sa iyo. Puwede mo akong maging kaibigan, Patricia. Tutulungan kitang kalimutan ang masasakit mong pinagdaanan. Tutulungan kitang bumangon muli,” wika ng babae.
Sa sinabing iyon ng nurse ay muling nagliwanang ang mga mata niya at nakatanaw ng bagong pag-asa.
“Sige! Magkaibigan na tayo, ha?” nakangiti niyang sabi sa kausap.
Si Mary ang naging kaibigan niya habang nagpapagaling sa pagamutan. Nakalimutan niya ang malulungkot na pinagdaanan dahil sa masayahin at mabait na nurse. Hanggang sa dumating ang araw ng kanyang pag-alis.
“Salamat, Mary! Akala ko, hindi na ako gagaling. Nung una akong dumating dito ay gusto ko na sanang wasakasan ang buhay ko pero nang makilala kita natutunan ko ulit tumawa at maging masigla,” aniya.
“Walang anuman, Patricia. Nakikita ko kasi ang sarili ko sa iyo. Pinagdaanan ko rin ang pinagdaanan mo. Nawalan din ako ng mahal sa buhay at humantong sa pagkawala ng aking katinuan hanggang makilala ko ang taong babago sa buhay ko. Tulad ko, isa rin siyang nurse at ngayon ay magdadalawang taon na kaming kasal,” kuwento ni Mary.
“Ganun ba? Masuwerte pa rin pala ako dahil nakilala kita at nakahanap ako ng totoong kaibigan. Lumabas tayo minsan, ha? kapag hindi ka busy sa trabaho mo!”
“Oo naman! I-text o tawagan mo lang ako at darating ako!” masayang wika ni Mary at ibinigay kay Patricia ang numero nito.
Nawala man kay Patricia ang mga taong minahal niya at nagmahal sa kanya ay nakatagpo naman siya ng bagong kaibigan na iniahon siya sa kadiliman at nagbalik sa kanya sa liwanag.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!