Inday TrendingInday Trending
Kumain ang Babae sa Isang Mamahaling Restawran Ngunit Higit Pa Pala sa Masasarap na Pagkain ang Matatagpuan Niya Dito

Kumain ang Babae sa Isang Mamahaling Restawran Ngunit Higit Pa Pala sa Masasarap na Pagkain ang Matatagpuan Niya Dito

Isang napakaabalang araw ang araw na ito para kay Christine. Tambak siya ng trabaho dahil nasa bakasyon ang kanyang boss at siya ang naatasang gumawa ng ibang trabaho nito habang hindi pa nakakabalik.

Halos hindi na siya umalis sa kanyang lamesa sa dami ng mga gawain, pirma dito, sulat doon. Hindi na siya kumain ng agahan at hindi pa rin nakakakain ng tanghalian, gusto na kasi talaga niyang matapos ang lahat ng gawain.

Pasado alas otso ng gabi ngunit nakaupo pa rin siya doon at patuloy sa paggawa.

“Ma’am Tin, hindi pa po ba kayo uuwi?” tanong ng isa niyang kaopisina.

“Maya-maya ng konti, malapit naman na din akong matapos,” nakangiting tugon niya.

Kumaway lamang ang kaopisina at saka ito lumabas upang umuwi. Naiwanan na lamang siyang nakaupo doon at abala pa rin. Nakakaramdam na siya ng konting pagod at pagkahilo, marahil ay gutom na rin siya.

Sa tingin niya ay hindi matatapos ang lahat ng trabaho niya ngayon kaya minabuti niyang iuwi na lang ang ibang trabaho at sa bahay tapusin.

Naglalakad-lakad siya sa labas ng makaramdam ng paghapdi ng sikmura kaya napagdesisyunan niyang kumain sa isang mamahaling restawran, regalo na rin niya sa sarili dahil sa dami ng trabaho.

Pagpasok doon ay agad siyang sinalubong ng isang waiter at saka itinuro ang kaniyang uupuan. Binigyan siya ng waiter ng mga menu ng espesyal na pagkain sa restawran.

“Ah, paorder ako nito,” habang itinuturo ang masasarap na pagkain sa listahan, “at saka ito na rin.”

“Anything else po, ma’am?” tanong ng waiter.

“Padagdag na din pala ng isang meatball pasta at vanilla shake na din,” dagdag pa ni Christine.

“Okay po,” ngumiti ang waiter at saka ito umalis.

Tumingin-tingin siya sa paligid at saka pinagmasdan mabuti ang lugar at mga tao doon. Napakaganda ng lugar at abalang-abala ang mga tao sa pagkain, tawanan, at pagkukwentuhan.

Maya-maya ay may isang grupo ng mga babae’t lalaki ang pumasok at umupo. Tinawag nila ang waiter at saka umorder ng kanilang pagkain. Naririnig niya ang pinag-uusapan ng mga ito mula sa kanyang upuan.

“Oo naman, ako ang bahala. Marami akong kakilala dito kaya uunahin tayo,” malakas na sabi ng isang lalaking nagyayabang.

“Iba talaga pag may koneksyon eh noh?” natatawang saad naman ng isang babae.

Napailing lamang si Christine habang naghihintay ng order. Kanyang binuksan muna ang cellphone at saka kumuha ng ilang litrato. Kumakalam na ang kanyang sikmura ngunit hindi pa rin dumarating ang kanyang pagkain.

Napalingon siya sa kabilang lamesa kung saan nakaupo ang isang grupo na kapapasok lamang, nakita niyang hinahainan na ang mga ito ng pagkain.

“Aba, mas nauna akong dumating sa mga ito ah, bakit mas nauna pa sila?” bulong niya sa sarili.

Narinig na naman niya ang mayabang na lalaki kanina na nagsasalita na naman.

“Sabi ko sa inyo eh, malakas ang koneksyon ko dito, bilis di ba?” at saka ito natawa.

“Ikaw na talaga brad!” sigaw naman ng isang lalaking kasama nito.

Tumingin si Christine sa kanyang relo at saka tinignan kung ilang minuto na ang lumipas. Dalawampu’t anim na minuto na rin ang nakalipas ngunit wala kahit isa man lang na putahe ang inihahain sa kanya.

Nagsimula na siyang makaramdam ng pagkainip at pagkairita. Gutom na gutom na talaga siya, tapos masasaksihan niyang nauna pang hainan yung mga kadarating lamang.

“Ganito ba talaga dito? Palakasan ang labanan?” mahinang hinaing niya.

Maya-maya ay tinawag na niya ang waiter. “Waiter!” pagtawag niya ng malakas habang kinakaway ang kamay.

“Yes ma’am?” tanong ng lalaki.

“Matagal pa ba ang order ko?” may kaunting pagtataray niyang sagot.

“Saglit na lang po ma’am, hinahanda na po yung order ninyo,” magalang na sagot ng waiter.

“Eh bakit mas nauna na pang i-serve yung pagkain ng nasa kabilang lamesa, samantalang mas nauna akong dumating kaysa sa kanila?” mahinang tanong niya.

“Ay kasi ma’am yung pagkain ninyo po ang inihahanda ng chief chef namin mismo, espesyal po kasi yung para sa inyo,” nakangiting saad ng lalaki.

Naguluhan si Christine sa naririnig, “anong ibig mong sabihin?”

“Yung sa kanila kasi ma’am, mga baguhang chef namin ang gumawa ng pagkain nila, yung sa inyo po ay yung pinakamataas namin mismo dito.”

“Eh bakit kailangan yung pinakamataas na chef pa gumawa ng pagkain ko?” naiirita na siya dahil sa gutom na nadarama.

“Kakilala ninyo daw po kasi yung head chef namin, kaya gusto po niyang espesyal ang magiging pagkain ninyo,” sagot ng waiter.

“Ha? Sino?” tanong muli ni Christine.

“Makikilala ninyo po siya maya-maya lang ma’am.”

Bigla namang tumunog ang bell.

“Handa na po ang pagkain ninyo ma’am, paki hintay na lang po saglit,” at saka umalis ang waiter.

Maya-maya ay lumabas na ang mga chef ng restaurant dala ang mga pinakamahal at espesyalidad na pagkain nila. Isa-isa itong inilapag at inihain sa kanyang harapan. Mas masasarap pa at mas higit pa ito kaysa sa kanyang naunang inorder.

“Yan na po yung chief chef namin, maam,” saad ng waiter.

Hindi naman makapaniwala si Christine sa kanyang nakikita, si Eduard, ang dating kasintahan niya. Nagkahiwalay sila noon dahil kinailangan ng lalaki na lumipad patungo sa Italya upang mag-aral.

Napatakip na lamang siya ng bibig, dahil hindi pa rin siya makapaniwala. Yung isang grupo naman na naunang hinainan ay nakatingin din at tila ba inggit na inggit dahil sa espesyal na trato na ibinibigay kay Christine.

“Paborito mo,” inihain ni Eduard ang isang plato na may meatball pasta na sobrang espesyal.

“Sana ay magustuhan mo,” at saka ito ngumiti.

“S-salamat, pero napakarami nitong pagkain,” nakangiti niyang sagot.

“Gusto mo bang sabayan kita?” tanong ng lalaki.

Tumango naman si Christine at saka ngumiti. Sabay nilang pinagsaluhan ang masasarap na pagkain ng gabing iyon. Muli naman nabuksan ang pagkakataon na magkabalikan ang dalawa matapos ang paghihintay ng ilang taon.

Dahil sa pangyayaring iyon, napagtanto niya na tulad ng pag-order ng pagkain sa isang mamahaling restawran, may pagkakataong mauunahan tayo ng mga tao sa karera ng buhay. Sila ay lubos nang nagpapakaligaya sa mga bagay na iyong ninanais habang ikaw ay naghihintay pa rin kung kailan darating ang tamang panahon para sa ‘yo.

Minsan sa sobrang tagal ng ating paghihintay ay makukwestyon na natin ang Diyos kung bakit tila mailap ang pagdating sa atin ng biyaya ngunit ang hindi natin alam ay nakatingin lamang pala Siya sa atin at nakikinig sa ating mga hinaing.

Inihahanda na ng Diyos ang pinakaespesyal na biyaya na kanyang ihahain para sa atin at papawiin ang kagutuman at kauhawan natin sa mga bagay na matagal na nating hinihiling.

Kaya kung kagaya ka ni Christine na naghintay din ng matagal, tanging kaunting pasensya lamang ang kailangan at huwag na huwag mawawalan ng pag-asa, dahil ang gusto ng Diyos para sa atin ay ang pinakamaganda niyang biyaya.

Kaunting pagtitiis lamang at maihahain din sa atin ang pinakaespesyal na biyaya, galing sa ating Poong Maykapal.

Advertisement