Inday TrendingInday Trending
Lihim na Minamahal ng B*kla ang Kaibigan Niya, Isang Malaking Sakripisyo ang Ginawa Niya para Patunayan Iyon

Lihim na Minamahal ng B*kla ang Kaibigan Niya, Isang Malaking Sakripisyo ang Ginawa Niya para Patunayan Iyon

Mga bata pa lamang sina Kimpoy at Denver ay matalik na silang magkaibigan. Sanggang-dikit nga ang dalawa at parang tunay na magkapatid ang turingan sa isa’t isa. Ulilang lubos na si Kimpoy na pinalaki at inalagaan ng kanyang tiyahin. Si Denver naman ay lumaki sa isang wasak na pamilya, hindi niya alam na mayroon palang lihim na pagtingin sa kanya ang kaibigan.

“I love you, Denver! Hanggang pangarap na lang ang pagmamahal ko sa iyo, pero masaya ako na kasama kita kahit kaibigan lang ang tingin mo sa akin,” sabi ni Kimpoy habang hawak-hawak ang litrato ng kaibigan.

Matagal naniyang itinatago ang nararamdaman sa kaibigan. Hindi naman lingid sa kaalalam nito na isa siyang binabae. Tanggap ni Denver ang pagkatao niya kahit sino pa siya at napakabait nito sa kanya kaya mabilis na nahulog ang loob niya rito.

“P’re, lika gala tayo! Wala akong magawa sa bahay, e. Palagi lang akong uutusan ni ermat dun,” yaya ni Denver.

“Oo ba! Saan ba punta natin?” tanong naman niya.

“Manchi-chicks tayo!” anito.

“Ha?”

“May gusto kasi akong babae e. Balak kong ligawan. Tulungan mo naman ako, p’re!”

Bigla siyang nalungkot sa sinabi nito. Alam niyang babaero ang kaibigan ngunit sa tono ng pananalita nito ay tila seryoso ito sa balak na panliligaw.

“Ganun ba, p’re, e sino naman iyang balak mong ligawan?” tanong niya.

“Si Sheena!”

Ang tinutukoy nito ay ang maganda nilang kapitbahay na palaging napipili na lumaban sa mga beauty contest sa kanilang barangay. Dahil mahal niya si Denver ay handa niyang gawin ang lahat para sa ikaliligaya nito.

Tinulungan niya ang kaibigan para mapalapit sa babae, sa panliligaw ay todo suporta siya rito hanggang dumating ang araw na sinagot ito ng dalaga at naging opisyal na magka-relasyon ang dalawa.

“Sinagot na ako ni Sheena, p’re! Salamat sa lahat ng tulong mo, ha?” masayang wika ng lalaki.

“Ikaw pa ba! Alam mo namang lahat gagawin ko para sa iyo di ba?” aniya.

“Ano bang gusto mong kapalit? Sabihin mo lang!”

May ibang naiisip si Kimpoy ngunit nilabanan niya iyon at sinagot ang tanong nito.

“Wala! Ano ka ba, ano pa at naging magkaibigan tayo!” maikli niyang sabi.

Lihim mang nasasaktan ay minabuti niyang itago ang kanyang emosyon. Para sa kanya ay mas mahalaga ang kaligayahan ng taong mahal niya.

Isang araw ay hindi niya inasahan na pupuntahan siya ng kaibigan at maglalabas ng sama ng loob.

“P’re, iniwan na ako ni Sheena!” umiiyak na sabi ni Denver. Ngayon lang niya nakitang umiyak ng ganoon ang lalaki.

“Bakit anong nangyari?”

“Bigla na lamang daw niyang naramdaman na hindi na niya ako gusto. Bakit ngayon pa p’re na mahal na mahal ko na siya!” hinagpis nito.

Hindi na niya napigilan ang mga luhang kumawala sa kanyang mga mata. Hindi niya kayang makita na nasasaktan ang lalaking pinakamamahal niya.

“Huwag kang mag-alala at kakausapin ko siya,” aniya.

Kinaumagahan ay pinuntahan niya si Sheena at kinausap.

“Alam mong mahal na mahal ka ni Denver, bakit ganoon ang ginawa mo sa kanya?” tanong niya sa babae.

“Sorry, Kimpoy pero na-realize ko na hindi pala si Denver ang lalaki para sa akin. Mataas ang pangarap ko sa buhay. Mas gusto kong makatuluyan ang isang lalaking mayaman at magbibigay sa akin ng magandang buhay,” anito.

Napaiyak na lamang si Kimpoy at lumuhod sa harapan ng babae. Nagmakaawa.

“Nakikiusap ako sa iyo, Sheena. Balikan mo si Denver. Hindi niya kakayanin na mawala ka,” pagsusumamo niya.

Nagulat ang babae sa ginawa niyang pagmamakaawa para sa kaibigan. Inalalayan siya nitong tumayo sa kinaluluhuran.

“Bakit ganyan mo ipakiusap ang kaibigan mo, Kimpoy? Umamin ka sa akin, may nararamdaman ka sa kanya ‘no? Ibig sabihin isa kang binabae?” prangkang tanong sa kanya ng babae.

Pinahid ni Kimpoy ang luha sa mata saka nagsalita.

“Oo bakla ako at mahal ko siya! Mahal na mahal, kaya lahat gagawin ko para sa kanya!”

Nahabag si Sheena sa ibinunyag niya. Hindi nito inakala na may pagtingin ang kaharap sa dating nobyo.

“Kaya pala ganyan na lamang ang pagmamakaawa mo sa akin. Kahanga-hanga ang pagmamahal mo sa kanya, kaya mong magpakababa para lang sa kanya. Pero nakapagdesisyon na ako, Kimpoy. Wala na akong balak na balikan pa si Denver. Sana maunawaan mo.”

Hindi na nakumbinsi pa ni Kimpoy ang babae na makipagbalikan sa kaibigan. Isang araw ay nabalitaan na lamang niya na naaksidente si Denver sa sinasakyan nitong motorsiklo at nagkaroon iyon ng malubhang epekto sa mga mata ng lalaki, nabulag ito.

“Ayoko nang mabuhay pa! Kung ganito lang din naman na inutil na ako ay mas gugustuhin ko pang mawala na lang sa mundo!” iyak ng lalaki habang nakaratay sa ospital.

“Huwag kang ganyan, Denver. May awa ang Diyos!” wika niya sa kaibigan.

Mayroon pang pag-asang makakita ang lalaki sa pamamagitan ng eye transplant ngunit kailangan pang makakita ng posibleng donor nito.

Tatlong Linggo ang mabilis na lumipas. Dumating ang araw nang pagtanggal ng benda sa mga mata ni Denver.

“Congratulations, hijo dahil matagumpay ang operasyon!” wika ng doktor.

“Ano, anak nakakakita ka na ba?” tanong ng ina ng lalaki.

“N-nakakakita na ako, inay! Nakikita ko na kayo! Maraming salamat, dok!”

“Magpasalamat ka sa taong nagbigay ng mga mata niya sa iyo.” sabi pa ng doktor.

“S-sino po ang nagbigay dok?” nagtataka niyang tanong.

“Pasensya na, hijo pero ayaw niyang magpakilala. Minabuti niyang itago ang pagkakakilanlan niya.”

“Kung sino man siya ay lubos akong nagpapasalamat sa kanya.”

Bumalik sa normal ang buhay ni Denver ngunit ipinagtataka niya kung bakit hindi na nagpapakita sa kanya ang kaibigang si Kimpoy mula nang ma-operahan at makalabas siya sa ospital. Hindi niya naiwasang magtanong sa ina.

“Inay, alam niyo ba kung nasaan si Kimpoy? Hindi man lang niya ako dinalaw sa ospital mula nung na-operahan ako, “ tanong niya sa kausap.

“M-may aaminin ako sa iyo, anak. Ayaw niya sanang ipaalam ito sa iyo pero hindi na kaya ng kunsensiya ko na itago sa iyo ang lahat.”

“Ano po iyon, inay?”

“Si Kimpoy ang nagbigay sa iyo ng mga mata niya anak!” at napahagulgol na ang ina.

“Ano?”

“Nagulat na lamang ako nang sabihin ng doktor na ang kaibigan mo ang nag-donate ng mga mata niya para makakita kang muli. Huli na rin nang malaman ko, anak!” bunyag pa nito.

Hindi nakakilos ang lalaki. Napaupo na lamang siya sa silya at napaiyak nang matuklasan ang ginawang sakripisyo ng kaibigan para sa kanya. Napag-alaman din niya kung saan ito naroon. Sinadya rin pala nitong hindi magpakita sa kanya matapos ang operasyon. Bukod dun ay may nalaman parin siya tungkol rito na labis niyang ikinadamdam.

Nang matagpuan ang tunutuluyan ng kaibigan ay agad niyang kinatok ang pinto. Ang tiyahin nito ang nagbukas ng pinto at nagulat pa nang makita siya.

“D-Denver?” gulat na sabi ng tiyahin ni Kimpoy.

“T-tita, nariyan po ba si Kimpoy?” nahihiya niyang tanong.

“N-nasa loob siya, anak! Sige puntahan mo na siya,” anito,

Pagpasok niya sa bahay ay nakita ang kaibigan na nakaupo sa tumba-tumba at nagpapahinga. Nakaramdam naman ito na may dumating.

“Tita, may bisita ka ba?” tanong nito at biglang tumayo sa kinauupuan na may hawak na tungkod.

Hindi na napigilan ni Denver na mapahagulgol nang makita ang kalagayan ni Kimpoy.

“Kimpoy? Ako ito, si Denver!”

Natigilan si Kimpoy at hindi na rin napigilan na maluha nang marinig ang boses ng lalaking mahal niya.

“Denver, ano pang ginagawa mo rito?” tanong nito.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo? Na may nararamdaman ka sa akin, na mahal mo ako! Bakit pati sarili mo ay ibinaba mo nang makiusap ka kay Sheena na balikan ako? Bakit inilihim mo rin sa akin ang ginawa mo, alam mo ang tinutukoy ko, Kimpoy?”

“Da-dahil iyon ang gusto ko! Bata pa lang tayo ay minahal na kita. Pinilit kong labanan ang nararamdaman ko pero hindi ko kaya. Mas minabuti kong itago sa iyo ang totoo dahil ayaw kong iwasan mo ako. Masaya na akong makita kang masaya, Denver. Wala akong pinagsisisihan sa lahat ng ginawa ko. Kaya kong isakrispisyo ang lahat para sa iyo, dahil ganoon kita kamahal!” bunyag ng kaibigan.

Nilapitan ng lalaki ang kaibigan at mahigpit itong niyakap. Isinakripisyo ni Kimpoy ang paningin para sa taong pinakamamahal niya.

“Sana sinabi mo sa akin ang nararamdaman mo! Hindi ka naman mahirap mahalin, Kimpoy dahil napakabuti mong tao!” aniya.

“Patawarin mo ako, Denver. Iyon lang ang alam kong paraan para maipadama ang pagmamahal ko sa iyo!”

“Hayaan mong ako naman ang bumawi sa iyo. Hayaan mong ako naman ang magpakita ng pagmamahal sa iyo at hayaan mong ako ang maging mga mata mo,” sabi ng lalaki sabay halik sa noo ng kaibigan.

Naramdaman ni Denver kung gaano siya kamahal ni Kimpoy. Hindi na rin niya napigilan ang sarili na mahulog ang loob sa kaibigan. Natutunan na rin niyang mahalin ito kahit pareho sila ng kasarian.

Sa huli ay nabiyayaan ang magandang kalooban ni Kimpoy dahil nagbunga rin ng maganda ang pagmamahal niya kay Denver. Ang pagmamahal na walang hinihinging kapalit.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement