Akala ng Magkakapatid ay Pumanaw na ang Nanay Nila Kaya Inapi Nila ang Bunsong Kulang sa Pag Iisip, Sinusubukan Lang Pala sila ng Mayamang Matanda
Panganay sa apat na magkakapatid si Harlene, ang kapatid niyang si Harold na sumunod sa kanya ay isang manager, sinundan ito ni Hanna na isang teacher at bunso nilang si Hernan, may karamdaman sa utak. Menopause baby kasi si Hernan kaya special child ito.
Dahil siguro sa kondisyon ng kanilang kapatid ay ito ang pinakabinibigyang atensyon ng kanilang ina. Sa edad na 35 anyos ay may yaya pa ang lalaki, si Yaya Connie.
“Happy birthday Hernan!” masayang bati nila, excited naman na hinipan ng lalaki ang kandila sa cake. Tuwang-tuwang nakamasid ang kanilang ina sa wheelchair.
“Hindi pa ba tayo uuwi?” iritang bulong ng mister niyang si Arnold.
“Mamaya, g*go ka talaga. Baka makahalata si Mama na wala tayong pakialam sa abnormal niyang anak,” matalim ang tingin niya sa lalaki. Bumuntong hininga naman ito bilang sagot.
Ang totoo kasi niyan, silang magkakapatid ay asar kay Hernan. Kaya lang nila ito pinakikitaan nang mabuti ay dahil sa kanilang ina. Aba, hindi pwedeng magalit ang matanda sa kanila. Malapit na itong mamatay, sayang ang malaki-laking mana.
Hindi naman lingid sa kaalaman nila na marami itong naimbak na pera, idagdag pa ang naiipon na pension ng tatay nilang pumanaw na. Kung pantay na hahatiin, siguro ay nasa milyon ang makukuha ng bawat isa.
“Mga anak, salamat sa pagmamahal ninyo sa bunso natin. Alam naman ninyo na mahalaga ang bawat taon ng buhay niya, isine-celebrate talaga. Sobra ang ligaya ko dahil sabi nung doctor noong ipanganak siya, hindi raw siya aabot ng pitong taon dahil nga isa siyang special child.
Pero tingnan naman ninyo ngayon, 35 na at napakalakas pa! Hay, praise God!” masayang masayang sabi ng kanilang ina.
Plastik naman na ngumiti ang magkakapatid at niyakap pa si Hernan.
Ilang araw pa ang lumipas, nagpaalam ang matanda na may aasikasuhin raw sa Tarlac. Lumuwas itong kasama ang abogado kahit pa anong pilit ng sipsip na magkakapatid na samahan ito.
Hanggang isang balita ang nakarating sa kanila, naaksidente ang nanay nila at hindi na ito umabot ng buhay sa ospital. Tanging ang attorney lamang nito ang nakaligtas.
“Yes!” mahinang sigaw ni Harlene, napatingin naman ang kanyang mister.
“Ano’ng niye-yes yes mo dyan?”
“Patay na si mama! Naku, tignan mo. Mamaya or bukas lang tatawag na ang attorney para sa hatian. Mana time! Excited na ako,” sabi niya.
Hindi nga siya nagkamali dahil wala pang limang minuto ay tinawagan na sila ng attorney ng kanilang ina. Pinapupunta sila nito sa bahay ng matanda, ang sabi pa nga ay sa kanilang tatlo lang raw hahatiin ang mana dahil wala namang kakayahan si Hernan na humawak ng pera.
Sana raw ay pagtulungan nalang nilang alagaan ang kanilang kapatid, iyon ang huling bilin ng matanda.
Mabilis pa sa alas kwatro na pumunta ang ganid na babae sa bahay ng ina. Sinalubong siya ni Hernan ng yakap pero tinabig niya ito.
“Ano ba! P*tang inang abnormal, pagod na pagod na kong sakyan ka ha!”
Bumalatay ang lungkot sa mukha ng lalaki, niyakap ito ni Yaya Connie. Ang matanda lang ang tunay na nagmamahal sa binata.
Ang dalawa pa nilang kapatid ay ganoon rin ang turing kay Hernan.
Nagturuan rin sila kung sino ang mag-aalaga rito, napapailing nalang ang attorney na nakasaksi sa lahat ng pananakit nila sa binatang may espesyal na pangangailangan.
“Ikaw, wala na si mama kaya wag kang feeling baby baby dyan. Yaya Connie, ito na ang huling sahod mo,” sabi ni Harlene na inabutan ng limang libo ang matandang kasambahay. “Makakaalis kana, pakisabay mo na rin si Hernan. Hayaan mo nalang na magpalakad lakad. Pero sa bus station mo na iwan para di na makabalik, iligaw mo.” sabi niya.
Hindi kumikibo ang matanda, ang balak nito ay iuwi na si Hernan sa probinsya. Bahala na kung paano niya bubuhayin ang alaga, hindi kaya ng puso niya na iwan ito dahil anak na rin ang turing niya rito.
Ilang sandali pa ay nakangiti niyang binalingan ang attorney, “Ano na nga po ulit yung mana?”
Titig na titig sila rito, parang mga buwayang nakaabang sa karne.
“Sa inyong tatlo lang hahatiin ang sikwenta mil,” panimula nito.
“Teka. Wait wait, mali ang rinig ko. Mayaman sina mama, maraming ipon sa bangko maging ang pension ni papa. Tapos ang bahay na ito, anong sikwenta mil ang pinagsasabi mo?” inis na sabi ni Hanna.
“Sikwenta mil para sa tatlong magkakapatid dahil kaya na naman ninyong tumayo sa sarili nyong mga paa,” dugtong ng attorney.
“Naglolokohan tayo eh!” tumaas ang boses ni Harlene.”Kanino mapupunta yung malaking pera?! Kay Hernan?! Kita mo ngang abnoy abnoy yan! Ikaw na ang nagsabi sa telepono, hindi niya kayang humawak ng yaman dahil kulang ang pag-iisip niyan!”
“Kayo ang kulang sa pag-iisip!”
Napalingon ang tatlong magkakapatid at nanlaki ang mata nila nang makita ang kanilang ina na lumabas mula sa kwarto. Madilim ang mukha nito habang pinapaandar ang wheelchair.
“M-ma! Paanong..”
“Sinusubukan ko lang kayo. At ngayon ay lumabas ang totoo, na kaya lang kayo mabuti sa kapatid nyo ay dahil narito ako! Dahil may kailangan kayo! Pero wala kayong mga malasakit! Mga mukha kayong pera!
Tutal, matatalino naman kayo at mga wais. Hindi nyo na kailangan ng yaman ko. Naniniwala akong mabubuhay kayo maski na maliit lang ang inyong manahin. Ang lahat ng salapi ko ay nais kong mapunta sa taong taos sa pusong nagsilbi sa pamilya ko at nagmahal kay Hernan kahit na ano pa siya-si Yaya Connie,”
Hindi sila makapaniwalang tatlo habang ang matandang kasambahay naman ay natulala.
“M-Madam, hindi ko ho-“
“Walang ibang karapat-dapat rito kung hindi ikaw. Dahil sa pamilyang ito, ikaw lang ang may puso. Kung mawawala man ako, mapapanatag akong di mo pababayaan si Hernan ko,”
Walang nagawa ang magkakapatid.
Di nagtagal ay totoong pumanaw na ang matandang babae. Matapos naman ang dalawang taon ay sumuko na rin ang katawan ni Hernan at sumalangit na. Pero namatay siyang masaya dahil puno siya ng pagmamahal at pag-aalaga ni Yaya Connie, isang bagay na di niya nakuha sa kanyang mga kapatid.
Hanggang ngayon ay nagsisisi si Harlene at ang dalawa pa niyang kapatid.
Kahit talaga takpan ang basura ay mangangamoy pa rin. Hindi maitatago ng pagbabalatkayo ang masamang ugali. Magbago na at maraming biyaya ang ipagkakaloob ng Diyos.